Katabi ni Emerson sa pila ang kanyang matalik na kaibigan na si Leia; magbabayad silang installment ng kanilang tuition. Pero, mapagkakamalan nino man na hindi sila malapit sa isa't isa. Bukod sa hindi naman sila madalas magkasama, kapag magkasama sila ay hindi rin naman sila nag-uusap. At iyon ang gusto nila. Natatagpuan nila ang kapayapaan sa katahimikang pumapagitan sa kanila.
Pero, iba ngayon. Hindi mapakali si Emerson na hindi sila nag-uusap. Gusto niyang marinig na magsalita si Leia. Gusto niyang mag-umpisang magkwento. Kahit anong kwento. Basta mabigyan siya ng pagkakataong makausap ito.
"Huy, mukhang hindi ka okay..." Dahil sa sobrang pagyakap ng kanyang isip sa kaibigan, nagulat siya nang bahagya nang mapansin nito ang kanyang pagkagulumihanan.
"Huh? Pa'no naman ako hindi magiging okay?" Bihira siyang sumagot nang malabo. Napagtanto niyang kaluwagan ng turnilyo ang kahilingan na marinig itong magsalita.
"Yan sunod kong tanong sa'yo."
"Wala."
Natapos ang usapan sa pagtanggal ni Leia ng tingin sa kanya. Nanghinayang siya, dahil gusto pa rin talaga niyang mag-usap sila. Pero, pinalagpas niya ang pagkakataon. Hihiling pa sana ulit siya na kausapin siya nito, pero pinigilan niya ang sarili. Naisip niya kasing kung handa na talaga siya, siya na mismo ang gagawa ng paraan para makapag-usap sila. Siya dapat ang gumawa ng paraan para masabi niya kay Leia ang tunay niyang nararamdaman. Hindi na siya nag-isip pang mabuti, at nakapagdesisyunan na siya. Naglakas siya ng loob, "Pero, alam mo Leia, sa tingin ko higit na sa kaibigan tingin ko sa'yo."
Naramdaman niyang lumayo nang bahagya si Leia sa kanya, pero dahil nasa pila ay magkadikit pa rin sila. Gulong-gulo na mukha ang inaasahan niyang makikita rito, pero kalmado lang ito. "Anong ibig-sabihin mo?"
"Mahal na 'ata kita." Pagkasabi noon ay tsaka siya nagbuntong-hininga. Dapat sana ay mauna iyon para naman makapag-isip pa siya nang maayos, pero wala na. Lumakas ang tibok ng puso niya, pero, kahit papaano ay gumaan naman ang kanyang isip.
Si Leia naman ang hindi mapakali.
-end-
BINABASA MO ANG
Si Emerson at si Leia
RomantikSame characters sa iba't ibang setting? Why not? Entry ko sa #Wattys2016 Last month pa dapat 'to pero anong sabi ng psychologists? Planning fallacy! Vote wisely. Comments are appreciated.