Kabanata 3

14 5 0
                                    

KINAUMAGAHAN AY SINAMAHAN AKO ni Manang Ruth sa aming kubo, upang kunin ang mga damit naming magkapatid. Mapalad kami, sapagkat pumayag si Doña Martha na isama ko si Raf. Labis akong nagpapasalamat sa Doña dahil kinahabagan nya kaming magkapatid. Matiwasay kong nakuha ang mga damit namin ni Raf, mabuti na lamang at wala si Lola nang kami'y dumating sa bahay.

"Mag-iingat kayo do'n, Czarina. Kapag nagkaproblema ka, huwag kang magdadalawang-isip na tumawag sa akin. Alam mo naman ang numero ko, hindi ba?" Habilin ni Mamang Ruth.

"Opo, maraming salamat po talaga, Manang Ruth. Hindi ko po alam ang gagawin ko kung wala ka."

"Naku, wala 'yon. Sige na, sumakay na kayo."

"Halika na Raf," inakay ko ang aking kapatid paakyat sa loob ng bus.

Nang makaupo kami ni Raf ay sabay naming tinanaw si Manang Ruth na panay ang pagkaway sa amin mula sa labas. Kinawayan din namin sya, at ilang-sandali pa'y unti-unti nang umaandar ang bus. Halos hindi kami mangalay ni Raf sa pagkaway kay Manang Ruth, habang papaliit ito ng papaliit sa aming paningin.

"Tatandaan mo ang sinabi ko sa'yo. Pagdating natin do'n, huwag lang makulit at maglilikot. Magpasalamat tayo na pumayag si Doña Martha na magkasama tayo." Mahigpit kong paalala.

"Opo, ate—pangako." Hindi maitatanggi ang kasiyahan sa nagniningning nitong mga mata.

Habang nasa biyahe ay nakatulog si Raf sa aking mga bisig. Hinayaan ko lamang ito kahit nakakaramdam na ako ng pagkangalay. Hinaplos ko ang pawisan nitong noo, at inayos sa kanyang pagkakaupo. Wala mang kasiguraduhan kong ano ang mangyayari sa amin pagdating sa Maynila, isa lang ang nasisiguro ko—kahit saan man ako mapunta basta nasa tabi ko ang aking kapatid ay panatag ang aking kalooban. Kahit paano'y nakalayo narin kami sa masamang pagtrato sa amin ni Lola. Kailangan ko lang doblehin pa ang aking sipag para mapag-aral ko si Raf. Gusto kong mabigyan sya ng maayos at tahimik na buhay. Hindi ko man maibigay ang marangyang-buhay sa kanya, sisiguraduhin kong magiging maayos ang takbo ng kanyang kinabukasan. Ayukong matulad sya sa akin na hanggang dito nalang ang kayang maabot.

Sabay kaming naalimpungatan ni Raf nang marinig namin ang malakas na boses ng conductor ng bus. Ayon rito'y nasa Maynila na raw kami. Pinauna kong makababa ang ibang mga pasahero bago ko inakay si Raf pababa ng bus.

"Ate, ito na ba ang Maynila?" Masiglang tanong ni Raf, habang kinukusot pa ang kanyang mga mata.

"Oo daw eh," sagot ko habang iginagala ang aking paningin sa paligid.

Dinukot ko ang papel na ibinigay sa akin ni Manang Ruth. Ayon sa sulat, doon daw kami maghintay sa tapat ng tindahan na mayroong telepono, at kulay dilaw na karatula. Hinawakan ko sa kamay si Raf, at tinungo namin ang puwesto na dapat naming paghintayan.

"Ate, nagugutom na po ako." Reklamo ni Raf.

Kinuha ko sa loob ng bag ang tinapay na pabaon sa amin ni Manang Ruth, at ibinigay iyon sa kanya. Sinadya ko talagang huwag kainin ang para sa akin, dahil alam kong aabutan sya ng gutom sa haba ng aming biniyahe. "Oh, ito na muna ang kainin mo."

Agad niyang inabot ang tinapay at hinati iyon sa dalawa. "Ate, o—hati tayo." Nakangiti niyang pag-abot sa akin ng kalahating tinapay.

Malawak akong napangiti at hinaplos ko sya sa ulo. "Okay lang ako, kainin mo na 'yan. Mamaya nalang ako kakain pagdating natin doon." Pagtanggi ko.

"Czarina?" Sabay kaming napalingon ni Raf sa pinagmumulan ng tinig na tumawag sa aking pangalan. "Ako si Melissa, ako ang pinadala ni Doña Martha, na susundo sa inyo. Madami kasing ginagawa si nanay, kaya ako nalang ang nagpresenta." Mahaba nitong litanya.

"Gano'n ba," nakangiti kong saad.

"Huwag kang mag-alala, mabait ako." Aniya at natawa pa sa sarili niyang sinabi. "Halika, dito tayo sasakay ng tricycle papasok sa mansion." Pag-anyaya nito sa amin.

Sumunod kami ni Raf sa kanya. Namangha si Raf nang tumigil ang isang tricycle sa tapat namin. "Ate, ang ganda pala ng tricycle dito sa Maynila—umiilaw." Napapaawang na bibig nito sa paghanga.

"Pumasok na kayo sa loob, doon nalang ako sasakay sa tabi ng driver." Nakangiting ani Melissa.

Binuhat ko si Raf at ipinasok sa loob ng tricycle. Hindi mapatid ang paghanga ni Raf sa buong kapaligiran, habang tinatahak namin ang daan papunta sa sinasabing mansion ng mga Alonzo.

Napaawang ang bibig naming magkapatid nang tumambad sa amin ang napakalaking bahay, ito na marahil ang sinasabi nilang mansion. Sa sobrang laki nito'y masasabi kong kayang tumira ng limampung-tao roon. Pinagbuksan kami ng guwardiyang nakabantay sa harap ng gate. Tahimik kaming nakasunod mula sa likuran ni Melissa. Napalunok ako nang makita ko ang isang matandang babae na nakasuot ng napakagarang kasuotan. Napapalibutan ang leeg nito ng mga gintong alahas, at nakakasilaw ang kumikinang niyang hikaw.

Yumukod si Melissa nang makita ang matanda. Awtomatiko naman namin siyang ginaya ni Raf. "Nandito na po sila, Doña Martha."

Parang nanuyo ang aking lalamunan nang pasadahan ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa. "M-magandang umaga po," nautal kong pagbati.

"Si Melissa na ang bahalang magturo sa'yo ng mga dapat mong gawin." Istrikto niyang panimula.

"Opo," deretso kong sagot habang nakayuko.

"Ipapaalala ko lang, ayuko ng magulo, o gulo sa aking pamamahay." Aniya na kay Raf nakatuon ang paningin.

"Opo," sabay naming sambit ni Raf.

"Melissa, ituro mo na sa kanila ang quarter nila."

"Opo, Doña Martha." Nakayukong tugon ni Melissa, kapagkuwa'y bumaling sya sa amin ni Raf at nagpahiwatig na sumunod kami sa kanya.

Hindi ko naiwasang muling mapatingin sa Doña, sapagkat nararamdaman ko ang malalim na pagtitig nito sa akin. Hindi ko maipaliwanag, pero no'ng nakita nya ako—nakita ko sa kanyang mga mata ang matinding pangungulila. Nakita ko pa nga nang ikubli nya sa likod ng kaniyang pamaypay ang kanyang mga luha.

Nagugutom na siguro ako, kaya kung anu-ano na ang nakikita at napapansin ko.

"Ito ang magiging kuwarto nyo. Doon naman sa kabila ang kuwarto namin ni nanay. Kapag may kailangan kayo, huwag kang mahihiyang puntahan ako doon." Pahayag ni Melissa. "Ilang-taon kana nga pala?" Nakangiti niyang tanong.

"Katorse, limang-taon naman si Raf." Sagot ko.

"Magkasing-edad lang pala tayo eh," masiglang aniya.

"Talaga ba, mabuti naman—kahit papa'no mababawasan ang hiya ko." Napapangiti kong sinabi.

"Oh, sige ha—magpahinga muna kayong magkapatid. Mamaya tatawagin ko kayo kapag kakain na."

"Hindi pa ba ako magsisimula sa mga gawain?" Nahihiya kong tanong.

"Ang bilin ng Doña, magpahinga daw muna kayo. Bukas, gumising ka ng maaga—ituturo ko sa'yo ang mga gagawin mo." Tugon nya.

"Salamat, Melissa. Ang bait naman pala ni Doña Martha."

"Oo, mabait talaga 'yon, mukha lang siyang masungit pero mabait talaga 'yon. Sya nga ang nagpapaaral sa'kin eh, matagal na kasi nilang labandera ang nanay." Pagkukuwento nya.

"Melissa!"

"Naku, tinatawag na ako ng nanay. Tatawagin ko nalang kayo mamaya 'pag oras na ng pagkain. Magpahinga na muna kayo sa kuwarto nyo." Anito at patakbong umalis.

Pumasok kami ni Raf sa silid na itinuro ni Melissa. Kahit medyo maalikabok ay mas malaki naman ito at maayos, kaysa tagpi-tagpi naming barong-barong. Kunting linis lang dito'y magiging maganda narin ito. Sabay kaming napaubo ni Raf, nang malanghap namin ang lumilipad na mga alikabok.

"Maglinis na muna tayo," suhestiyon ko.

Kinuha ko ang walis tambong nakasabit sa taas ng dingding, at nagsimulang walisin ang mga alikabok na nakalambitin sa bawat sulok ng silid na iyon. Si Raf naman ay kinuha ang isang basurahan, at tinulungan akong ilagay doon ang mga nagkalat na basura. Ibinigay nya rin sa akin ang dustpan na nakita nya sa likod ng pintuan. Masaya naming pinagtulungang ayusin at linisin ang silid—na aming magiging bagong tahanan.

TO BE CONTINUED...

Tears in the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon