PAGKATAPOS NAMING KUMAIN ng tanghalian ay itinuro sa akin ni Melissa lahat ng dapat kong gawin. Magmula sa umagang mga gawain at bago matulog sa gabi.
"Sana makapasok ka rin sa susunod na pasukan, para magkasama tayo." Masiglang baling sa akin ni Melissa.
Peke akong ngumiti, ayukong ipakita sa kanya na nasasaktan akong isipin na hindi na ako makakapag-aral pa. At kahit gustuhin ko man, hindi na iyon mangyayari pa. "Kailangan kong magtrabaho. Sa susunod na taon, mag-aanim na taon na ang kapatid ko, kailangan niyang makapag-aral." Seryoso kong saad.
Napapanguso akong tiningnan ni Melissa, at saglit na napatitig sa akin. "Nakakalungkot naman ang nangyari sa inyong magkapatid. Bilib ako sa katatagan ng loob mo, Czarina."
"Ako nalang kasi ang inaasahan ng kapatid ko. Kaya gagawin ko ang lahat para sa kanya. Ang isa't-isa nalang ang meron kami." Pilit ko mang ikubli, pero nabasag ang boses ko nang isatinig iyon.
Kumunot ang noo ko nang makita kong panay ang pagsinghot ni Melissa, kapagkuwa'y pinahiran pa ang kaniyang mukha gamit ang laylayan ng suot niyang damit. "Umiiyak ka ba?" Tanong ko.
"Kasi naaawa ako sa'yo, ang bata-bata mo pa pero parang matanda kana mag-isip." Aniya at kinusot ang kanyang mga mata.
"Tumahan kana diyan, baka isipin ng nanay mo, inaaway kita." Natatawa kong sinabi. "Bilisan nalang natin ang pagbabanlaw nitong mga nilabhan, maglalampaso pa 'ko ng sahig doon sa malaking kuwarto."
"Bakit nga pala inutusan ka ng Doña na linisin ang bakanteng kuwarto na 'yon?" Nagtataka niyang tanong.
"Hindi ko alam, basta sinabi nya lang sa'kin kanina bago sya umalis. Bakit mo naitanong?" Nagtataka kong lingon sa kanya.
"Kasi kuwarto 'yon ng apo niyang si Reid. Matagal ng hindi umuuwi 'yon dito, kasi sa America sya nag-aaral." Pagpapaliwanag ni Melissa.
"Gano'n ba, baka gusto lang ipalinis ni Doña Martha." Kibit-balikat kong tugon.
"Czarina," sabay kaming napalingon ni Melissa nang tawagin ako ng kanyang ina.
"Po?" Sagot ko. Tumayo ako't ipinahid ang basa kong kamay sa suot kong unipormeng pangkasambahay.
"Linisin mo na muna ang malaking kuwarto doon sa taas. Tumawag ang Doña, unahin mo raw munang gawin iyon kasi parating na sila." Mahabang sinabi ni Manang Anita, ang nanay ni Melissa at mayordoma ng mga Alonzo.
Naguguluhan kaming nagkatinginan ni Melissa. "Ikaw na muna rito ha, babalik ako agad pagkatapos ko do'n sa taas."
"Oo sige, ako ng bahala dito." Nakangiting ani Melissa.
"Raf," tawag ko sa aking kapatid.
"Ate CC?" Sagot nya mula sa hardin.
"Huwag kang maglilikot diyan ha, maglilinis lang ako sa taas." Masusi kong habilin.
"Opo, nagtatanggal lang po ako ng mga damo." Malakas niyang boses.
Dali-dali akong pumanhik sa ikatlong-palapag ng mansion, at tinungo ang silid na dapat kong linisin. Bagamat may kalakihan ang silid na iyo'y hindi naman ako nahirapang maglinis, sapagkat hindi naman ganoon kakalat at kadumi ang kuwartong iyon—katulad ng aking inaasahan.
Pinalitan ko ang sapin ng malaking kama, maging ang mga punda ng unan. Natigilan ako nang makita ko ang maalikabok na kurtina ng mataas na bintana. Iginala ko ang aking paningin sa buong-silid, naghahanap ng mataas na bagay na puwede kong gawing tuntungan. Nahagip ng aking paningin ang isang upuan, pero sa tingin ko'y hindi pa rin iyon sapat upang maabot ko ang pinagkakabitan ng kurtina. Hinila ko ang isang maliit na lamesa at ipinatong ko doon ang upuan. Nang matiyak kong sapat na iyon upang maabot ko ang kurtina ay dahan-dahan akong sumampa sa pinagpatong na upuan at lamesa.
BINABASA MO ANG
Tears in the Rain
RomanceWARNING! This is barely a first draft, and no editing has happened whatsoever, so I apologize for any possible typos and grammatical errors. If I have extra time, I will gradually edit this. ****** Nang mamatay ang haligi ng kanilang tahana'y si Cza...