Part 54

171K 3.2K 57
                                    

"KASI hindi ako, uhm..." utal-utal at garalgal ang tinig na umpisa ni Yolly sa nais niyang aminin sana kay Leandro. Subalit parang hindi niya kayang tapusin pa rin. Hindi niya maituloy-tuloy.

Hindi naman sa hindi na niya pinagkakatiwalaan si Leandro, nahihiya lang kasi siya at para may kung ano pang pumipigil sa kanya.

"Kasi hindi ka ako ano, Yolly?"

Nakagat ni Yolly ang pang-ibabang labi saka tumingin sa malayo. Lumaylay rin ang mga balikat niya. Paano ba 'to? Paano niya aaminin ang totoo kay Andy kung pati kay Leandro ay hindi niya magawa? Ang hirap talaga.

"Paano kita matutulungan sa problema mo kay Andy kung hindi mo sasabihin sa 'kin?" pamimilit ni Leandro kay Yolly. Hawak pa rin nito ang cellphone at alam nitong nasa linya pa rin si Andy. Sana lang ay unli call ang loko para marinig nito ang lahat ng pag-uusapan nila ni Yolly.



SA SILID KUNG NASA'N si Andy ay halos hindi naman kumikilos ang binata upang marinig maigi ang sasabihin ni Yolly na problema raw nilang dalawa. Nagtataka na talaga siya dahil parang matinding problema pala talaga ang sasabihin ni Yolly. Wala man lang siyang kaide-ideya na may problema pala silang gano'n.

Ano kaya 'yon? Gusto niyang malaman. Wala kasi talaga siyang matandaan na matinding ginawa niya maliban do'n sa kanina.

Idiniin pa ni Andy ang cellphone sa kanyang tainga upang marinig niyang malinaw ang aaminin ni Yolly.

"Leandro, huwag na lang pala," ngunit ay sabi naman ni Yolly na kanyang narinig.

Napatuwid ng upo si Andy. "Sige na sabihin mo na, Yolly, para malaman ko," at sabi kahit na hindi siya naririnig ng dalaga.

"Bakit? Kaibigan mo naman ako, 'di ba? Mapagkakatiwalaan mo pa rin ako. Huwag kang mag-alala dahil kung anuman 'yan, eh, sisiguraduhin kong maaasahan mo ako. Nandito lang ako para sa 'yo. Ipagtatanggol pa rin kita, Yolly," dismayado man konti ay panghihikayat pa rin ni Leandro sa dalaga. Hinawakan nito ang isang kamay ni Yolly.

Malungkot na ngumiti si Yolly sa binatang katabi at kausap. Ang suwerte niya talaga at naging kaibigan niya si Leandro.

"Ano nga 'yon? Sabihin mo na. Sige na."

"Kasi ano, eh..." Ngumuso si Yolly at kumibot-kibot ang mga labi. Hindi pa rin maituloy ang nais aminin.

"Kasi ano?" Si Leandro ulit. Hindi na talaga makapaghintay. Huwag lang tama ang sinabi ni Cindy na inaapi ni Andy si Yolly dahil baka makakapatay na talaga siya ng tao.

Lumunok naman muna si Yolly bago matamang tumingin kay Leandro. Ito na talaga. Sasabihin na niya kay Leandro ang mabigat na dinadala niyang suliranin sa dibdib niya. Bahala na.

"Kasi, Leandro, ang totoo ay hin... hindi talaga ako buntis. At hindi ko alam kung paano sasabihin kay Andy ang katotohanan."

Literal na napanganga si Leandro. Segundo bago ito naka-react at halos magkandahulog-hulog ang cellphone nitong hawak.

"Sh*t! Sh*t! Sh*t!" Mayamaya ay nataranta na ang binata na pindutin ang end button ng tawag. Pero sa pagkataranta ay hindi na nito mapindot iyon kaya ibinalibag na lang iyon mamatay lang. Pagkatapos ay inapakan pa nito.

Durog ang cellphone.

"Luh ka! Ano'ng ginawa mo, Leandro? Bakit mo sinira ang cellphone mo?" Gulat na gulat tuloy si Yolly sa ginawang iyon ni Leandro. Napatayo siya sa pagkakaupo na nanlalaki ang kanyang mga mata.

Napangiwi si Leandro at napatitig lang muna kay Yolly. Sa isip-isip nito'y, "Narinig kaya 'yon ni Andy? Sana hindi dahil paktay siya kay Yolly!"

Ang kasagutan nga lang ay dalawang malaking titik O dahil OO narinig iyon ni Andy. Malinaw na malinaw. Naestatwa na nga ang binata sa kinauupuan niya.

Hindi talaga ako buntis!

Hindi talaga ako buntis!

Hindi talaga ako buntis!

Paulit-ulit pa ngang boses ni Yolly sa pandinig ni Andy. Mayamaya'y kusa nang nahulog sa kamay niya ang cellphone na hawak niya. Bumagsak iyon sa sahig.

"Leandro, ano ba'ng nangyayari sa 'yo, ha?" kinakabahang tanong naman ulit ni Yolly kay Leandro dahil kakamot-kamot batok na lang ang binata, tapos titingin sa kanya, tapos maiiling. Hindi na makapagsalita.

"Ang tanga ko kasi, eh!" sa wakas ay nasabi ni Leandro sabay sabunot sa ulo.

"Hoy! Okay ka lang?!" Yugyog na niya sa balikat ng binata. Nabahala siya dahil parang nawawala na sa sariling katinuan si Leandro.

"Yolly, sorry," ngiwing-ngiwing si Leandro nang muling magsalita.

"Sorry saan?" Lalong kinabahan at naguluhan si Yolly.

Napakagat-labi naman si Leandro. "Kasi ano..."

"Ano ba 'yon?"

"Kasi ano... habang nag-uusap tayo ay nasa linya si Andy kanina."

"Anong nasa linya?!" Lumakas konti ang boses niya at namilog talaga ang mga mata niya.

"Nasa linya. Nasa tawag... g-gano'n. Nakikinig," utal na utal na panlilinaw ni Leandro sabay turo sa cellphone.

Umawang ang mga labi ni Yolly na napatingin sa cellphone ni Leandro na ngayon ay sira na. Hindi siya tanga para hindi maunawaan ang sinabi ni Leandro.

"Pero huwag kang mag-alala hindi naman niya siguro narinig 'yon," nakangiwing sabi pa ni Leandro.

Doon na nakalumos ni Yolly ang mukha. "Bakit mo ginawa 'to, Leandro?! Pinagkatiwalaan kita!" at malakas na boses niya. Nangamba agad siya. Natakot. Paano na? Paano na kung narinig ni Andy ang sinabi niya na hindi siya buntis?

"Kainis ka, Leandro! Nakakainis ka!" bulyaw pa niya kay Leandro.

Mahinang sorry lang si Leandro sa kanya. Pero wala nang magagawa ang sorry na iyon ni Leandro dahil nag-iiyak nang tumakbo siya paalis.

"Yolly?! Sorry na!" tawag sa kanya ni Leandro.

"I hate you!" pero sigaw niya na palayo.

Naiwan si Leandro roon na sising-sisi. Bakit niya kasi ginawa 'yon? Ang tanga niya! Ang tanga-tanga niya talaga!

ANG NABUNTIS KONG PANGITTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon