46. Unang Pag-aaway

24 1 0
                                    

Hindi ko malilimutan ang unang pag-aaway namin ni Emerson.

Nagkita-kita kami ng mga high school friends ko, mini-reunion ba dahil mga college na kami at ang iba pa nga e may trabaho na. May kaunting pagsasalo-salong hinanda, at dahil nagsitandaan na ay nadagdag na sa option ng mga panulak ang alak.

Hindi ako umiinom. Alam ni Em 'yon, at gusto niya na hindi ako umiinom. Pero pinapaalalahan pa rin niya ako minsan na 'wag akong uminom, tulad ng araw na iyon. Pero, dahil napilit ako ng mga kaibigan ko, uminom akong isang bote. Hindi ko iyon sinabi kay Em, dahil alam kong magagalit siya. Ilang linggo pa ang pinalipas ko bago ko 'yon ikwento sa kanya. Sinigurado ko munang maayos ang mood namin, at tinapat ko pa 'yon sa unang beses naming pagde-date sa bahay namin—madalas kasi e sa bahay nila kami mag-date. Alam kong maayos niya iyong tatanggapin, lalo na't matagal nang nangyari. I've never been so wrong in my entire life.

"Napilitan? Anong susunod? Pag sinabi nilang mag-drugs ka, susunod ka rin?" Mapanlibak ang tono ni Em. Kalmado lang pero halata kong nainis siya. Nainis rin ako. At kinabahan. Pero higit ang pagkainis ko.

"Ano ba? Hindi sila gan'on. Wag ka ngang bata," nadulas kong sabi. Nadulas, pero hindi ko iyon binalak bawiin. Hindi niya pinansin ang sinabi ko.

"Hindi mo sila susundin kung ayaw mo," aniya, "N'ong uminom ka, 'wag mong sabihin sa'king napilitan ka lang kasi ginusto mo 'yon."

"Em, tumigil ka. Napaka-big deal ba n'on?" naiirita kong sabi. Ayaw ko kasing pinipilit sa akin ang isang bagay na hindi naman talaga totoo. Ayaw kong uminom, kaya nga napilitan lang talaga ako. Hindi ba niya maintindihan 'yon?

"Oo! Kasi sabi mo ayaw mong uminom pero n'ong time na 'yon—"

"Oo na! Gusto kong uminom!" putol ko sa kanya dahil tinaasan na niya ako ng boses, "masaya ka na?!" Tumaas na rin ang boses ko.

"Hindi!" madiin niyang sabi, "Huling pagkakatanda ko kasi sabi mo ayaw mong uminom. Mabilis kang magbago ng gusto? Gan'on?"

"Ano ba?!" Nairita na talaga ako. Umiling-iling lang siya, at tumahimik lang kaming pareho habang magkatabi sa harap ng kalan. Masaya dapat kami noon. Nagluluto siyang pancake na lalagyan namin sana ng chocolate syrup, kaso nasira na lahat dahil hindi ko inasahang magiging ganoon reaksyon niya sa pag-amin ko. Alam ko naman kung saan niya hinuhugot ang pagkainis niya, pero sana man lang...hindi sana siya ganoon. Nakakatakot siyang magalit.

Umakyat ako sa kwarto ko at dumapa sa kama dahil naiiyak na ako. Ang dami-dami ko pa namang pinagplanuhang gawin noon. Kakain kami, manonood ng movie, kakanta. Nasira lang dahil umamin pa 'ko. Nakaka-frustrate. Nakakainis. Unang away namin na grabe 'yon, at hindi ko alam kung anong gagawin. Baka iwan na niya ako? Napaiyak na akong tuluyan dahil sa naisip ko.

Maya-maya pa, naramdaman ko siyang pumasok sa kwarto ko. Bigla akong tumigil sa paghikbi at pinakiramdaman siya. Inayos ko naman ang kwarto ko nang planuhin naming mag-date sa bahay namin, pero nakakahiya pa rin na nasa kwarto ko siya. Umupo pa siya sa may kaliwa ko, sa gilid ng kama. Naamoy ko kaagad ang pancake. Nagutom ako. Masarap kasi siyang magluto ng pancake. Pero hindi ako kumilos.

Nagtaka lang ako, kasi matapos niyang umupo sa gilid ng kama ko, hindi niya ako kinausap o ano man. Sinilip ko siya—at kumakain ang damuho. Nakita niya akong tumingin sa kanya, at kahit ibinalik ko sa pagkakasubsob ang mukha ko, "nakita" ko pa rin ang ngiti niya nang sabihin niya sa'king "Kain na, Mahal ko." Kahinaan ko ang paglalambing niya, pero somehow feeling ko hindi ko pa siya dapat pansinin kaya kumuha ako ng lakas ng pagpipigil sa pamamagitan nang paghigpit ng kapit sa unan. Narinig ko ang paglapag niya ng platito sa tabing table ng kama ko, at naramdaman ko ang mga kamay niya sa balikat ko. Lumapat rin ang labi niya sa ulo ko, at nang magsabi na siyang "Sorry na, Mahal ko," tuluyan nang nawala ang pagkapit ko sa unan, at bumangon ako upang makaupo nang maayos.

Dinampot niya ang platito at sinubuan ako ng isang mouthful na pancake, at pumorma ang bibig niya ng "Sorry." Tuluyan nang nawala ang pagtatampo ko sa kanya. Niyakap ko siya bilang paghingi rin ng sorry, na tinanggap naman niya sa isang yakap din.

-end-

Si Emerson at si LeiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon