Sa gitna ng tahimik na paligid na nakukulayan nang matabang na kulay, bukod sa mga medikal na aparato at ilang hilik ng natutulog na mga pasyente, tanging ang pabulong na pagkukwento na lang ni Emerson sa kanyang apo ang umaalingawngaw nang mahinahon sa kwarto.
"...At, doon sila nagkitang muli. Apo?" Tiningnan niya ang natutulog na mukha ng kanyang apat na taong gulang na apo.
"Ini-spoil n'yo naman apo n'yo, Pa," narinig niyang komento ng kanyang bunso at unica hija, na nakatokang bantayan siya ng gabing iyon.
"Ang ganda ng apo ko, parang anghel," aniya habang hinahaplos ang ulo ng apo na nakatungong natutulog sa kanyang tabi.
"Mana sa nanay." Kinuha na ng anak niya ang anak nito at kinarga.
"Hindi mo aakalaing napakalikot, parang 'yung nanay n'ya," pang-aasar niya sa kanyang bunso.
"Papa naman e," nguso sa kanya nito. Ngumiti lang siya. Umalis ang kanyang anak upang iuwi ang anak nito, at dahil matatagalan pa bago ito bumalik, naisipan na lang niyang matulog. Humiga na siya nang ayos at pumikit. Pero mailap pa rin ang antok sa kanya, tulad ng dati. Maya-maya, hindi niya inaasahan, naramdaman niyang umupo sa tabing upuan ang kanyang bunso.
"O, Hija, nasaan ang anak mo?" Muli siyang umayos ng upo.
"Yung daddy na n'ya po ang maghahatid," ngiti nito. "Hindi pa po ba kayo inaantok?"
"Hindi pa nga e," tugon niya, "mailap ang antok sa'kin nitong nagdaang mga araw."
"Sumasakit po ba puso n'yo?" pag-aalala nito.
Pinalis naman niya iyon, "Hindi anak, ayos lang pakiramdam ko."
"Baka po kaya sa pagkukwento n'yo kay Jenny?"
"Naku, hindi," natawa siyang bahagya sa pagkakaalala sa mukha ng apo, "masaya nga ako't pinadadalaw n'yo s'ya sa akin."
"E nagpupumulit din po kasi Papa, gusto n'ya po laging kwentuhan n'yo't nami-miss kayo." Napuno ng kagalakan ang puso niya dahil sa katotohanang malapit sa kanya ang apo. Sumiwang lang ng nanghihinang ngiti ang kagalakan na iyon.
"Papa..." pukaw sa kanya ng kanyang anak, "kailan n'yo po ba makukwentuhan ulit si Jenny sa bahay?" Hindi siya sumagot, dahil hindi niya alam kung kailan. "Babalik pa po kayo sa bahay, 'di ba?" naluluhang tanong sa kanya ng kanyang anak.
Napapikit siya, "Hindi ko masasabi."
"Papa naman e, 'wag po kayong magsalita nang ganyan. Madalas ng sinasabi n'yo nagkakatotoo e."
"Hindi 'yun sa gan'on, anak. Nagkataong ang madalas ko lang sabihin e ang totoo."
Mabilis siyang niyakap ng kanyang anak at dali-dali ring bumitiw at tumalikod. "M-may bibilhin lang ako, Pa." Pagkasabi noon ay mabilis itong umalis. Nagbuntong-hininga na lang siya. Umayos na ulit siya ng higa at pumikit. Naalala niya bigla ang mukha ng kanyang unica hija nang unang beses itong umiyak dahil sa pagkarga niya rito—ayaw kasing mahiwalay sa nanay. Napangiti siya nang makita niya ang mukha ng kanyang namayapa nang asawa. "Ang anak mo talaga, Leia," bulong niya rito, bago tuluyang makatulog.
-end-
BINABASA MO ANG
Si Emerson at si Leia
RomanceSame characters sa iba't ibang setting? Why not? Entry ko sa #Wattys2016 Last month pa dapat 'to pero anong sabi ng psychologists? Planning fallacy! Vote wisely. Comments are appreciated.