TITLE: Precious Gift
Sub-Genre: Inspirational, Drama
AUTHOR: ginagin07
"I'm sorry, Mr. and Mrs. Flores. It's still negative."
Magkahawak-kamay na lumabas mula sa isang pribadong ospital ang mag-asawang sina Jun at Ivy. Batid sa mga mata nila ang labis na kalungkutan at muli na namang pagkabigo. Ilang taon na rin silang pabalik-balik sa klinika ni Doktora Agustin. Lahat ng pagkasabik na bitbit nila sa kanilang mga puso ay tila nawasak nang marinig ang sinabi ng doktora.
Matagal na nilang pinapangarap na magkaroon ng anak ngunit sa loob ng apat na taon nilang pagsasama ay hindi pa sila nabibiyayaan. Dumaan na rin sila sa ilang mga pagsusuri para matiyak ang kanilang kundisyon bilang mag-asawa. Sabi ng doktor ay wala namang daw problema. Kung anu-anong gamot na rin ang nasubukan nilang dalawa ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapag-buo.
"Patawad, Mahal," malungkot na sabi ni Ivy sa asawa. Nasa loob na sila ng kotse nang makapagsalita siya. Dinadaluma pa rin niya ang naging resulta ng test. Napahawak siya sa kanyang tiyan. Hindi niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili. Bakit ba sa dinami-raming babae sa buong mundo ay siya pa itong hindi magka-anak?
Inangat ni Jun ang kanyang mukha para magpantay ang tingin nila sa isa't isa. "Huwag kang mag-alala, Mahal. Pasasaan ba't magkaka-baby rin tayo," positibo nitong bulong sa kanya. "'Di ba nga naikuwento kanina ni doktora 'yong tungkol kina Dawn Zulueta at sa asawa niya? Pitong taon din silang naghintay bago sila nagka-anak. Katulad din nila tayo, Mahal. At saka, ayaw mo nun? Magha-honeymoon ulit tayo. Sa Singapore naman. Malay mo, gusto pala ng anak natin na made in Singapore siya," biro pa nito. Hinalikan siya ni Jun sa noo bago nito pinaandar ang makina ng sasakyan.
Gayon pa man ay napangiti si Ivy dahil sa mga sinabi ng asawa. Mula nang ikinasal sila ay walang kupas nitong ipinaramdam sa kanya kung gaano siya nito kamahal. Lahat na yatang pinangarap niya sa isang lalaki ay taglay nito. Responsable, mapagmahal, matapat, mapag-unawa, pasensyoso at higit sa lahat ay may takot sa Diyos. Binigyan siya nito ng isang maayos at kumportableng pamumuhay. Lahat na yata ay nasa kanila ng mag-asawa kahit na alam nilang pareho na sa kabila ng lahat ng ito ay may kulang pa rin.
Gaya ng kanilang nakaugalian, bago sila umuwi ng bahay ay dumaan muna silang mag-asawa sa prayer house. Nagsindi sila ng kandila at nagdasal sa harap ni Santa Clara na pinaniniwalaang santo ng mga mag-asawang humihiling na magka-anak.
Pagkatapos nilang magdasal ay naglakad-lakad sila sa plaza na katapat lang mismo ng simbahan. Sa tuwing napapadaan silang mag-asawa rito ay tila ba napupuno ng inggit at kabiguan ang mga mata ni Ivy. Naiinggit siya sa tuwing nakikita ang mga masasayang magkakapamilya na namamasyal. Lalo siyang nalulungkot sa tuwing nakikita si Jun na nakangiti habang pinagmamasdan ang mga naghahagikhikang mga batang naglalaro at naghahabulan sa damuhan. Katulad niya ay sabik na sabik na rin itong magkaroon sila ng sariling anak.
Minsan na-i-imagine niya ang mukha ng magiging anak nila ni Jun. Gustong-gusto kasi nito ang panganay na lalaki. Kapag nagkataon, alam niyang kasing gwapo ito ng asawa niya. Lalo na kapag namana rin nito ang dimples ni Jun sa magkabilang pisngi. Pati na rin 'yong matangos nitong ilong at makakapal na kilay. Para naman kay Ivy, mas gusto niyang babae ang maging panganay nilang mag-asawa. Gusto niyang may sinusuklay-suklay na mahabang buhok at may pinasusuotan ng magagandang bestida. Masaya sana. Kaya lang hanggang ngayon ay pawang nakaukit lamang ang mga ito sa isipan niya.
Nakaupo sila sa isang mahabang bench nang nilapitan sila ng isang batang lalaking may bitbit na mga makukulay na lobo.
"Ma'am, Sir, gusto ni'yo po ng lobo? Sampung piso lang po ang isa," sabi ng bata sabay abot kay Ivy ng kulay asul na lobo. "Pasalubong ni'yo po sa anak ninyo. Tiyak po na matutuwa iyon!"
BINABASA MO ANG
ONE SHOT WRITING CONTEST (Featuring: Feb-ibig)
RomanceCompilation of entries in Wattpad Lovers Page, ONE SHOT WRITING CONTEST (Featuring: Feb-ibig).