Kabanata 29

21 4 0
                                    

DUMULAS SA KAMAY ko ang tray na aking dala. Aakyat sana ako sa kuwarto ni Reid, ngunit natigilan ako nang marinig ko ang boses nya mula sa loob ng kuwarto ni Señora Olivia.

Bumagsak sa sahig ang tasa ng tsaa na inihanda ko para sa kanya. Lumalim ang aking paghinga, pakiramdam ko'y nauubusan ako ng hangin. Hindi kayang tanggapin ng puso't isipan ko ang aking mga narinig. Agad na tumulo sa sahig ang mga luha ko habang iniisip kung ano ang nangyari kay nanay, at kung nasaan sya ngayon. Bahagya akong umupo upang damputin ang nagkalat na piraso ng tasa. Pinigilan kong humikbi nang makita ko si Reid, papalabas sa silid ng kaniyang ina.

Nang mahimasmasan ako sa nakakatakot na pangyayari'y sya agad ang inalala ko, sapagkat daig pa namin ang lumusong sa baha kanina. Subalit hindi ko inaasahan na ang pag-aalala kong iyon sa kaniya'y maghahatid ng matinding takot at pangamba. Naipon sa aking isipan ang mga katanungang hindi ko kayang isatinig.

Nanginginig ang mga kamay ko habang pinupulot ang basag na tasa. Sinabi kong igagawa ko nalang ulit sya ng tsaa na maiinom, nang sa gayo'y hindi sya sipunin. Kasabay nang pagtanggi niyang ipaghanda ko ulit sya ng tsaa ay mabilis akong tumalikod, at hindi ko na sya nagawa pang tapunan ng tingin.

Nang makababa ako ng hagdan ay doon ko pinakawalan ang nag-uumapaw kong mga luha. Mahigpit akong napahawak sa pendant ng aking kuwintas, umaasang makakakuha ako roon ng lakas. Subalit napigtas ang kuwintas sa aking leeg at nahulog iyon sa sahig. Dadamputin ko na sana iyon, subalit natigilan ako nang makita kong bumukas ang locket at tumambad sa aking paningin ang isang lumang larawan. Hinawi ko ang malakas na agos kong mga luha, upang malinaw na makita kung anong klaseng larawan ang nakaukit sa loob ng locket. Dinampot ko iyon at humihikbing tinitigan. Napaupo ako nang makilala ko ang nasa larawan. Lumakas ang aking pag-iyak nang mapagtanto kong larawan iyon ng lumang mansion sa Hacienda. Sa tinagal-tagal na lagi kong suot ang kuwintas na ito'y hindi ko alam na nabubuksan pala ang pendant niyon. Akala ko'y isa lamang iyong simpleng palamuti. Ikinulong ko iyon sa aking palad at malakas na umiyak. Kung totoo man ang narinig kong hindi ako tunay na anak ni tatay, hindi ko maintindihan kung bakit sa akin nya ito ibinigay. Napupuno ang isipan ko ng mga samo't-saring katanungan na naghahangad ng agarang kasagutan. Subalit hindi ko alam kung sino ang dapat kong lapitan para alamin ang katotohanan.

Matapos ibuhos lahat ng aking mga luha'y inayos ko ang aking sarili at tahimik na pumasok sa aming quarter. Akala ko'y ubos na ang aking luha, ngunit mabilis iyong pumatak nang makita ko ang mahimbing na natutulog kong kapatid. Gamit ang dalawa kong kamay, tinakpan ko ang aking bibig upang hindi makagawa ng ingay. Naupo ako sa sulok ng pintuan at impit na umiyak. Pigil ang hininga habang tumutulo ang aking mga luha, umaagos iyon pababa sa aking kamay. Humihigpit ang mga kamay kong nakatakip sa aking bibig nang makita kong tumagilid si Raf. Tila hindi nauubos ang aking mga luha, para itong batis na hindi natutuyuan ng tubig.

Mahal ko si Reid at alam kong mahal nya rin ako. Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Kinukuwestiyon ko na ngayon kung totoo ba talaga ang pagmamahal na ipinaparamdam nya sa akin. Hindi ko na tuloy alam kung dapat ko pa bang paniwalaan ang lahat ng sasabihin nya. Natatakot ako dahil hindi ko alam kung paano ko pa sya haharapin nang normal. Gustuhin ko man silang komprontahin, pinangingibabawan ako nang takot na baka may mangyaring masama kay Raf. Hindi ko matatanggap na mapahamak ang kapatid ko dahil lamang nagpatalo ako sa bugso ng aking damdamin. Isa lang ang gusto kong mangyari sa ngayon, gusto ko siyang ilayo rito.

******

Kinaumagaha'y isinama ko si Raf sa Hacienda. Ayukong mawawala sya sa paningin ko. Nagtataka ma'y hindi sya nagtanong ng kahit na ano, masaya niyang sinusunod ang lahat ng aking sabihin.

Gumagala ang paningin ko sa paligid, umaasang masisilayan ko si Reid—pero hindi ko ito nakikita simula pa kaninang umaga. May takot man akong nadarama'y hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala sa kanya. Hindi ako sanay na hindi sya nakikita.

Tears in the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon