CHAPTER: 1 (Love At First Crush)

40.1K 822 50
                                    

2008 (High school Days)

"SHAUN..."

Nakapalumbaba si Mikay habang nakatingin sa lalaking gusto niya. Nile-lettering pa niya ang pangalan nito sa isang tissue gamit ang isang red ballpen.

Fourth year high school na si Misha Kailey Yuzon pero mula pa noong una niyang nakita si Shaun noong first year pa lang siya ay may crush na siya rito.

"Baka naman lalong madagdagan ang tagyawat mo dyan sa mukha kakaisip mo sa lalaking 'yan." ani Bernadette sabay kagat sa binili nitong sandwich sa canteen.

"Friendship naman. Hindi ko mapigilan, eh." Ngumuso si Mikay habang tinitingnan pa rin si Shaun sa kabilang table. Ilang saglit lang ay nilantakan na rin niya ang hawak na tuna sandwich.

Nasa canteen sila ngayon at kasisimula pa lang ng breaktime. Magkatapatan ang kanilang puwesto nang pag-upo sa isang table. Tatlong klase ng sandwich ang kanyang binili at iba-iba ang palaman ng mga iyon.

Lagi talagang magkasama ang mag bestfriend na sina Mikay at Bernadette. Grade 3 pa lang ay magkakilala na silang dalawa at mula noon ay hindi na sila mapaghiwalay na dalawa. Kahit ang kanilang mga magulang ay naging matalik na rin na magkaibigan nang dahil sa kanilang dalawa at dahil na rin sa business ng mga ito.

"Hindi ka ba nasasawa sa mukha ng lalaking 'yan, friendship?" tanong ni Bernadette saka humitit sa straw ng softdrink nito.

"No! Hinding-hindi, friendship." Binitawan niya ang hawak na red ballpen at dalawang kamay na ang ipinangsalo niya sa kanyang baba.

Mayamaya lang ay dumating si Nicole na class muse sa kanilang section. Pumunta ito sa table kung saan nakaupo si Shaun.

Inalis ni Mikay ang kanyang kamay sa kanyang baba nang makita niyang inakbayan ni Shaun si Nicole. Nakita rin niyang tumingin sa gawi nila si Nicole at saka nagbigay ng isang plastik na ngiti.

"Oh ano, friendship? Hindi ka pa rin ba nagsasawa?" ani Bernadette habang nakatingin sa lugar nina Shaun at Nicole.

"Hindi... Hindi pa rin, friendship," umiiling na sabi niya. Dinampot niya ang ham sandwich at saka kinagat.

"Hay! Friendship! Tigilan mo na kasi ang pag-iilusyon dyan kay Shaun, e napaka chikboy naman ng isang 'yan. At saka tila lahat na yata ng naging girlfriend n'yan dumaan na sa paningin mo, eh," ani Bernadette. Napailing ito nang mapansin niya na nakatitig pa rin siya kay Shaun. "Malala ka na, friendship."

"Kailan ba n'ya kasi ako mapapansin, friend?" Pumikit-pikit si Mikay at saka humarap sa kaibigan habang ngumunguya.

"Siguro friend, kapag tatlong beses ka na lang kumain sa isang araw at hindi pito, kapag natapos ng magbuntis 'yang tagyawat mo at saka kapag nalugi na 'yung oil factory dyan sa mukha mo."

"Friendship naman, eh. Gano'n ba ako kapangit?" Nakasimangot na tanong ni Mikay.

"Hayaan mo na, friend. Ang mahalaga, matalino ka." Hinawakan nito ang kanyang balikat.

"Nakakainis ka, friendship." Binilot ni Mikay ang tissue at ubod-lakas niyang ibinato iyon kay Bernadette pero nakailag ito.

Lumipad ang tissue sa bandang dibdib ni Shaun. Dinampot nito iyon at tumingin sa gawi nila. Maging si Nicole ay napatingin rin sa magkaibigan. Sakto ang pagkagat niya sa hawak na sandwich nang magtama ang kanilang mga mata ni Shaun.

"Friendship, nakakahiya. T-Tara na." Namumuwalan ang kanyang bibig nang bulungan niya si Bernadette. Tiningnan niya si Shaun at nakita niyang nakatingin pa rin ito sa kanila kaya natigil ang kanyang pagnguya.

Now It's MY TurnTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon