Hindi ko alam kung bakit nitong pumasok ako sa college ay naisipan ko na lang bigla na mamudmod ng chocolate sa mga kaklase kong babae tuwing dumarating ang Valentine's Day. Joke lang. Alam ko, syempre. Isang malaking façade lang kasi ang pamimigay ko ng chocolate, isang magastos at malaking kabaitan-kuno dahil sa isang babaeng nakilala ko sa college: si Leia Moran. Una ko siyang nakita sa loob ng room ng unang taon ko sa kolehiyo. Tahimik siya at hindi palakibo, at inisip kong isa siya sa mga kaklase ko na hindi magkakaroon ng social life. Pero nang maging kaibigan ko na siya, at dahil marami siyang nakatagong kalokohan sa katawan, unti-unti kong binawi ang mga una kong komento sa kanya. Tahimik pa rin naman siya at hindi palakibo. Pero kalog siya sa mga kaibigan niya. At pigilan ko man ang damdamin ko, hindi naglaon e unti-unti kong iniregalo ang puso ko sa kanya. Or, at least, sinubukan ko.
Ang una kong subok ay ang ang unang Valentine's Day sa unang taon namin sa university. Iba't ibang uri ng Kisses—plain, may mani, dark chocolate—ang binalot ko sa isang plastic labo para ibigay sa kanya. Kaso, umusog bayag ko kapag naiisip kong iaabot ko sa kanya iyon, kaya kahit may pagkakataon ay either nakatigil lang ako o hinahayaan ko lang iyong makalapagpas. Sa kasamang palad, nakita ni Leia ang balot ng Kisses na nilalabas-pasok ko sa bag, kaya tinanong niya ako kung para kanino iyon na may halong panunukso. Pagkakataon ko na sanang sabihing sa kanya iyon kaso hindi lang basta umurong ang tapang ko, nawala pa! At aba, pinalitan pa ng katorpehan! Sinabi ko na para sa lahat ng girls ang chocolate na iyon, at pinamigay ko nga sa mga kaklase ko. Siya rin naman nabigyan ko, pakonswelo na lang sa sarili ko. Dahil sa sobrang weird ng ginawa ko, napagdesisyunan kong gawin na iyon lagi tuwing Valentine's Day. Hindi ko talaga alam kung bakit, pero siguro sa katangahan ko e naisip kong baka masilip niya ang lihim kong pagtingin sa kanya kung hindi ko iyon gagawin lagi. Hindi ko lang basta hindi masabi, naisipan ko pang gawan ng paraan para itago. Lintik na, napapagastos pa tuloy ako.
At, iyon ang kasaysayan. Kaya halos maubos ang pera ko kagabi para lang bumili ng Kisses para sa mga kaklase ko. At, tapos na akong mamudmod. Tapos na rin ang klase. Tapos na rin ang ika-apat na taon kong pagtatago ng damdamin kay Leia. Pinalagpas ko na naman ang pagkakataon. Pero ngayon, hindi pa kami uuwi ni Leia. Magkasama kami sa mall dahil nagpasama siya sa aking bumili ng regalo. Para kanino? Para naman daw sa lahat ng mga lalaki naming kaklase. Gumagaya sa "charity works" ko. Nang sinabi kong late na iyon para sa Valentine's, aniya lang ay dapat matutong maghintay ang boys. Haay.
Bago siya bumili, naisipan niyang kumain muna. At libre ko. "Kapal mo rin e, 'no?" tugon ko.
"Sige na! Valentine's naman e!" ang pamimilit niya. Hinatak na lang niya ako sa kung saang fast food at doon kumain. Maraming tao sa loob, puro magnonobyo. Nailang ako at naisip kong OP kami ni Leia. But, guess what? Wala namang pakialam sa amin ang mga naroon. Para silang nasa iba't ibang mundo. At hindi naman nagtagal, habang kumakain kami ni Leia ay nagkaroon na rin kami ng sariling mundo.
"Ano bang regalo gusto ng lalaki sa Valentine's, Em?" tanong niya sa kalagitnaan ng pagkain namin ng sphagetti.
"Regalong galing sa babae," sagot ko.
"Tulad ng?"
"Kahit ano. Dahon? Candy? Basta galing sa babae, gusto namin."
"Ano ba 'yang input na 'yan, walang kwenta." Umismid pa siya sa akin. Umiling lang ako. Akala ko e tahimik na kaming kakain nang magtanong ulit siya. "Ano nga, Em? Seryoso."
"Kahit ano nga lang," naiinis kong tugon.
"Specific nga. Pabango? Wax? T-shirt? La—"
"Teka..." Pinutol ko ang paglilista niya ng regalo, dahil naisip kong masyadong mahal ang mga iyon para iregalo sa napakaraming tao. So, naisip ko bigla (na kinainisan ko) na sa isang lalaki lang talaga siya magreregalo. "...lahat kami bibigyan mo ng pabango o t-shirt? Parang ang yaman mo naman bigla."
BINABASA MO ANG
Si Emerson at si Leia
RomanceSame characters sa iba't ibang setting? Why not? Entry ko sa #Wattys2016 Last month pa dapat 'to pero anong sabi ng psychologists? Planning fallacy! Vote wisely. Comments are appreciated.