Kung gaano pahiyain si Yolly ng ilang araw ng mga kapwa niya estudyante ay kabaliktaran naman ngayon dahil parang iniidolo na siya ng mga ito.
Sa simpleng pagpapasalamat sa kanya ni Andy kahapon na kumalat sa buong campus ay napakabilis na kinalimutan ng mga estudyante ang tungkol sa kanilang selfie at hinahayaan na siya ng mga ito.
Ganoon kalakas ang hatak ni Andy sa mga estudyante. Iba talaga ang karisma ng binata. Parang siya ang sinusunod ng bawat isang estudyante ng Sanchi College. Talo pa artista.
"Hi, Yolly," bati sa kanya ng magbabarkdang nakatambay sa dinaanan niya.
"Good morning, Yolly," bati rin sa kanya ng isa pa na nakasalubong niya.
Kiming napapangiti na lang siya sa mga ito. Hindi siya sanay na napapansin kaya napapayuko pa rin siya ng ulo at nahihiya.
"Sikat ka yata ngayon?" Mayamaya ay bahagya siyang nagulat nang may nagsalita sa likod niya, at nang lingunin niya ay ang mabait palang security guard na si Leandro.
"Hindi naman po," aniya sa laging tagapagtanggol niyang binata.
Oo, hindi siguro alam ng binatang guard pero napapansin niya iyon. Iyong lagi siya nitong ipinagtatanggol na lihim naman niyang pinagpapasalamatan ng lubos. Hindi lang siya makapagpasalamat ng personal kasi nahihiya siya rito.
"Sana ganito ang araw-araw mo," sabi pa ni Leandro.
"Sana nga po," tugon niya.
"Sige na pasok ka na. Baka magsimula na ang klase mo."
"Sige po." Pagkasabi niya niyon ay mabilis na niyang tinahak ang papuntang classroom para sa kanyang unang subject.
Pagdating niya roon ay isang nakakabinging katahimikan ang bumungad sa kanya. Hindi na siya binu-bully ng mga classmate niya pero hindi rin naman siya pinapansin. Nakakailang pa rin.
Nahihiyang umupo siya sa upuan niya. Buti na lang at dumating na rin ang pinsan niyang si Cristine na absent kahapon.
Kinalabit siya nito. "Insan, totoo ba 'yong tsismis na nagpasalamat sa 'yo si Andy?"
Tumingin siya sa pinsan pero imbes na sagutin ito ay tinanong din niya. "Natanggap mo 'yung text ko kahapon? Binura mo na 'yung picture?"
Sunod-sunod ang naging tango ni Cristine. "Oo kasi kawawa ka naman. Pero totoo ba talaga 'yung nasagap kong tsismis sa labas?"
Nahihiya siyang tumango.
"Ayiee! Sana all!" Hindi na napigilan ni Cristine na hindi makilig. At hindi ito masisisi dahil ngayon lang nabalitaan na may ipinagtanggol na babae ang isang Andy Pagdatu.
"Oy, boses mo!" mabilis na saway niya sa pinsan. Ang ingay talaga.
"Nakakainggit ka naman." Tuwang-tuwa talaga si Cristine. Wala itong pakialam sa mga kaklase nila na mga napapatingin sa kanila dahil sa lakas na boses nito.
"Anong nakakainggit do'n? Ginawa lang niya ang tama."
"Pero iba ka pa rin, insan. Ang haba ng hair mo. Imagine hero mo ang heartthrob ng school. Akalain mo 'yon?!" patiling wika pa rin ni Cristine. "Tama talaga 'yong caption ko sa picture mo na bagay kayo."
Biglang tinakpan niya ang bunganga nito. Nakita na kasi niya ang papasok nang si Andy kasama si Patrick at ang iba pang mga boys na dumidikit kay Andy magmukha lang ding mga guwapo at sikat.
Nagtama ang mga mata nila. Si Andy ang unang nag-iwas. Wala lang na tinungo ng binata ang upuan.
"Eiiihhh!" impit na tili na naman ni Cristine. "Nakita ko 'yon?! Nakita ko 'yon?! Nagtama ang mga mata niyo!"
"Tumigil ka nga." Pinandilatan niya si Cristine. Nakakahiya talaga ito.
"Totoo naman, ah. Nakita ko na nagtinginan kayo." Kinikilig pa rin si Cristine pero hininaan na nito ang boses. Nga lang ay halos masira ang manggas ng damit niya sa pagyugyog n'un ni Cristine. "At dahil kayo na ang love team ay hindi ko na siya crush. Ipapaubaya ko na siya sa 'yo, insan."
"Aisst! Ano bang sinasabi mo?" Gusto na niyang batukan ang pinsan. Ang kulit talaga. Wala naman sa lugar ang kakulitan.
Ayaw man sana niyang lumingon kay Andy ay napalingon tuloy siya nang wala sa oras dahil sa pangambang baka naririnig nito ang sinasabi ni Cristine. Pero anong blush niya na napaiwas din agad ng tingin dahil nakatingin pala sa kanya ang binata. Nanigas talaga siya. Nahuli siya. Nakakahiya. Yay!
"Oy, nagba-blush siya!" tuloy ay tukso na naman sa kanya ng pinsan.
Bahagyang siniko niya ito sa braso. "Tumigil ka na nga kasi."
Malutong na nagtatawa ni Cristine imbes na magtigil. Habang siya ay parang maiihi na tuloy siya sa kahihiyan.
"Pero seryoso, insan, nag-thank you ka na ba sa kanya?" hindi kalaunan ay seryosong tanong sa kanya nito.
"Bakit naman ako magte-thank you?" Namumula pa rin ang pisngi niya na balik tanong.
"Ay, tanga lang? Syempre naging hero mo siya kaya dapat pasalamatan mo rin 'yung tao kasi kundi dahil sa kanya ay baka binu-bully ka pa rin ng mga followers niya hanggang ngayon."
Napakagat-labi siya. "Gano'n ba 'yon?"
"Naman."
"Okay, sige, kapag magkaroon ako ng chance ay magte-thank you ako sa kanya," hindi tiyak na aniya. Kahit kasi magkaklase sila ng binata ay napakailap ni Andy. Tapos ay parang kay hirap i-approach.
Umasim ang mukha ni Cristine. "Ang pangit mo na nga, ang pangit pa rin ng mga idea mo. Mana sa mukha mo ang isip mo, insan?"
"Sige, ipagdiinan mo pa ang kapangitan ko." Inirapan niya ang pinsan nang bonggang-bongga.
"Kasi naman, eh!" Napakamot sa sariling batok si Cristine at nagpapadyak.
"Eh, ano ba dapat ang gagawin ko?"
"Simple lang naman. Yayain mo siyang kumain bilang pasasalamat."
Nanlaki ang kanyang mga mata. "Sira ka ba? Para naman papayag siya."
"Syempre sasabihin mo sa kanya na paraan mo 'yon ng pasasalamat sa kanya. Ang i-treat mo siya."
"Ayoko nga," protesta niya pa rin.
Buti na lang at dumating na ang prof nila at natapos ang pag-uusap nilang magpinsan. Subalit hindi na siya nakapag-concentrate pa sa kanilang lecture. Ang tanging laman na lang ng isip niya ay ang idea ni Cristine.
Sabagay tama naman ang kanyang pinsan. Kailangan talaga ay magpasalamat siya sa binata. Ang problema ay sa ganoon talagang paraan? Siya ang magyaya ng parang date kay Andy?
"Ayoko! Hindi ko siya yayayain ng date! Hindi ko kaya!" nang bigla-bigla ay hindi niya namalayang naibigkas niya at medyo may kalakasan kaya narinig ng lahat.
"Miss Peralta, anong date? Nasa klase ka pero pakikipag-date ang laman ng isip mo?" sita tuloy ng professor nila sa kanya.
"Po?" Namimilog ang mga mata niya na biglang napatayo.
Nagtawanan na ang buong klase. Tinawanan ang kawirduhan niya... ulit.
Nakangiwing nagyuko siya ng ulo. Sana kainin na siya ng lupa. Now na.
BINABASA MO ANG
ANG NABUNTIS KONG PANGIT
Romance*Highest Rank: #1* Si ANDY... guwapo pero hindi raw gago. SI YOLLY... pangit na binu-bully ng kapwa nila estudyante. ANG 'DI INAASAHAN, AY KAY YOLLY MAHAHANAP NI ANDY ANG ISANG MASAYANG KAIBIGAN. PERO ANO ANG MANGYAYARI KUNG BIGLANG MABUNTIS SI YOL...