Yukung-yuko ang ulo ni Yolly na dumaan sa mga nagtatawanan na kapwa niya estudyante. Kipkip niya sa dibdib nang mahigpit ang kanyang mga libro na tila sandalan niya ngayon ng lakas para makalampas siya sa mga estudyanteng nagmumura, nagtatawanan at nambabato sa kanya ng kung anu-ano.
"Ano bang kasalanan ko sa inyo?" mangiyak-ngiyak niyang malakas na tanong. Nagulat na lang kasi siya pagpasok niya na ganoon na ang trato sa kanya ng mga schoolmates niya. Galit na galit sila sa kanya, at hindi niya alam kung bakit.
Malakas na "Boooo!!" ang isinagot sa kanya ng marami. Mga lalong nagtawanan.
"Ang kapal mo!" dinig niyang sigaw sa kanya ng isang bakla.
"Selfie pa more, pangit!" kantyaw rin ng isang lalaki na maangas.
"Ambisyosang monkey ka, girl!" panliliit naman ng isang babae sa kanya.
Tuluyan nang lumuha si Yolly. Sanay na siya na nilalait dahil aminado naman siya na siya ang kakaiba sa school nila gawa ng naiibang istilo niya sa pananamit at pag-aayos sa sarili. Pero sobra sila ngayon kaya hindi na niya mapigilan ang sarili na hindi mapaluha.
Natigil siya sa gitna ng campus ground. Isinubsob niya ang ulo sa mga libro niya at doon nag-iiyak. Patuloy pa rin ang mga estudyante sa pagkantyaw sa kanya. Parang ayaw na siyang tigilan. Mga walang awa.
"Si Andy pa talaga? Kapal mo!" sigaw na naman ng isang estudyante.
"Sira ulo!" Binato naman siya ng isang mayabang na lalaki ng lata ng soft drink na walang laman. Buti hindi siya natamaan.
Ang iba ay panay lang ang video sa kanya at picture.
Lalong nag-iiyak si Yolly sa gitna ng maraming estudyante. Pinapyestahan na siya talaga, pinalibutan, at halos mabingi siya sa mga tawanan sa kanya.
Pasalamat niya't dumating na ang mga guwardya at hinawi ang mga estudyante.
"Tama na! Pumasok na kayo sa mga klase niyo! Pasok!" awat ng isang medyo bata pang guwardya sa mga makukulit at masasamang ugali na mga estudyante.
"Booooooo!" Subalit ito man ay binoo rin ng mga etudyante.
Nang may sunod-sunod na tunog ng pito ng ilan pang guwardya na parating ay doon lang isa-isang nag-alisan ang mga estudyante. Pero bago umalis ang iba ay kung anu-ano pa ang ibinato nila kay Yolly. Mga kinalumos na papel at iba pang mga basura. Halatang pinaghandaan nila ang pag-a-ambush kay Yolly.
"Okay ka lang?" tanong ni Leandro na isa sa mga guwardya kay Yolly nang wala na ang mga estudyante. Pinampag nito ang mga sumabit sa katawan ng dalaga na mga basura.
Tumango si Yolly na humihikbi. Kawawa ang hitsura niya. Hiyang-hiya siya.
"Ano bang nangyari? Bakit binully ka na naman ng mga iyon?"
"Hindi ko po alam. Pero siguro dahil sa ipinost ng pinsan ko na picture namin ni Andy kagabi," sisinghot-singhot niyang sagot. Inayos niya ang malaki niyang salamin sa mata.
"Kaya naman pala. Dapat kasi hindi niyo na pinost kung anuman 'yon," ani Leandro habang inalalayan siya. "Halika dadalhin kita sa clinic."
"Huwag na po. Okay lang po ako," pero tanggi niya sa mabait na guwardya, na sa kanyang tingin ay hindi naman nalalayo ang edad nila. Pinapatanda lang ito ng uniform nitong suot ang hitsura nito. Gayunman ay masasabing may hitsura ito. Guwapo pa rin.
"Sigurado ka?"
"Opo, saka may klase pa kasi ako. Baka ma-late na po ako."
"Sige kung gano'n."
"Sige po. Salamat po." Magalang na yumuko siya saka patakbo nang umalis.
Naiwan si Leandro na iiling-iling habang nakasunod tingin na lang sa palayong si Yolly. Sa isip-isip nito'y kawawang dalaga. Lagi na lang napagti-trip-an.
"Anong nangyari sa 'yo?" Gulat na gulat naman si Cristine nang makita nito ang ayos ng kanyang pinsan na pumasok sa kanilang classroom. Ang dumi-dumi kasi ni Yolly.
"W—wala," mahina ang boses na sagot ni Yolly kay Cristine at tinungo na ang upuan niya. Ayaw niya ulit ng gulo, lalo na't nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata na pati ang mga kaklase nila ay ang sama ng tingin sa kanya.
"Sinong may gawa niyan sa 'yo?! Sabihin mo at uupakan ko!" maangas na ani Cristine. Naglislis ito ng mga manggas ng damit nito.
"Feeling sikat kasi kaya ayan ang napala niya," pasaring ng isa nilang kaklase.
"Anong sinabi mo?!" Hinarap agad ito ni Cristine.
"Totoo naman, eh. Tingnan mo nga mukhang absent si Andy ngayon dahil sa kahihiyang ginawa niya."
Pagkarinig niyon ay awtomatiko na napalingon si Yolly sa upuan ng binatang guwapo. Bakante nga iyon. Na-guilty siya agad.
"Ano ba ang ginawa ng pinsan ko?!" bulyaw ni Cristine sa mga kaklase nilang nagmamatapang.
"Tanungin mo siya. Si-selfie-selfie pa kasi, 'yan tuloy ang napala niya. Akala mo naman may karapatan siyang mag-selfie kasama si Andy! Ew!" Pero ayaw paawat ang estudyanteng madaldal.
"Oo nga. Kakadiri. Ang guwapo ni Andy para tabihan niya sa picture. Nagmukha siyang unggoy," segunda ng isa pang mapanlait na kaklase nila. Sinundan nito iyon ng malutong na tawa.
"Bakit, ha? Anong tingin niyo sa sarili niyo, ha?! Tumingin nga rin kayo sa salamin!"
"Cristine, tama na," awat na ni Yolly sa pinsan. "Hayaan mo na sila."
"Mga ito, eh! Akala mo ang gaganda at ang gaguwapo!"
Malakas na nagtawanan ang mga kaklase nila. Pati si Cristine ay dinamay na sa pambo-boo sa kanya.
"Tse!" Pero ayaw ring patalo si Cristine. Muntik na nitong ibalibag ang isang upuan sa huling nagsalitang kaklase sila.
"Tama na," pakiusap ni Yolly. Naiiyak na siya sa sobrang kahihiyan.
"Ikaw makatawa ka! Bad breath ka naman!" Duro pa rin ni Cristine sa mga kaklase. "Ikaw makatawa ka rin! Puro ka naman pimples! Mahiya ka rin sa mukha mo!"
Sa kasamaang palad, mas malakas pa na BOOOO ang umalingawngaw sa classroom. Mas pinagtawanan silang magpinsan.
Napahagulgol na ng iyak si Yolly. Nagkakagulo na dahil lang sa pagse-selfie nila ni Andy. Sana hindi na lang niya ni-request 'yon sa binata. Sana walang ganitong gulo. At sana hindi na kailangang mag-absent ni Andy.
"Yolly, huwag kang umiyak! Inggit lang 'yang mga 'yan sa iyo!" alo sa kanya ni Cristine.
*********
"ANDY, gising na?" Mahinang tapik ni Yaya Chadeng sa alaga niyang tulog pa rin, eh, tanghaling tapat na. Akala niya ay pumasok na ito sa school, hindi pa pa rin pala.
Hindi kasi nag-aalmusal si Andy kaya sanay na si Yaya Chadeng na bigla na lang itong mawawala sa bahay. Pero hindi pa pala pumapasok ang binata dahil heto't nakabaluktot pa rin sa kama.
"Hmm," ungol ni Andy na umayos nang pagkakahiga. Ngumiwi ito. Parang may masakit dito.
"May klase ka, 'di ba? Bangon ka na—" Natigilan si Yaya Chadeng nang makapa niyang mainit pala ang alaga. Ang taas pala ng lagnat nito. "Ay! Ay! Bakit hindi mo sinasabi na nilalagnat ka pala?!"
Nataranta na ang matanda.
BINABASA MO ANG
ANG NABUNTIS KONG PANGIT
Romance*Highest Rank: #1* Si ANDY... guwapo pero hindi raw gago. SI YOLLY... pangit na binu-bully ng kapwa nila estudyante. ANG 'DI INAASAHAN, AY KAY YOLLY MAHAHANAP NI ANDY ANG ISANG MASAYANG KAIBIGAN. PERO ANO ANG MANGYAYARI KUNG BIGLANG MABUNTIS SI YOL...