Kabanata 5

14 5 0
                                    

KINABUKASAN AY IPINATAWAG ako ng Doña sa kanyang opisina, na nasa ikalawang palapag ng mansion. Palakas ng palakas ang pagtibok ng aking puso habang papalapit ako sa silid. Pilit kong inaalala o iniisip kung mayroon ba ako nagawang pagkakamali, dahil bigla ako nitong ipinatawag sa hindi malamang dahilan.

Mahina akong kumatok sa pintuan.

"Come in," dinig ko sa kanyang tinig.

"Magandang hapon po, Doña Martha." Sinikap kong makapagsalita ng deretso, kahit pa kinakain ako ng matinding kaba.

"Lumapit ka rito," maawtoridad niyang utos habang nakatuon ang paningin sa kaniyang sinusulat.

Lumapit ako sa kanyang harapan. Klinaro ko ang aking lalamunan at itinuwid ang aking likod. Muling kumabog ng malakas ang aking dibdib, nang mag-angat ito ng paningin sa akin. Bahagya kong ikinagulat ang lagatok ng ballpen na kaniyang hawak.

"Gusto mo bang ipagpatuloy ang pag-aaral sa susunod na pasukan?" Nagitla ako sa tanong na iyon ng Doña, hindi ko inaasahang maririnig ko iyong muli.

Yumuko ako't mahigpit na pinagsaklop ang aking mga palad. "Sa susunod na taon, kailangan na rin pong mag-aral ng kapatid ko. Baka po hindi kayanin ng suweldo ko kung sabay kaming mag-aaral." Magalang kong tugon.

"Hindi ko tinatanong kong kakayanin ba ng suweldo mo o hindi. Ang tinatanong ko, kung gusto mo pa bang mag-aral." Nagsisimula nang magtaray na anito.

"Gustong-gusto po, kaso—"

"Tutulungan kitang makapag-aral ulit." Putol nya sa aking sasabihin. "Pero sa isang kondisyon," dugtong nya.

"Ano pong kondisyon?" Nalilito kong tanong.

"Papayag ka bilang tagapagmana ko." Walang pag-aalinlangan niyang sinabi.

Lalong humigpit ang pagkakasaklop ng aking mga palad. Ilang-beses akong kumurap upang siguraduhing hindi ako nanaginip. Natuod ako sa aking kinatatayuan, at para bang biningi ako ng mga salitang binitiwan ng Doña. Hindi ko magawang ibuka ang aking bibig, kahit pa punong-puno ng mga katanungan ang aking isip.

"Pumapayag ka ba?" Muling tanong nito, ngunit hindi ako makasagot. "Czarina," bigkas nya sa aking pangalan.

"P-po?" Tanging iyon lang ang salitang nakalusot sa aking bibig.

"Gusto kong ikaw ang magmana sa lahat nang meron ako, kasama pati itong mansion."

Napatitig ako sa Doña, hindi ko lubos maisip kung bakit nya ito sinasabi—gayo'ng mayroon naman siyang pamilya o kamag-anak, na puwedeng magmana ng lahat. "B-bakit po a-ako?" Naguguluhan kong tanong.

"Dahil nararamdaman kong magiging maayos ang lahat, kapag sa'yo ko iniwan ang aking kayamanan." Deretso niyang tugon.

"Hindi ko po matatanggap ang alok nyo, Doña Martha. Ano nalang po ang mararamdaman ng pamilya nyo kung isang katulad ko lang po ang makikinabang ng inyong pinagpaguran." Mahaba kong litanya.

Nakita ko nang mapangiti ang Doña, ngunit agad naman nya iyong binawi nang magtama ang aming mga paningin. "Kung gano'n, tinatanggihan mo ang alok ko, tama ba?"

"Opo," tipid kong sagot.

"Kung tatanggihan mo ang alok ko, paano ang pag-aaral mo?" Ikinalungkot ko ang tanong niyang iyon.

"Bahala na po, ang mahalaga malinis po ang konsensya ko at mahimbing akong makakatulog sa gabi—na walang ibang iniisip." Napatango ang Doña sa aking sinabi at pinakatitigan akong mabuti. "May ipag-uutos pa po ba kayo?" Basag ko sa pananahimik ng Doña.

"Wala na, bumalik kana sa trabaho mo." Pipihit na sana ako patalikod nang muli siyang magsalita. "Czarina, sa susunod na pasukan mag-aaral ka ulit." Seryoso niyang tinuran.

Tears in the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon