18
"Judie anak, pinagpaalam ka nga pala sa akin ni Ibarra. Pupunta siya rito mayamaya at susunduin ka," bungad sa akin ni Mama nang makauwi na kami galing simbahan.
"Ano po?! Mama naman," maktol ko. Taka akong tinignan ni Mama.
"Bakit gan'yan ka naman maka-react? Akala ko ba'y nagkakaigihan na kayo?"
"Naku, Ma. May ibang gusto 'yan si Ate kaya nag-iinarte," singit ni Jude kaya sinamaan ko nang tingin.
"Epal mo talaga, Jude. Lagi na lang," inis kong singhal kay Jude. Ngumisi lang siya.
"Totoo ba 'yon anak?" tanong ni Mama. Hindi ako makasagot.
"'Nak, kung may iba kang gusto, 'wag mong paasahin yung tao," dagdag ni Papa.
"Hindi naman po sa pinapaasa, Pa. Eh, kasi hindi ko po alam kung paano ko 'yon sasabihin sa kanya nang hindi ako nakakasakit," sagot ko nang malumanay.
"May iba ka ngang gusto, 'nak?" Umiwas akong tingin sa tanong na iyon ni Mama. "Kawawa naman pala si Ibarra kung gano'n? Mabait pa namang bata, Judie. Gusto ko siya para sa'yo," dagdag niya. Alam kong kahit hindi ko siya sagutin, alam na niya ang sagot sa tanong niya.
"Sandra, alam mo namang si Judie ang magdi-desisyon sa bagay na 'yan, 'di ba?" tanong ni Papa kay Mama.
"Alam ko 'yon, Conrad. 'Di naman ako makikialam sa desisyon ni Judie sa bagay na 'yan. Ang sa akin lang, gusto ko sana si Ibarra para sa anak natin," sagot naman ni mama.
"Kailangan po ba sa harap ko pagdiskusyonan ang bagay na 'yan?" pagsali ko sa usapan nila. Lalo lang kasi akong nakokonsensya para kay Ibarra.
Natawa silang dalawa sa sinabi ko at ngumiti ng alanganin sa akin.
"Ang punto ko lang naman dito ay mabuting bata si Ibarra at seryoso siya sa'yo, Judie. Panatag ako sa kanya," sabi ni Mama.
"Judie, ang gusto ko lang ay hindi maging kumplikado sa'yo ang lahat. Kung may iba kang nagugustuhan, 'wag mo na sanang paasahin pa itong si Ibarra kahit pa gustong-gusto siya ng mama mo para sa'yo dahil sa huli, ikaw pa rin naman ang magdi-desisyon ng lahat," paliwanag naman ni Papa.
"Alam n'yo po, lalo akong napi-pressure sa inyong dalawa," nasambit ko sabay kamot sa ulo.
"Judie, suportado ka naman namin. Hindi ka na rin naman batang-bata para pagbawalan namin sa mga gan'yang bagay. College ka na at sa tingin ko, may karapatan kang maka-experience ng buhay pag-ibig, hindi ba?" litanya ni Papa.
"Papa naman, eh. Alam ko naman po 'yon pero para naman po kasing mas excited pa po kayo sa akin magka-love life. Napi-pressure po ako lalo," himutok ko.
"Ang mama mo itong excited masyado. Botong-boto roon kay Ibarra," sagot ni Papa.
"Hindi naman sa excited ako pero syempre kung may gusto rin naman si Judie kay Ibarra, aba'y bakit pinatatagal pa niya masyado, hindi ba?" depensa naman ni Mama.
"Mama, may iba ngang gusto si Ate. Hindi lang niya kayang bastedin si Ibarra," sabat na naman ni Jude.
Naririndi ako sa usapan nila kaya minabuti kong umakyat na lang sa aking kwarto. Nahiga ako sa kama at nagmuni-muni. Gusto ko sanang matulog dahil maaga akong nagising kanina pero hindi naman ako makatulog. Kung anu-ano ang naiisip ko. May mga tanong ako na gusto kong hanapan ng kasagutan.
Hiwalay na pala si Nick at Jasmine? Kailan pa at bakit? Ang buong akala ko ay ayos silang dalawa. Iyon nga yung isa sa mga rason kung bakit pilit kong pinagsisiksikan sa kukote ko na magkaibigan lang kami dahil alam kong sila pa rin ni Jasmine. Tapos biglang hindi na pala sila?

BINABASA MO ANG
Aknownymous
Teen FictionAng mga taong nakilala mo, totoo nga bang kilala mo na? Mukhang marami pang hindi alam si El Judie Espinoza tungkol kay Nicholas Brian Tan... xx Sequel of Anonymous.