RAUL's POV
Bumibiyahe ako ngayon sa isang jeep patungo sa apartment unit namin ng aking asawang si Joy habang iniisip ang nangyari tungkol sa biglaang pagkawala ng aking kasamahan sa trabaho na si Luna. Hindi man kami naging malapit sa isa't isa nito ay maayos naman ang pakikitungo nito sa akin kahit pa nakikita ko sa mga mata nito noon ang kawalang-tiwala sa akin.
Mabibilang lamang sa mga daliri sa aking kamay kung ilang beses kaming nagkausap ni Luna sa wala pang dalawang linggong magkasama kami sa loob ng mansyon ng mga Mondragon. At lahat ng mga iyon ay may kinalaman pa sa trabaho.
Base sa aking naging obserbasyon ay malapit si Luna sa magkakapatid na Mondragon at nakikita ko ang respeto rito ni Emilio Mondragon bilang pinakamatagal na katiwalang nanilbihan sa mansyon ng pamilyang aking pinaghihigantihan. At napansin ko rin ang pormal na pakikitungo ni Sandra Ysabelle kay Luna sa tuwing kinakausap nito ang kasambahay kumpara sa kung paanong pakitunguhan ng mag-aama si Luna.
Mahusay ring makisama si Luna sa aming mga katrabaho nito lalo na kay Marta na para na rin nitong anak kung ituring. Kaya naman wala akong maisip na sinuman na maaaring gumawa ng karumal-dumal na bagay na iyon kay Luna.
Maya-maya ay biglang pumasok sa aking isipan ang araw na hindi sinasadyang marinig ko ang pag-uusap nina Luna at Sandra Ysabelle sa loob ng master's bedroom habang hinahanap ko ang kasambahay na si Marta. Halatang may hindi pagkakaintindihan ang dalawa base sa aking narinig.
Sinabi ko pa naman sa aking sarili na aalamin ko kung ano ang sikreto ni Sandra Ysabelle na pinag-uusapan nilang dalawa ni Luna ngunit paano ko pa iyon malalaman ngayon kung wala na si Luna.
Napakunot ang aking noo nang maisip kung may kinalaman sa pagpanaw ni Luna ang naging usapan nilang iyon ni Sandra Ysabelle. Isang pag-uusap kung saan hindi lamang binanggit ang tungkol sa isang sikreto ni Sandra Ysabelle kundi pati na rin ang buwan-buwang pagbibigay nito ng allowance kay Luna.
Posible nga kayang may kinalaman iyon sa pagkawala ni Luna?
Parang gustong manlaki ng aking mga mata sa posibilidad na may kinalaman si Sandra Ysabelle sa pagkawala ng buhay ni Luna.
Pero, dapat pa ba akong magulat?
Si Sandra Ysabelle lang naman ang dahilan kung bakit hindi ko na kapiling ang aking mga magulang ngayon. Kaya hindi imposibleng si Sandra Ysabelle din ang tumapos sa buhay ng kaawa-awang si Luna.
Ngunit hindi pwedeng bumase lamang ako sa aking mga haka-haka. Kailangan ko ng isang matibay na ebidensya kung totoo ngang may kinalaman si Sandra Ysabelle sa nangyaring pagpaslang kay Luna.
At kung mapatunayan ko ngang si Sandra Ysabelle ang kumitil sa buhay ng matandang si Luna ay sisiguraduhin kong mabubulok ito sa bilangguan.
At kung makukulong si Sandra Ysabelle ay ako na siguro ang magiging pinakamasayang tao sa buong mundo dahil tuluyan ko nang masasabi na nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng aking mga magulang.
Ngunit bago ako magsaya ay kailangan ko munang magsagawa ng sarili kong imbestigasyon para malaman kung si Sandra Ysabelle nga ba ang taong nasa likod ng pagkawala ni Luna.
Ayon kay Emilio ay wala ng pamilya si Luna kaya naman mas naawa ako rito nang malaman ko ang sinapit nito. At kung sa aking pag-iimbestiga ay mabigyan ko ng hustisya ang biglaang pagkawala nito ay may magagawa pa akong mabuti.
BINABASA MO ANG
Karma Ng Pagnanasa
General FictionRAUL NATIVIDAD, ang lalaking maghihiganti sa pamilyang naging dahilan ng pagkawala ng kanyang mga magulang. PAMILYA MONDRAGON, ang pamilyang inakala ni Raul na siyang lumapastangan sa kanyang mga magulang. Sa hangaring makamit ang hustisya, tamang l...