ENTRY NO.46

57 3 1
                                    

TITLE: Changing destiny
Sub-Genre: Fantasy, Drama
Author: Yuki_archenemy  


Nakangiti ako habang tinatanaw sa malayo ang lalaking mahal ko na ikinakasal ngayon sa iba. Masaya siya kaya masaya na rin ako. Kunwari, ayos lang ako. Kasalanan ko naman ito. Kung hindi lang ako natakot noon, baka ako ang pinakasalan niya, baka ako pa rin ang mahal niya.

Gamit ang puting panyo, pinahid ko ang aking mga luha at nakisabay sa mga taong nagpapalakpakan para sa bagong kasal. Habang naglalakad sila palabas ng simbahan, may mga nagsasaboy ng talulot ng mga rosas kasabay ng mga papuri at pagbati.

"Congratulations, Ivy at Bryan," bati ko sa kanila.

"Salamat, Arisse," sambit ni Ivy.

"Hoy, Bryan! Alagaan mong mabuti itong asawa mo. 'Wag mong paiiyakin. Sobrang bait at maalaga pa naman niya. Saka akalain mo iyon, may nakatagal sa ugali mo," biro ko pa.

"Ewan ko sa iyo. Saka mahal na mahal ko itong si Ivy. Hindi ko siya sasaktan."

Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi ni Bryan at mabilis na hinalikan sa labi ang kanyang asawa. Ako nama'y natahimik. Biglang sumama ang aking pakiramdam. Hindi pa rin ako sanay na nakikita silang masaya.

"Arisse, Bryan at Ivy, tama na ang kuwentuhan. Pumunta na tayo sa reception," yakag sa amin ni Tita Sonia, nanay ni Bryan.

"Sige po. Mauna na kayo. May pupuntahan lang ako sandali," palusot ko. Ayoko na kasing pumunta pa sa handaan sa bahay nila.

"Ipagpaliban mo muna ang lakad mo. Kasal ngayon ng best friend mo. Uunahin mo pa ba iyan?" May himig ng pagtatampo si Bryan pero lalo lang pumait ang aking ngiti. Tama. Best friend. Best friend lang ako ng lalaking mahal ko.

"Oo na. Sige na. Araw niyo ito, baka hinihintay na kayo ng iba niyong bisita."

Ngumiti ang mag-asawa sa akin. Sumakay na sila sa kotse papunta sa pagdarausan ng kainan. Ang karamihan kasi sa mga bisita ay nakaalis na. Iilan na lang kaming natira sa harap ng simbahan.

Naglakad-lakad naman ako papunta sa maliit na hardin ng simbahan. Gusto kong magpahangin. Pakiramdam ko, nasasakal ako; isang tali na hindi nakikita pero ramdam ko ang paggapos sa puso ko. Selos, panghihinayang at kalungkutan; iyon ang bumuo sa misteryosong lubid na gumagapos sa akin ngayon.

Uupo na sana ako sa sementadong upuan nang mapansin ko ang isang matandang babae. Hapis ang kanyang mukha at mukhang hinang-hina. Dahil sa awa, umalis ako sandali; bumili ako ng pandesal at isang bote ng tubig at ibinigay sa matanda.

"Pasensiya na po kayo, Ale. Medyo gipit po ako ngayon at malayo pa ang araw ng suweldo. Sana po ay ayos lang sa inyo ito," paghingi ko ng paumanhin.

"Naku! Salamat, hija. Pagpalain ka sana ng Diyos," tuwang-tuwa ang matanda. Kinuha niya ang tinapay at nagsimulang kumain. "May lungkot sa iyong mga mata, may problema ba?" tanong niya.

Napakamot ako sa ulo dahil sa hiya. Mukha siguro talaga akong pinagbagsakan ng langit at lupa ngayong araw. "Medyo po..."

"Ano ang problema, hija?"

"Mahaba pong kuwento. Saka kahit anong gawin ko, wala nang magbabago. Hindi ko naman kayang ibalik ang panahon at itama ang pagkakamali ko."

Mula sa bulsa ng matandang babae, may inilabas siyang kuwintas; isang asul na kristal ang nagsisilbing pendant nito. Inilagay niya iyon sa aking kamay. "Sana, matupad ng kuwintas na ito ang hiling ng puso mo. Pero lagi mong tatandaan, ang lahat ng bagay sa mundo ay may dahilan, madalas nga lang ay hindi natin naiintindihan. Mag-iingat ka, Arisse..."

ONE SHOT WRITING CONTEST (Featuring: Feb-ibig)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon