TINO
Dumagungdong sa buong paligid ang napakalakas na ungol na hindi namin batid kung saan nagmumula.Naging malikot ang aming mga mata at hinanap ito sa kung saan subalit hindi namin mawari kung saan ito nanggagaling.
" ano ang bagay na iyon!? " bulalas na tanong ni Luied.Wala kahit isa amin ang sumagot sa kaniyang katanungan sapagkat maging kami ay palaisipan iyon.
Muling pumailanlang ang malakas na ungol at kasabay nito ang muling pagyanig ng buong kalupaan.Dahil sa lakas nito ay ang ilan sa mga kasamahan ko ay natumba habang ang mga malapit at karatig na kapunuan ay isa-isang nagsibagsakan.
Anong nangyayari!?
Ilang sandaling nagtagal ang pangyayaring iyon at lahat kami'y naiwang punong-puno ng katanungan at hiwaga.Ang kaganapang iyon ay hindi pang-karaniwan,batid kong mayroong hindi kaaya-ayang kaganapan na mangyayari.
At hindi nga ako nagkamali nang sa isang iglap ay bigla na lamang lumantad sa aming harapan ang dambuhalang hindi nakikilalang nilalang.Mula ito sa ilalim ng lupa.
Binalot ng kaba ang aking dibdib dahil sa nasaksihan.
" ano ang bagay na iyan?! " mga salitang namutawi sa aking bibig habang nakapako ang mga mata sa dambuhalang nilalang na kasalukuyang hindi mapirme sa kaniyang puwesto.
" ngayon lamang ako nakasaksi ng kaniyang uri ng halimaw " ani Luied na marahil nasa kaharap din nakatuon ang buong atensyon.
Lahat kami'y nakatingin sa aming harapan kaya hindi namin inaasahan ang biglang pagbulusok ng kung anong enerhiya sa aming harapan at naglikha ng malakas na pagsabog.Mabuti na lamang at naging mabilis ang kilos ni Luied at nakalikha kaagad ng panangga gamit ang kaniyang enerhiya.
Bahagyang nawaglit ang aming atensyon sa halimaw at nalipat sa aming mismong harapan kung saan nababalutan pa ng makakapal at maiitim na usok ang buong palibot.Makalipas ang ilang sandali'y unti-unting numipis ang mga usok at bumungad sa amin ang anim na pigura.
Tuwid ang kanilang pagkakatayo habang walang mababakas na kahit anong emosyon sa kanilang mukha maliban sa malamig nilang mga titig.Hindi na sa akin bago ang kanilang itsura sa dami ba naman ng mutants na aking nakalaban.
" at sino naman ang mga iyan? " narinig kong naisatinig ni Eli.Sandali ko munang inilakbay ang aking mga mata sa mga nilalang na nasa aming harapan at pinag-aaralan ang bawat isa.Nasa aking isipan na marahil katulad lang ito ng mga mutants na aking nakasagupa subalit bigla akong natigilan nang maramdaman ang mga enerhiyang nakapalibot dito...mga pamilyar na enerhiya.
" iyan na marahil ang kanilang perpektong likha " kalmadong usal ni Luied habang hindi inaalis ang mga mata sa anim na nilalang.Sandali kong pinasadahan ng tingin ang huli bago ibinalik sa mga kalaban.
Perpektong likha?
" sa wakas ay nagkita na rin tayo...nang malapitan Tino " lahat kami'y napadako ang tingin sa nagsalita.Nagmula iyon sa lalaking nasa likuran ng limang mutants.Ang tinutukoy ko ay ang pang-anim na nilalang.
Nagsimula itong maglakad papalapit sa amin habang unti-unti naming nasisilayan ang wangis nito.Maririnig ang sabay-sabay naming pagsinghap nang tuluyan itong lumantad.Ang wangis nito ay kakaiba at hindi ko maihahalintulad sa mga mutants sapagkat ang kaniyang balat ay sobrang putla na tila hindi na nasisikatan ng araw,maging porma ng kaniyang katawan ay hindi rin kaaya-ayang tingnan dahil buto't balat na lamang ito na ang kaniyang kasuotan at nagmistulang telang inilapat lang sa kaniyang balat.
" huwag niyo naman akong tingnan ng ganiyan " natatawa niyang usal at kunwari'y nahihiya subalit nakatitig lang kami sa kaniya at naghihintay na sabihin ang kaniyang pakay.
BINABASA MO ANG
The Son Of Medusa 2
FantasyNagising ako na ang bumungad sa akin ang kadiliman.Hinanap ko ang liwanag ngunit pilit ako nitong pinagtataguan. Panibagong buhay.Panibagong libro.Pupunan ko ang mga malinis na papel upang mabuo ko ang bawat kabanata ng aking buhay. Matagal kong hin...