KINABUKASAN AY INIIWASAN KONG MAKITA, o kahit makasalubong man lang si Reid. Nakiusap ako kay Melissa na kung puwede ay magpalit kami ng posisyon, ako ang bahala sa mga gawain nya sa laundry area at sya naman sa mga gawain ko sa loob ng mansion. Lubos kong ipinagpasalamat kay Melissa ang kaniyang pagpayag.
"Czarina," ikinagulat ko nang tawagin ako ni Manang Anita. "Oh... bakit parang nakakita ka naman yata ng multo?" Natatawa niyang dugtong.
"P-po? Bakit po?"
"Ipinapatawag ka ni Doña Martha sa kanyang opisina."
"Bakit daw po?" Dumadagundong sa pandinig ko ang malakas na tibok ng aking puso.
"Puntahan mo nalang para malaman mo," suhestiyon ni Manang Anita.
"Opo," Kabado akong sumunod.
Nang makarating ako sa pintuan ng opisina ni Doña Martha, huminga ako ng malalim, klinaro ang aking lalamunan, atsaka humugot ng lakas ng loob bago ako bahagyang kumatok.
"Pasok..." kalmadong tinig ng Doña mula sa loob.
"Ipinatawag nyo raw po ako?" Naninigurado kong tono.
"Oo, maupo ka dito sa harap ko." Maawtoridad niyang utos.
Umupo ako sa bakanteng upuan sa kanyang harapan, sa bandang gilid ng mesa.
"Kamusta ang pagpunta nyo sa Hacienda kahapon?" Panimula niyang tanong, ngunit sa mga papeles nakatuon ang kaniyang paningin.
"Okay naman po," deretso kong sagot.
"Simula bukas—sasamahan ka ni Reid papunta ng Hacienda. Sya ang magtuturo sa'yo ng lahat." Sunod-sunod akong napapalunok sa sinabing iyon ng Doña. Huminto sya sa ginagawa at tinanggal ang kaniyang salamin, kapagkuwa'y deretsong tumingin sa akin. "May problema ba?" Tila ba naramdaman nito ang kabang aking nadarama.
"W-wala naman po, pero... bakit po si Reid ang kailangan kong makasama roon?" Magalang kong tanong.
"Dahil sya lang ang pinagkakatiwalaan ko sa pangangalaga ng mga kabayo. Pinauwi ko sya rito habang bakasyon sa eskwela, para asikasuhin ang Hacienda. Marami kang matututunan sa kanya." Mahabang paliwanag ng Doña.
"Puwede po bang magtanong?" Nahihiya kong sambit.
"Nagtatanong kana... go ahead."
"Bakit po ako ang napili niyong mag-asikaso ng Hacienda?"
Pinakatitigan nya muna ako bago nagbitiw ng salita. "Dahil bata ka pa, mas mabilis mapapalapit sa'yo ang mga kabayo—katulad ni Reid."
"Mahilig po ako sa mga hayop, pero takot po talaga ako sa mga hayop na mas malaki sa akin." Nanlulumo kong pag-amin.
Bahagyang natawa ang Doña, ngunit agad din naman iyong napawi nang makita niyang nakatingin ako sa kanya. "Masasanay ka rin," aniya.
"Maraming salamat po sa kabutihan nyo sa aming magkapatid."
"Kunin mo ito," iniabot nya sa akin ang isang bungkos ng mga papeles na nakita kong pinipirmahan nya kanina. "Kakailanganin mo ang mga ito kapag nag-enroll ka sa papasukan mong paaralan. Pagkatapos ng bakasyon, kailangan mong mag-enroll bago magsimula ang pasukan. Magpasama ka kay Melissa." Pagsasalaysay ng Doña.
Inabot ko ang mga papeles, ngunit hindi ko napigilan ang pagbuhos ng aking mga luha. Kung sino pa ang hindi ko kaanu-ano, sya pa ang may pusong tulungan akong abutin ang aking mga pangarap. Kung sino pa ang hindi ko kadugo'y sila pa ang nagbibigay sa akin ng pag-asang patuloy na mangarap.
"Bakit ka umiiyak?" Mayroong pag-aalalang tanong ng Doña.
"Maraming salamat po talaga. Hindi ko po alam kung paano ko masusuklian ang kabaitan nyo." Humihikbi kong tugon.
BINABASA MO ANG
Tears in the Rain
RomanceWARNING! This is barely a first draft, and no editing has happened whatsoever, so I apologize for any possible typos and grammatical errors. If I have extra time, I will gradually edit this. ****** Nang mamatay ang haligi ng kanilang tahana'y si Cza...