Kabanata 26

18 4 0
                                    

LUMIPAS ANG ISANG buong linggo, ngunit hindi pa rin nagpapakita sa akin si Felix. Gustuhin ko mang itanong kay Reid ang numero nito'y hindi ko magawa, sapagkat ayukong pagmulan iyon nang away. Halata rin naman kay Reid, na ayaw niyang pag-usapan ang tungkol kay Felix. Kahit paano'y nag-aalala rin naman ako sa isang 'yon, lalo pa't nasanay akong lagi siyang nakikita at nakakausap. Naiintindihan ko kung iniiwasan nya kami, pero umaasa pa rin ako na sana'y magpakita man lang sya sa akin.

Katulad nang nakagawian ko'y tumatambay ako sa ilalim ng punong-mangga, pagkatapos kong mananghalian. Sumandal ako sa puno. Ipipikit ko sana ang aking mga mata nang matanaw ko ang rest house ng mga Alonzo. Mahigit limang-taon na rin akong naninilbihan sa kanila, at hanggang ngayo'y ipinagtataka ko pa rin kung bakit hindi nila pinahihintulutan ang sinuman na makapasok sa antigong mansion. Tanging si Manang Anita lamang ang hinahayaan nilang makalabas-pasok doon upang maglinis. Labis akong nahihiwagaan kung ano ang hitsura niyon sa loob, kumpara sa mansion na aming inuuwian. Ang kuwento sa akin ng asawa ni Manong Oscar, dito raw nakatira noon ang mga Alonzo. Subalit nang mamatay ang anak ni Doña Martha, ay nagpagawa sila nang bagong bahay at lumipat kung saan sila namamalagi ngayon. Labis akong nanghihinayang na hindi na nila ito tinitirahan, sapagkat napakaganda ng disenyo nito kaysa sa bagong mansion at 'di hamak na mas malaki. Gayunpaman, naiintindihan ko rin ang kanilang desisyon. Marahil ay ayaw lamang nilang maalala ang pagkamatay ni Señor Emer.

Tumuwid ako sa pagkakaupo nang mayroong kamay ang tumakip sa aking mga mata. Agad akong napangiti nang maamoy ko ang mapang-akit at sopistikadong pabango ng aking nobyo. "Reid..." sambit ko.

Inalis nya ang pagkakatakip ng mga kamay nya sa paningin ko at umupo sa aking tabi. "Sabi ko na nga ba, nandito ka lang. Kunti nalang malapit na talaga akong magselos sa punong mangga na 'to." Natatawang baling nya sa akin.

Marahan ko siyang hinampas sa balikat. "Loko..." kinagat ko nang madiin ang aking labi upang hindi mapahalakhak.

"Ano ba kasing tinatanaw mo rito?" Tanong nya.

Inginuso ko ang lumang mansion na rest house nila kung tawagin.

"Maganda ba?" Napapangiti niyang tanong.

"Uhm... oo, nagagandahan ako sa design. Pulido ang pagkakagawa, atsaka ang sarap titigan." Mahaba kong sagot.

"Bata palang mahilig na raw mag-drawing ang Tito Emer, at 'yan ang pinakaunang nagawa nya." Ikinamangha ko ang panimula niyang kuwento. "Nang umuwi sila ni Lola dito sa Pilipinas, sinorpresa sila ni Lolo Ezekiel. Ang Lolo ang gumawa ng bahay na 'yan." Dugtong nya na nagpaawang sa aking mga labi.

Nilingon ako ni Reid, ngunit hindi maalis ang paningin ko sa lumang mansion. "Napakahusay..." tanging iyon lamang ang lumabas na salita sa aking bibig.

"Kaya nga kahit ang daming bumibili sa property na 'to hindi talaga ibinibigay ni Lola, kahit ialok pa nang tripleng halaga. Mahal na mahal nya ang bahay na 'yan at ang buong Hacienda, na tanging ala-ala ng Lolo at Tito Emer sa kanya." Mahaba niyang sinabi.

Nilingon ko sya, "e... bakit pa nagpagawa ang Lola mo nang bagong mansion?" Pang-uusisa ko.

"Dahil sa bahay na 'yan namatay si Tito Emer." Sagot ni Reid habang nakatanaw sa mansion.

Hindi ko magawang ibuka ang aking mga bibig dahil sa labis na pagkabigla. Ngayo'y nasagot na ang mga katanungang matagal na panahon din naglagi sa aking isipan. Parang bumigat ang aking pakiramdam sa aking mga nalaman.

"Alam mo, parang nakikita ko ang mga drawing ni Tito Emer sa mga gawa ng kapatid mo." Seryosong baling nya sa akin.

Kumunot ang noo ko, "bakit?"

"I don't know... parang may pagka-identical sila kung mag-drawing." Kibit-balikat niyang tugon.

"Talaga ba? Ibig sabihin gano'n na kagaling si Raf?" Mayroong pagmamalaki nang isatinig ko iyon.

"Oo, mas magaling pa nga sa'kin." Aniya, kapagkuwa'y napako ang paningin sa akin.

"B-bakit ganyan ka makatingin, ha?" Nagsisimula na namang lumundag ang puso ko dahil sa malagkit niyang mga tingin.

"I realized... bagay ka talagang mamahala rito sa Hacienda." Malawak niyang ngiti.

"Pa'no mo naman nasabi 'yan?"

"Madrigal ang apelyido mo, 'di ba?"

"Oo," deretso kong sagot.

Biglang sumeryoso ang mukha ni Reid. "Madrigal ang apelyido nila Lolo."

Nahulog ang panga ko dahil sa matinding pagkabigla. Sa tagal nang inilagi ko rito'y ngayon ko lang din napagtanto ang bagay na iyon.

"Bakit Alonzo ang gamit na apelyido ng Lola mo?" Napagtagumpayan kong maitanong.

"Dahil hindi naman sila kasal ni Lolo. Magpapakasal pa lang dapat sila, kaya lang namatay ang Lolo sa aksidente—sa araw mismo nang kanilang kasal." Malungkot niyang paliwanag. "Five-year-old lang daw noon ang Tito Emer nang mamatay ang Lolo." Dugtong pa nya.

"Paano mo nalaman ang lahat nang 'yan? I'm sure wala pa tayo noong panahon nila." Nagtataka kong tanong.

"Kuwento ni Lola," tipid niyang sagot.

Muli naming tinanaw ang lumang mansion.

"May sasabihin ako sa 'yong sekreto," basag nya sa katahimikan ng paligid.

"A-ano 'yon?" Hindi ko maintindihan, pero parang kinabahan ako bigla.

"Pangalawang asawa na si Lola," bigkas nya.

"Bakit mo sinasabi ang lahat nang 'to sa'kin?" Natutuliro kong tanong.

"Dahil malaki ang tiwala namin ni Lola sa'yo." Sinsero niyang sagot. "Halika nga rito," nagpatianod nalang ako nang hapitin nya ako sa baywang at hinila papalapit sa kanya.

Magkayakap na inabot nang aming mga paningin ang magandang tanawin sa likuran ng mansion.

Kung pagkokonektahin ko ang mga haka-hakang kuwento ni Melissa tungkol sa pamilya nila Doña Martha, ay masasabi kong iba ang bersyon niyon kumpara sa mga ikinuwento ngayon ni Reid. Nakaramdam ako nang matinding paghanga sa Doña, dahil sa taglay niyang katatagan. Maaga siyang nawalan ng katuwang sa buhay, ngunit nakaya niyang lagpasan iyon. Gayunpaman, wala nang sasakit pa para sa isang ina o magulang ang maglibing ng sariling anak. Hindi ko maisip kung gaano kasakit ang kaniyang mga pinagdaanan. Para sa akin—isang huwarang ina si Doña Martha, bagay na inaasam kong sana'y naging katulad nya si nanay.

"Someday... igagawa rin kita nang sarili mong palasyo." Lingon nya sa akin, kapagkuwa'y dinampian ako ng halik sa noo.

Nangingilid ang mga luha kong nag-angat ng paningin sa kanya. At sa mga sandaling ito'y ako ang unang gumalaw upang abutin ang kaniyang mga labi.

TO BE CONTINUED...

Tears in the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon