29. Overnight

25 2 0
                                    

Lahat ng estudyante ay dumaan sa kagipitan ng oras sa paggawa ng mga assignment, project o thesis. At kapag dumating na ang araw na iyon sa buhay nila ay isa lang ang nagiging solusyon: pagsusunog ng kilay. Sa totoo lang, hindi masasabing kompleto ang buhay ng isang estudyante kung hindi siya nakaranas ng maski isang overnight.

Hindi ligtas ang college students na sina Emerson at Leia. Magka-partner sila sa isang mini-thesis, parang reaction paper lang, tungkol sa mga pangmatagalang bunga ng K to 12 program ng administrasyong Aquino, partikular na sa college nila sa kanilang unibersidad. At, tulad ng inaasahan, gipit sila sa oras. Magreklamo man silang magkakaklase—kesahodang late na binigay ang project, mahirap masyado ang topics, hindi naman kasama sa requirements—masusunod pa rin ang prof nila. Para ngang mas matagal pa ang naging pagdedebate nila kung itutuloy pa ba ang mini-thesis kaysa sa oras na natitira para gawin iyon. At dahil hindi makatatapak sa susunod na academic year ang mga hindi magpapasa, dahil na rin magiging 4 (incomplete) ang marka nila kung sakali, napilitan na silang mag-comply. Kaya kanya-kanyang overnight sa kanya-kanyang bahay ang bawat mag-partner. Si Emerson at si Leia ay nasa bahay ng una dahil sa may internet doon. Alas ocho sila nakarating sa bahay, at matapos magpahinga ay nag-ayos na sila ng mga gamit (e.g. laptop).

"Lei," baling ni Emerson kay Leia, "bukas pa raw makakauwi sina Mama."

Inaayos ni Leia ang lamesa kung saan sila magtatrabaho. "Pati si Tito?" tukoy nito sa kanyang ama.

"Magkasama sila sa Baguio," tugon naman niya habang itinatabi ang kanilang bag sa gilid ng sofa na sinasandalan nila. Sa sahig sila nakaupo dahil mababa lang ang lamesa sa sala kung saan sila gagawa.

"E si Kuya?" tukoy naman nito sa kanyang nakatatandang kapatid.

"O, 'di ko ba nasabing nasa Australia s'ya—?"

"Ahy, nasa Australia nga pala, 'no—?"

Nagkasabay pa silang sagutin ang tanong nito. "Oo nga," bawi naman ni Leia.

Tumunog ang cellphone niya at nagulat nang mabasa ang text ng nanay ni Leia, "O, alagaan daw kita sabi ng mama mo."

"Lagot ka, galit 'yan 'pag ganyan," pananakot nito sa kanya. Pero, nang mag-text ulit sa kanya ang ina nito ay natawa siya.

"Huwag ka raw pilya."

"Weh? Patingin nga!" Sinubukan pang agawin ni Leia ang kanyang cellphone pero naiiwas niya kaagad ito. Nagreklamo ang dalaga, "Imbento ka na naman!"

"Wag mo 'kong aabusuhin Lei, ha?" pang-aasar niya.

"Mukha mo," hampas nito sa braso niya, "Ikaw 'tong kinakawawa ako lagi e."

"Grabe, kinakawawa kita?" Hinawakan niya sa braso ang dalaga at dahan-dahang hinatak papalapit sa kanya. Nakangiti naman itong nagpahatak. Ikinawit niya ang mga braso nito sa leeg niya at hinawakan naman niya ang hita at likod nito. Perks ng pagiging boyfriend.

"Tayong dalawa lang dito ngayon, Lei..." Humalik siya sa ilong ng nobya.

"Tumigil ka, Em," pagpigil nito sa kanya, nang nakangiti. Paano siya titigil nang ganoon? Humalik siya sa labi nito nang bahagya, na nagpapula sa mukha nito. Muli itong nagreklamo, "Tama na po, marami pa tayong gagawin."

Napangiti siya sa sinabi nito, "Tulad ng...?" Binasa niya ng laway ang kanyang labi.

"Emerson, ano ba..." Binasa rin nito ang sariling labi na sinabayan pa ng tahimik na tawa at sumisigaw na ngiti. Pumikit siya at hinagkan nang mainam ang nobya na ginantihan naman nito ng ganoon ding halik, at nalasahan pa niya sa bibig nito ang kinain nilang kalamares kanina. Napangiti siya, dahil paborito niya ang kalamares. Inilibot na rin niya ang mga kamay sa katawan ng nobya samantalang lalong humihigpit ang pagkakayakap nito sa kanyang leeg.

Ilang minuto ang lumipas, dahan-dahan nang inihiga ni Emerson si Leia sa sahig nang hindi binibitawan ang dalaga. Bahagya niyang iniangat ang uniform nito at hinaplos ito sa tagiliran. May kiliti ito doon kaya nayayamot ito kapag tinutudya niya ito sa tagiliran, pero sa pagkakataong nilalambing nila ang isa't isa, isang masarap na pakiramdam ang paghawak niya sa tagiliran nito. Huminga nang malalim si Leia sa ginawa niya, na sinabayan niya lang ng pagkagat sa ilalim na labi nito. Gumanti ito nang pagkagat naman sa ibabaw na labi niya. Tumigil siya sa pagkilos at siniil nang matagal na halik ang nobya. Kapagdaka'y humiwalay siya at tinitigan ang kanyang pag-ibig. Namumula itong ngumiti at bahagyang kinagat ang labi.

"Ang ganda mo," aniya habang nagpapalipat-lipat sa mga mata at labi ni Leia ang kanyang mata.

"Alam ko," kumindat naman ito sa sinabi niya. Natawa siya nang bahagya, at pinaulanan ng maliliit na halik ang mukha nito. Sinalubong naman nito ng pagpikit at pagngiti ang kanyang mga halik.

Ibinangon ni Emerson si Leia at nagsabing, "Sige na nga, mukhang ayaw mo e."

"Mukha mo..." Pinisil nito ang magkabila niyang pisngi tsaka siya binigyan ng isang matipid na halik. Humarap na ito sa laptop habang siya naman ay binuksan na ang WiFi. Nag-umpisa na silang gumawa at tahimik na nagsulat ng kanya-kanyang nakatoka sa bawat isa. Apat na oras silang gumawa, paminsan-minsa'y nag-uusap, na madalas namang nauuwi sa kulitan. "Mukhang mali na tayo pa nag-partner!" biro pa ni Leia. Ilang minuto pa, napapapikit na si Leia. Si Emerson naman ay nagkakasya na sa paghihikab.

"Mahal, inaantok na 'ko," baling nito sa kanya.

"Gusto mo nang mahiga sa kwarto?" Umiling lang ito bilang tugon, kahit pa pinipilit na lang nitong dumilat. Maya-maya ay naramdaman niyang sumandal ito sa balikat niya, at nakatulog na nang tuluyan. Nang mapansin niya iyon ay binuhat niya ito nang buong ingat upang hindi ito magising, papunta sa kanyang kwarto at dahan-dahang inihiga sa kanyang kama. Kinukumutan na niya ito nang bigla itong nagsalita.

"Em, halika na..." namumungay nitong pag-anyaya sa kanya.

"May tatapusin pa po ako." Hinawi niya ang buhok na nakaharang sa mukha nito.

"E...dito ka gumawa," pamimilit nito. Nakapikit ito at nakakunot ang noo.

"Sige po, sandali lang." Hinalikan niya ito sa noo bago bumalik sa sala. Inayos niya muna ang mga ginamit nito at ang ilan pang kalat sa sala. Ilang minuto rin iyong nagtagal bago siya bumalik sa kwarto dala ang laptop niya.

Pagbalik niya ay natutulog na nang mahimbing si Leia. Gusto sana niyang tabihan na itong matulog ngunit may mga kailangan pa siyang tapusin. Inayos niya ang kumot nito, hinalikan sa noo, bago pinagpatuloy ang ginagawa.

-end-

Si Emerson at si LeiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon