Kabanata 22

12 4 0
                                    

PARANG NABUNUTAN AKO NANG TINIK sa dibdib, nang marinig ko ang sinabi ni Doctor Arwin—na wala namang nabali sa mga buto ni Charlotte. Subalit ipinayo niyang gumamit muna ako nang saklay, dahil na-sprain ang aking kaliwang bukong-bukungan. Bukod doon ay hindi naman malala ang natamong pinsala ng aming katawan, maliliit na gasgas lamang iyon na kayang pagalingin nang gamot.

Nakahinga ako nang maluwang, nang magpasiya si Reid na iuwi na sa mansion si Charlotte. Habang inaakay nya ito papunta sa kanyang sasakyan ay panay ang paglingon nya sa akin. Pinilit ko ang aking sarili na huwag siyang pansinin. Sapat nang makita ko sa kanyang mga mata, na nag-aalala rin sya para sa akin. Sa totoo lang parang nahihirapan akong makahinga, sa tuwing nakikita kong magkasama sila ni Charlotte. Subalit ano naman ang magagawa nang isang katulad ko? Mas mabuti nang iwasan ko sya, kaysa naman nakikita kong lagi silang nagtatalo ni Señora Olivia. Sa dami nang mga pinagdaanan ko sa buhay, wala na yatang sakit na hindi ko kayang tanggapin.

Nagbaba ako nang paningin kay Felix, na abala sa pag-aayos nang benda sa aking paa. "Umuwi kana, baka hinahanap kana sa inyo. Kaya ko na 'to," pigil ko sa kanya.

Tiningala nya ako, kung kaya't nagtagpo ang aming mga mata. "Let me do it," bawi nya sa compression bandage. "Ihahatid na muna kita, bago ako uuwi." Aniya, habang iniikot ang benda sa aking paa.

"Okay lang ako, nandiyan naman si Melissa." Mariin kong pagtanggi.

Bumuntong-hininga muna sya bago ako deretsong tiningnan. "Please... kahit ngayon lang, hayaan mo naman akong tulungan ka." Pinangiliran sya nang mga luha, ngunit pinipigil nya iyong bumagsak.

Bigla'y parang hinipo ang aking puso. Sa loob nang limang-taon na panliligaw nito sa akin, ay walang nabago. Kahit pa alam nya ang tunay kong nadarama para kay Reid, hindi iyon naging balakid para sukuan nya ako. Habang tumatagal ay bumibilib ako sa determinasyon at sinseridad na kaniyang ipinapakita.

"Ikaw ang bahala," pagngiti kong nagpaliwanag sa kanyang mukha.

"Ako muna ang service mo habang nagpapagaling ang paa mo."

"Anong ibig mong sabihin?" Napapaisip kong tanong.

"Ihahatid-sundo muna kita, hangga't hindi mo pa puwedeng ipadyak 'yang paa mo." Paliwanag nya.

"Hindi ba 'ko nakakaabala niyan sa'yo?" Nahihiya kong tono.

"Of course not... atsaka wala naman akong ginagawa." Hirit nya.

"Sige na nga," pagpayag kong nagpatalon sa kanya na parang bata.

Baka nga tama si Melissa—na ito na ang tamang panahon para bigyan ko naman nang pagkakataon si Felix, dahil sa loob nang mahabang taon lagi ko nalang itong itinataboy.

******

Nakikita ko sa mga mata ni Felix, ang kakaibang ningning nang kasiyahan. Natutuwa siyang hinahayaan ko na siyang tulungan ako. Pagkatapos nang mga gawain sa Hacienda, ay inihatid nya ako sa mansion.

"Gusto pa sana kitang makasama, kaya lang kailangan mo nang magpahinga." Magkahalong lungkot at saya, nang ako'y lingunin nya.

Tinanggal nya ang seatbelt na nakakabit sa aking katawan, bago bumaba nang kotse. Umikot siya't pinagbuksan ako nang pintuan. Kinuha nya sa likod ng sasakyan ang saklay na ibinigay sa akin ni Doctor Arwin, atsaka iniabot iyon sa akin, kapagkuwa'y inalalayan nya pa akong makapasok hanggang sa loob ng gate.

"Salamat sa paghatid, mag-iingat ka pauwi." Sinserong saad ko.

Bahagya siyang tumalikod upang ikubli ang malaking ngiting kumawala sa kaniyang mga labi, kapagkuwa'y muli akong hinarap. "Salamat, magpahinga ka kaagad. Bukas nang umaga susunduin kita." Masigla niyang tinuran bago tumalikod pabalik sa kanyang sasakyan. Kumaway pa muna ito bago pumasok sa loob, sinilip nya pa ako sa bintana bago tuluyang pinatakbo papalayo ang behikulo.

Nagulat ako nang tumambad sa aking paningin si Reid. Nakapinid ang likod nito sa pader nang pasilyo, at nakapamulsa habang sinisipa ang sementadong daanan. Itinuwid ko ang aking likod nang mag-angat sya nang paningin sa akin. "Kumusta na ang paa mo?" Deretsong tanong nya, habang nakatingin sa aking mga mata.

"A-ayos lang... kunting pahinga lang, gagaling din agad 'to."

Palakas nang palakas ang kabog nang aking puso habang papalapit sya sa akin.

"Take these," abot nya sa akin nang parihabang kahon.

Tiningnan ko ang kulay itim na kahong inaabot nya sa akin "A-ano 'yan?"

Kinuha nya ang kanang-kamay ko at ipinatong ang kahon sa aking palad. "Nakalagay na diyan ang number ko, tawagan mo 'ko kapag kailangan mo nang tulong." Malumanay na aniya, kapagkuwa'y tumalikod at nagmartsa papasok sa loob ng mansion.

Nalilito namang nagpapalit-palit ang aking paningin sa hawak kong maliit na kahon, at sa papalayong likod ni Reid.

Pumasok ako sa quarter at umupo. Isinandal ko ang saklay sa gilid nang aking higaan. Napapakunot ang noo ko habang pinagmamasdan ang kahon, nag-aalangan akong buksan iyon. Pinakatitigan ko muna iyon bago nagpasiyang tingnan kung ano ang nasa loob niyon. Napaawang ang bibig ko nang tumambad sa aking paningin ang isang maliit na telepono, o kilala sa tawag na cellular phone. Sa totoo lang matagal na akong nag-iipon para makabili nang ganito at ayukong bumili nang sa akin lang, gusto ko'y mayroon din ang aking kapatid. Subalit hindi ko mabili, dahil bukod sa dalawa ang gusto ko'y may kamahalan pa ito at hindi pa sapat ang aking naiipon. Agad akong pinangiliran nang mga luha, dahil higit na mas mahal pa ito sa cellular phone na nais kong bilhin. Napapaluha kong hinahaplos ang logo nito sa likuran at dahan-dahang binibigkas ng aking bibig ang nakasulat doon, Goldvish Illusion. Ang panlabas nito'y ginto, pinong katad, at mayroong palamuting mga diamante. Ang glass screen nito'y sapphire, maging ang nabigasyon nito'y kulay ginto. Tila ba ginawa ang teleponong ito na kakaiba sa karamihan.

Mabilis kong pinahiran ang aking mga mata, nang marinig kong bumukas ang pinto. "Ate!" Malakas na boses ni Raf.

"Bakit?" Tipid kong sagot.

"Okay ka lang po ba?" Humahangos na bungad nya.

"O—" hindi ko naituloy ang aking sasabihin, dahil bigla nya akong sinunggaban ng yakap. "Aray..." pagdaing ko nang kumirot ang aking paa.

"Sorry, sorry..." naluluha siyang kumalas sa akin. "Natakot po ako sa sinabi ni ate Melissa, nahulog ka raw po sa kabayo." Pinahiran ko ang pumatak niyang mga luha.

"Huwag kang mag-alala, ayos lang ako. Isang-linggo lang gagaling din agad itong paa ko." Nakangiti kong paliwanag upang pakalmahin sya.

"Sigurado ka po?" Garalgal niyang tinig.

"Oo naman, ako pa ba?" Haplos ko sa kaniyang buhok.

Nagbaba sya nang paningin sa hawak kong telepono. At katulad ko'y rumehistro sa kanyang mukha ang labis na paghanga. Dinukot nya ang kaniyang bulsa, na pawang may kinukuha roon. Nagkatinginan kaming magkapatid habang nakaawang ang aming mga labi, sapagkat magkawangis ang hawak naming mga telepono.

"Pareho tayo nang regalong natanggap." Walang mapagsidlang saya na tono ni Raf. "Akin na po ang number mo ate, ise-save ko rito sa telepono ko—para magtatawagan tayo." Excited na umupo si Raf sa aking tabi.

Hindi ko maiwasang matawa sa reaksyon nito, lalo pang nanlaki ang kaniyang mga mata nang sabay umilaw ang aming mga telepono. Sabay kaming natawa nang tumambad sa aming paningin ang numero-unong pangalan ni Reid, sa pinakataas ng contact list. Inilagay naming pangalawa sa pangunahing listahan ang aming mga pangalan, dahil hindi na namin binago pa kung ano ang inilagay doon ni Reid.

"Kaya pala sabi ni Kuya Reid... huwag ko raw muna ipapakita sa'yo, kasi pareho pala tayo." Malakas na tawa ni Raf. Maging ako'y nadadala na rin sa maaliwalas niyang pagtawa.

Ngayon nalang ulit ako nakatawa nang ganito kasaya. Buong buhay ko'y lagi akong seryoso, na kahit pagtawa'y hindi ko na magawa. Sa bigat nang responsibilidad na iniwan sa akin nang aming mga magulang, minsan nakakalimutan ko na maging masaya. Hindi naman pala masama kung paminsan-minsan ay maging masaya rin ako, at hindi naman siguro kalabisan kung hahalakhak ako na pawang wala nang bukas.

TO BE CONTINUED...

Tears in the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon