ENTRY NO.33

131 5 2
                                    


TITLE: Love Letters
Sub-Genre: Drama
AUTHOR: Miko Akihiro  



UMUPO ako sa damuhan, sa harap ng puntod ni lolo. Buwan ng mga puso ngunit nasa memorial park ako kung saan siya nakalibing.

Binuksan ko ang kahon, kumuha ng isa sa maraming sobre mula roon, hinila at binuklat ang papel na laman niyon, saka binasa ang mga nakasulat doon.

Ika-9 ng Abril, 1948

Ginigiliw kong Lera,

Hindi ko malilimutan ang petsa kahapon, ika-8 ng Abril, 1948. Iyon kasi ang araw nang aking masilayan ang pinakamagandang babae sa buong mundo. Wala nang iba pa kundi ikaw iyon, Lera.

Kung ikaw ay bulaklak sa isang malawak na hardin, ikaw ang pinakauna kong mapapansin. Kahit sa malayuan ay kitang-kita ang iyong taglay na kagandahan, ang kariktan mo'y walang kahambing, at naaamoy ko ang iyong napakabangong samyo. Alam mo bang bumilis at lumakas ang pagtibok ng aking puso nang una kitang makita?

Nang ipinakilala ka sa akin ng kaibigan kong si Luis ay awtomatikong naililok ang maganda mong pangalan sa aking puso. Nang makipagkamay naman ako sa iyo ay parang ayaw ko nang bitawan ang iyong malambot na kamay na kaysarap hawakan. Isa pa'y tila may malakas na boltahe ng kuryenteng dumaloy sa aking mga ugat.

Nang tayo'y sumayaw sa saliw ng isang musika ng pag-ibig, ipinagdarasal ko na sana'y huwag nang matapos ang magandang tugtugin. Kung hindi lang sana nalaman ng iyong nakatatandang kapatid kung sino ako, ilang beses pa sana kitang naisayaw.

Maiba ako, ang saya pala ng piyesta dito sa probinsiya. Sana pala ay sumasama ako sa aking mga magulang tuwing nagbabakasyon sila rito. Disin sana'y noon pa kita nakilala. Ayaw kasing sumama ng aking lola at ayaw ko namang iwan siya kahit may mga kasambahay kami sa Maynila. Sumakabilang-buhay na siya noong isang taon.

Ang mahalaga ay nakita na kita at nagkakilala na tayo, Lera. Talagang may tamang panahon para sa lahat ng bagay. Hindi ka na naalis sa aking isip at lalo na sa aking puso mula nang ika'y aking masilayan. Naniniwala ka ba sa tinatawag nilang pag-ibig sa unang pagkikita? Marahil ay mahal na nga talaga kita, Lera. Ibig ko sanang manligaw sa iyo. Maaari ba?

Hihintayin ko ang iyong kasagutan sa aking liham.

Nagmamahal,

William

Ika-11 ng Abril, 1948

William,

Una sa lahat, humihingi ako ng paumanhin sa inasal ng kuya ko noong piyesta. Muntik ka na niyang suntukin. Mabuti at nakinig siya sa akin. Hiyang-hiya ako sa iyo nang gabing iyon. Ako na ang humihingi ng pasensiya. Humihingi rin ako ng paumanhin sa iyo dahil ilang araw pa ang aking pinalipas bago ko sinagot ang iyong liham. Ako kasi ay nabigla sa mga sinabi mo sa sulat. Medyo natagalan bago ako nakabawi.

Napakabilis mo pala. "Ginigiliw kong Lera" kaagad ang bating panimula mo sa akin at "Nagmamahal" naman ang iyong bating pangwakas. Ako'y natawa sa mga sinulat mong iyon ngunit naiintindihan kita. Marahil ay ganoon talaga ang mga taga-Maynila. Masyadong mabilis. Pero inaamin ko na ako'y ganoon din naman. Mabilis din ako sa pagsabi ng aking nararamdaman. Mas mabuti na iyong malaman kaagad, hindi ba?

Nais kong malaman mo na hindi ko rin maipaliwanag ang aking naramdaman nang ika'y una kong makita. Aaminin ko na tulad mo'y bumilis at lumakas din ang pagtibok ng aking puso. Ikaw ang pinakaguwapong lalaking aking nakita.

ONE SHOT WRITING CONTEST (Featuring: Feb-ibig)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon