CHAPTER 30

2 0 0
                                        

Tahimik ang bahay nang makarating sila.

Hindi iyon ang klaseng katahimikan na nagbibigay-ginhawa, kundi yaong may nakabitin pang tensyon sa hangin—mga salitang hindi nabitawan, galit na piniling lunukin muna.

Isinabit ni Nicolas ang toga sa sandalan ng upuan, parang ordinaryong tela na lang ngayon. Kanina, simbolo iyon ng pagtatapos; ngayon, para na lang ebidensiya ng kaguluhang hindi niya pinagsisihan.

"Upstairs," maikling sabi ni Nickson habang dumaraan. Walang lingon. Walang ekspresyon. Ngunit kilala ni Nicolas ang ama—kapag tahimik ito, mas delikado.

Si Odessa ang unang nagsalita.

"Tubig?" alok nito, mahinahon, parang hindi sila kakagaling lang sa isang graduation ceremony na nauwi sa eskandalo.

Umiling si Nicolas at tahimik na sinundan ang ama paakyat sa opisina nito.

May selebrasyon pa sanang magaganap sa isang mamahaling restaurant na pina-reserved ni Odessa pero hindi na iyon natuloy dahil sa nangyari. 

"Hindi mo dapat ginawa 'yon."

Ayon ang binungad sa kanya ng ama pagkaapak niya sa pintuan.

"Kung hindi ko ginawa," sagot ni Nicolas, "walang gagawa."

Sandaling katahimikan.

Narinig ang mabigat na buntong-hininga ng ama.

"Alam mo ba kung anong epekto niyan?" tanong nito. "Hindi lang sa'yo. Sa pamilya natin."

"Mas matagal at malala ang epekto ng pananahimik, Dad."

"Don't you get it? Pinahiya mo ang sarili mo," sabi nito. "At kami."

Hindi tinanggal ni Kulas ang tingin niya sa ama.

"Mas pinahiya siya," mariin niyang sagot. "At wala siyang ginawang mali."

Mula sa sala, naroon si Odessa—gusto nitong pumagitna, ngunit alam din nitong hindi iyon ang oras.

Tumayo si Nickson.

Mabilis. Mabigat.

"Alam mo bang ikaw ang nagdala ng gulo sa entablado. Ikaw ang nagdesisyon na magsalita. Ikaw ang naglagay sa apelyido natin sa gitna ng tsismis."

"Tahimik ka rin kanina," balik ni Nicolas. "Narinig mo lahat. Nakita mo lahat."

"At pinili kong maging matalino," mariing sagot ng ama. "Ikaw, pinili mong maging emosyonal. Hindi ka nag-iisip!"

Umigting ang panga ni Kulas dahil napapagod na siyang ipaliwanag ang sarili sa amang ang reputasyon lamang ng pamilya ang iniisip.

"Alam mo ba kung ilang investors ang nandoon?" madiing tanong nito. "Alam mo ba kung ilang magulang ang kliyente ko? Kung ilang board members ang may anak sa eskwelahan na 'yon?"

Tahimik si Nicolas.

"Isang video lang," dugtong ng ama. "Isang maling angle. Isang maling headline—at alam mo na kung anong klaseng pamilya tayo sa paningin nila."

"Kung alam ko lang na ganito, hindi na lang sana kita pinayagang pumasok sa publikong paaralan na 'yan. Kung hindi lang talaga dahil kay Samantha...", napahilot ng sintido ang ama.

"Sabihin mo sa'kin," biglang tanong ni Nickson, diretso ang tingin. "Sino ba talaga ang babaeng 'yon?"

Nanikip ang dibdib ni Nicolas sa 'di malamang kadahilanan.

"Hindi ko rin alam kung bakit ako nag-aalala sa kanya."

Tapat at naguguluhan na sagot ng binata.

"Anong meron jan at kaya mong isugal ang pangalan natin para sa isang babaeng may gulo ang pamilya!" biglang sigaw ni Nickson. "May tsismis. May eskandalo. May litrato. May kabit ang ama. Lahat 'yon—"

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 25 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ALONG THE WAYWhere stories live. Discover now