Part 16

185 5 0
                                    

'This is wrong. This is so wrong. '

Iyun ang paulit-ulit na sinasabi ni Samantha sa sarili mula nang madiskubre niyang unti-unti na siyang nahuhulog kay Lloyd.

Hindi mahirap ang magkagusto dito. Mabait, masayahin, gentleman, thoughtful...lahat na yata ng katangian ng lalaking pwedeng hanapin ng isang babae sa isang lalaki ay nasa kanya na. Idagdag pa ang pagkakaroon nito ng natatanging karisma. Pero alam din ni Samantha na hindi madaling magkagusto dito lalo pa't may asawa't anak na siyang tao.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Samantha. Tumayo siya mula sa kama at lumapit sa bintana. Muli niyang pinagmasdan ang madilim na kalangitan.

Kasalukuyang bumubuhos ang mabining ulan ng mga oras na iyun. Sa pagpasok ng buwan ng September ay kasabay rin nitong nagsimulang magbago ng kanyang feelings kay Lloyd. Ang dating pagkakaibigan lang ay napalitan ng kakaibang pakiramdam.

Pakiramdam na sa simula pa lang ay pilit na niyang iniiwasan. Pilit niyang ikinakaila sa sarili na posible pala...posible palang mahulog ang loob niya kay Lloyd.

Ano ba'ng gagawin niya? Kailangan na ba niyang iwasan ito? Kailangan na ba niyang dumistansya? Tulad ng kung paano siya dumistansya sa iba na tahasang nagsabi noon ng pagkakagusto sa kanya? Pero paano? Paano niya gagawin iyun kung sa bawat araw ay nasanay na siyang makita ito, makausap...makasama.

Paano niya gagawin iyun kung sa bawat araw ay ito ang nakakapagpasaya sa kanya? Isa pa ay iniisip niya rin si Santino. Sigurado siyang maaapektuhan ang kanyang anak kapag iniwasan niya si Lloyd. Malamang ay maninibago ito, magtataka. Malulungkot. Gaya niya.

Ngayon niya napagtanto na hindi na lang pala si Santino ang inaalala niya sakaling gumawa siya ng desisyon na siguradong ikalulungkot nito. Kundi dahil higit kay Santino ay mas mahihirapan siya at masasaktan kung sakaling layuan na niya si Lloyd.

Hindi na maintindihan ni Samantha kung bakit kailangan niya pang mahirapan sa pag-iisip tungkol sa kanyang nararamdaman. Malinaw naman na dapat niyang gawin ang tama. Dapat niyang isipin na may asawa na siya. May anak. May pamilya. Hindi ba iyun naman ang importante? Iyun naman ang matagal na niyang pangarap? Ang magkaroon ng buong pamilya? Hindi niya na dapat pang hinahayaang madala siya sa mga magagandang katangiang ipinapakita at ipinaparamdam ni Lloyd sa kanya. Dapat ay kumilos siya ng naaayon sa kanyang estado.

Hindi na siya dalaga. Anumang kilos at desisyon niya ay siguradong makakaapekto sa binubuo niyang pamilya. Hindi niya dapat pang iniisip si Lloyd.

Hindi niya dapat itong nagugustuhan.

Pero ang hirap. Lalo na't wala siyang ibang mapagsabihan ng tungkol sa kanyang nararamdaman para dito. Hindi naman niya iyun maaaring sabihin sa kanyang ina. Nahihiya siya sa posibleng isipin nito. Na inuulit lang niya ang ginawang pagtataksil noon ng kanyang Papa sa kanila.

Pero wala naman silang relasyon ni Lloyd. Iyun ang igingiit niya sa sarili. Wala silang relasyon at hindi sila kailanman magkakaroon ng relasyon.

Unang-una ay hindi niya iyun papayagang mangyari. Pangalawa ay, wala namang malinaw na sinasabi o ipinapakita si Lloyd sa kanya na may nararamdaman din ito para sa kanya.

'I will miss you' iyun pa lang ang salitang binanggit nito bago sila nagpaalam kagabi sa telepono na talagang tumagos sa kanyang puso. Salitang wala mang ibang ibig sabihin pero para kay Samantha ay mahalaga. Dahil ibig sabihin nun ay hahanap-hanapin din siya nito sa tatlong araw nilang hindi pagkikita.

Hindi niya rin naman masabi kina Michelle at Marie ang tungkol dito dahil ano na lang din ang sasabihin ng mga ito sa kanya? Siya na galit sa mga kabit at may mga kabit? Siya na isang matuwid na Kristiyano? Siya na matibay ang pagpapahalaga sa pamilya? Tapos ano? heto siya, naguguluhan dahil sa isang damdaming hindi naman niya dapat nararamdaman sa simula pa lang kung talagang umiwas siya?

One Summer DayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon