Part 31

257K 4.9K 591
                                    

"Naka-drugs ka ba?!" singhal ni Yolly sa binata. Hindi pa rin niya kasi maintindihan. Hindi ito ang inaasahan niyang gagawin ni Andy. Ang inasahan niya ay magagalit ito sa kanya, kamumuhian siya, at pagtataguan siya. Ang kaso ay kabaliktaran lahat dahil ito pala mismo ang lalapit sa nanay niya raw. Parang gusto niyang maloka.

Kung iisiping mabuti kasi ay isang kagaguhan ang nais ni Andy ang mangyari. Gawain ba 'to ng matinong pag-iisip ng isang lalaki? Hindi, 'di ba? Kaya alam niya, sigurado siya, malamang nga ay naka-dr*gs ang binata ngayon. Tumira ito kanina kaya ang isip ay parang ewan.

"What are you talking about?" Mas naging masama ang tingin sa kanya ni Andy.

"Hindi kasi normal ang ikinikilos mo. Baka kako tumira ka ng bato?"

Napasinghap ng hangin si Andy.

"Alam mo ibaba mo na lang ako riyan tapos umuwi ka na at iuntog mo ang ulo mo sa pader niyo nang matauhan ka, okay? Tapos kapag hindi ka na naka-dr*gs ay saka tayo mag-usap. Sige na ibaba mo ako r'yan sa tabi! Dali!"

Kaso ay parang hindi na naman siya naririnig ng binata. Pambihira!

"Hoy!" Hinampas na niya ito sa balikat ngunit dedma pa rin si Andy. Parang nag-ko-concentrate sa pagda-drive ang loko na parang ewan.

"Naman, eh!" Inis na inis na siya. Nagulo-gulo niya ang buhok. Mababaliw talaga siya nito, eh.

Sinulyapan na siya ni Andy. "Para kang baliw."

"Ikaw kasi, eh." At tuluyan na nga siyang napaluha.

Nabahala si Andy. Itinigil nito ang sasakyan. "Ano bang problema, ha? Ikaw na nga ang panananagutan ikaw pa 'tong maarte."

"Dahil ayokong habambuhay na makonsensya. Hindi ako ang babaeng para sa 'yo." Napaiyak na talaga siya. "Kapag nagpunta ka sa bahay ay siguradong hindi ka na pakakawalan ni Nanay. Kaya please, huwag na. Umuwi ka na lang. Utang na loob."

Dumilim ang muka ni Andy. "Paano mo lahat nasasabi 'yan, ha?"

"Dahil ayoko ngang masira ang buhay mo. Huwag kang mag-alala kaya ko 'to. Nasa abroad ang tatay ko. Kaya na naming buhayin ang magiging anak ko kung sakali."

"At anong gusto mo? Hahayaan ko na lang na buhay mo lang ang masisira. Hindi rin ako matatahimik niyon. Isa pa bukal sa loob ko na panagutan ka."

Nagulo-gulo na naman niya ang buhok. Buhaghag na nga ay lalo pang nagulo. Pakiramdam niya kasi ay nagsulputan ang mga kuto sa ulo niya.

"Huwag ka kasing mag-isip nang kung anu-ano. Ang isipin mo lang ay ang kapakanan ng baby natin. 'Wag kang stupid," sabi pa ni Andy.

Siya naman ang napasinghap. Siya pa ngayon ang stupid? "Sige nga imaginen mo ang buhay mo na ako ang asawa mo. Masisikmura mo ba, ha?!" paghamon niya naman.

Saglit na natigilan si Andy. Mukhang nag-imagine nga ang gunggong. Habang siya ay kinabahan. Hindi niya alam kung saan titingin. Nandiyan 'yung iiwas siya ng tingin pero babalik ulit naman agad sa mukha ni Andy. Sa madaling salita ay nako-conscious siya. Grabe kasi makatitig si Andy, nakakatunaw.

"Ayan na-imagine ko na," saglit pa'y saad ng binata.

Naghintay siya ng sasabihin nito. Sana naman natauhan na ito. Diyos ko! Liwanagin mo ang isipan ng lalaking ito!

Ngumuso-nguso si Andy saka nagkibit-balikat. "Wala naman akong makitang masama, eh. Bagay nga tayo eh. Si malakas at si maganda," pero sabi nito na sinundan ng malutong na tawa.

Naningkit ang mga mata niya. At talagang nagawa pa nitong mag-joke. Gunggong talaga!

"Sa iyon nga ang na-imagine ko," depensa nito nang makita ang masama niyang tingin dito.

ANG NABUNTIS KONG PANGITTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon