"Cristine, bakit?" nagtatakang tanong ni Yolly sa pinsan dahil natulala na ito sa hawak na Pregnancy Test Kit.
Umayos sila ng tayo.
"Yolly, tingnan mo." Ipnakita ni Cristine ang PT sa kanya.
Medyo lumaki rin ang mga mata niya dahil negative ang resulta niyon. Iisa lang kasi ang guhit na pula ng PT. "Ano 'yan? Bakit ganyan? Ibig bang sabihin ba niyan, eh, hindi ka buntis?"
Sunod-sunod na iling ang ginawa ni Cristine. "Imposible, Insan. Sigurado ako sa nakita ko nung una. Positive 'to."
Napalabi naman siya. "Eh, bakit negative naman ang nandiyan? Hindi kaya naduling ka lang noong una?"
"Ewan ko lang." Animo'y lalong na-stress si Cristine. Ngumuso ito't nakasalubong ang mga kilay na nahulog na naman sa malalim na pag-iisip.
Naglipat-lipat naman ang tingin ni Yolly sa mukha nito at sa PT. Ilang segunda na wala silang imikan. Napapaisip talaga sila.
"Baka naman hindi ka talaga buntis?" saglit ay ani Yolly. Gusto niya sanang payapain kung anumang negatibong nararamdaman ngayon ng pinsan pero hindi niya alam kung paano kaya iyon na lang ang sinabi niya. Iyon naman ang sinasabi ng pregnancy test, eh. Isa pa ay mas mainam nga kung hindi ito buntis. Wala namang kuwentang lalaki ang nakabuntis dito.
"Hindi ako puwedeng magkamali, Yolly. Dalawang guhit ito nang makita ko noon. Sure talaga ako," subalit ay giit ni Cristine.
Napalatak siya. "Ay, naku!" Hinablot niya ang PT sa pinsan. "Baka nasira na 'to kasi tinapon mo naman kasi... 'di ba?" Humina ang boses niya sa huliaan dahil nang nasa kamay na niya ang PT ay biglang may naalala siya.
Siya naman ang napatitig sa PT na iyon at bahagyang napakunot-noo. Para kasing pelikula sa TV na nag-rewind sa utak niya 'yong nangyari noong nag-PT din siya. Parang nanadya na ipaalala sa kanya ang lahat.
"Kapag negative ito, Lord. Promise hinding-hindi ko na papansinin ang lalaking iyon," dasal niya noon habang inaayos ang sarili pagkatapos niyang patakan ng ihi niya ang PT sa banyo. Tapos ibinulsa niya muna ang PT saka patakbong pumasok siya sa silid niya. Doon na lang niya titingnan ang resulta ng PT. Kaya lang ay hindi pa niya noon nakikita ang resulta ay biglang dumating at kumakatok ang nanay niya sa silid niya. Saktong-sakto talaga kaya naman gulat na gulat siya.
"Ay!" Iyong PT naibato niya nga rin pala sa ilalim ng kama niya sa sobrang takot niya. Naaalala na niya.
"No way!" sambit niya nang matapos ang pagbabalik tanaw niyang iyon.
Takang napatingin sa kanya ang pinsan. "Ano 'yon?"
Nakagat niya ang kanyang pang-ibabang labi. Oh, no, huwag sanang sabihin na hindi sa kanya ang positive na PT dahil ang kanya ay iyong negative na PT pala. Diyos ko Lord!
"Ano bang nangyayari sa 'yo?" Binawi ni Cristine ang PT sa kamay niya.
Namutla siya, as in putlang-putla. Dahil kung iisiping mabuti ay posibleng sa kanya pala talaga 'yong PT na iyon at... at kay Cristine na PT iyong nadampot niya naman noon na positive. Paktay!
"Hoy, okay ka lang ba?! Naengkanto ka na ba?" Bahagyang tulak na si Cristine sa kanyang balikat upang magbalik siya sa sarili.
Noon siya parang natauhan. "Cristine, sure ka bang positive noon ang lumabas sa PT mo?"
"Oo nga, kaya imposible 'to. Ilang beses kong tinitigan noon ang PT ko. Binalik-baliktad ko pa nga't dinasalan kaso positive talaga," pag-confirm ni Cristine.
Pabagsak nang inihiga ni Yolly ang kanyang katawan sa malambot niyang kama. Kung ganoon ay sa kanya nga 'yong PT na iyon at malinaw na hindi siya buntis tulad ng inakala niya.
"Woaaahhh! Paano na 'to?!" ngawa na rin niya na parang bata.
"Nababaliw ka na ba? Ano bang nangyayari sa 'yo?"
"Cristine, mapapatay ako ni Andy! Sigurado na 'to!" Iyak niya pa.
"Alam mo hindi kita maintindihan."
Umupo ulit siya sa gilid ng kama. "Kasi ano parang... parang... parang akin 'yang PT na 'yan, eh."
"Ano kamo?!"
Napilitan siyang magkuwento sa pinsan. At halos lumuwa ang dalawang mata rin nito dahil hindi rin ito makapaniwala.
"Naku po! Paktay ka nga!" ang nasambit ni Cristine pagkatapos.
"Anong gagawin ko kung hindi pala ako totoong buntis?"
Ngumiwi si Cristine. "Bakit hindi mo kasi sinigurado? Bruha ka rin, eh!"
"Malay ko ba na parehas tayo nang pinagtapunan ng PT. At bakit kasi dito ka pa nag-PT? Bruha ka rin, eh!"
"Eh, malay ko ba kasing mag-PPT ka rin!" pangangatwiran ni Cristine.
Nagsisihan na silang dalawa.
"So, anong gagawin ko? Siguradong magagalit sa 'kin si Andy nito. Mahal na mahal pa naman na niya ang anak niya pero wala pala siyang anak. Diyos ko." Para na siyang mababaliw. Nasabunutan niya ang sariling ulo tapos nagpapadyak.
"Puwede kumalma ka lang muna?" awat sa kanya ni Cristine. "Hindi pa naman natin alam kung kanino talaga ang PT na ito, eh. Puwedeng akin naman pa rin 'to. Malay mo."
"Siguradong akin 'yan, eh," giit niya.
"Pero puwede rin naman ito 'yong akin."
"Pero nakita mo 'yong sa iyo, hindi ba? Na positive? Ako hindi ko nakita kaya siguradong akin 'yan," giit niya pa rin.
"Yolly, puwede naman baka naduling ako noon, 'di ba?" pero giit din ni Cristine.
Napatitig siya rito. Alam niyang pinapalubag-loob lang siya nito pero umasa siya kahit paano.
"So, anong gagawin natin para malaman natin kung sino sa atin ang totoong buntis?" mayamaya ay tanong niya sabay tayo. Hindi siya mapakaling napalakad-lakad. Kung tutuusin ay dapat sana maging masaya siya ngayon dahil hindi siya buntis. Meaning hindi pa siya magiging ina at matutupad pa niya ang mga pangarap niya. Pero ewan niya dahil sa ngayon iba na, eh. Iba na ang gusto niya. Biglang nagbago ang lahat. Parang mas gugustohin na niya ngayon na buntis nga siya, na sana siya na lang ang buntis at si Cristine ang hindi.
"Alam ko na mag-PT na lang tayo ulit?" hindi nagtagal ay naisip niyang suhestiyon.
Kaya lang ay napangiwi si Cristine at umiling ito sa kanya ng dalawang beses.
"Bakit? Ayaw mo? Hindi mo ba gusto na malaman ang totoo?"
"H-hindi na kasi ka-kailangan, Yolly," sagot sa kaniya ni Cristine na nauutal.
"Pero bakit? Sure ka na ba na ikaw ang totoong buntis sa ating dalawa?"
Tumango naman si Cristine ng dalawang beses.
"Paano ka sure?" Inismiran niya ito.
May inginuso si Cristine sa kanya. Doon banda sa likuran niya.
"Ano 'yon?" Napatingin siya sa may bandang pwetan niya. At daig pa niya ang pinagsakluban ng langit at lupa sa nakita niya.
Kasi...
Kasi...
Kasi...
May dugo! May dugo sa may pwetan niya! May tagos pala siya!
BINABASA MO ANG
ANG NABUNTIS KONG PANGIT
Romance*Highest Rank: #1* Si ANDY... guwapo pero hindi raw gago. SI YOLLY... pangit na binu-bully ng kapwa nila estudyante. ANG 'DI INAASAHAN, AY KAY YOLLY MAHAHANAP NI ANDY ANG ISANG MASAYANG KAIBIGAN. PERO ANO ANG MANGYAYARI KUNG BIGLANG MABUNTIS SI YOL...