"Emerson, sige na..."
Eloquence. The art of effective speech.
"Samahan mo na 'ko, please?" Hindi ko alam kung anong mayroon sa pagsasalita mo. Pero, kung ano man iyon, sinusungkit n'on ang konsensya ko kung sakaling hindi ako pumayag.
"Magpasama ka na lang kina Nicole," muli kong pagtanggi, "pag sinamahan na naman kita, lalo tayong tutuksuhin e," huli kong dahilan.
Pero hindi ka pa rin nagpatinag, "Ikaw gusto kong kasama." At, sa tingin ko ay talo na ako. "Tatlong oras lang naman po."
Nagbuntong-hininga na lang ako. "Ano bang papanoorin mo?"
"Natin."
"Okay. Natin?"
"Maghahanap pa tayo." Pagkasabi mo n'on ay agad kang tumayo at umalis sa tabi ko. Pero, agad mo rin akong hinatak at iginiya palabas ng covered court palabas ng school. Wala na akong nagawa.
Habang bumabyahe, inisip kong mabuti ang ikinikilos mo. Madali ka namang lapitan, at nakakausap ka na ng lahat. Pero madalas kang tahimik, at hindi ka lumalapit o kumakausap hanggat hindi kailangan. Ang dating tuloy ay suplada ka. Medyo aloof. At wala masyadong kumakausap sa iyo dahil doon.
Pero, pagdating sa akin, iba ang pakikitungo mo. Pwede kong masabing naiipon ang atensyon mo sa akin, at ikaw pa ang madalas lumapit. Well, kumpara sa paglapit mo sa iba, mas madalas ang paglapit mo sa akin. Ang resulta, napagkakamalang tayo. Nililinaw naman natin sa kanila na wala tayong ganoong relasyon, pero lalo lang tayong inaasar. Hindi ka naman apektado, at ako rin naman e tinatawanan na lang ang mga panunukso nila. Alam ko naman kasing malapit ka sa akin dahil sa isang mas simpleng bagay, kahit pa nalalabuan din ako kung ano iyon. Pero ramdam ko. Nakikita ko kasi sa mga mata mo na may hinahanap ka sa akin. Kung may nararamdaman ka kasi sa akin, makikita ko dapat sa mga mata mo na wala ka nang hinahanap pa...hindi ba?
"Ba't ba 'ko gusto mong sumama sa'yo lagi, Leia?" pukaw ko sa'yo. Wala akong inaasahang romantikong sagot, pero hindi ko pinigilan ang sarili na maglakbay sa posibilidad na iyon.
"Masarap ka kasing kausap," simple mong sagot, habang nakatingin sa labas ng jeep at pinapanood ang mga sasakyan.
"Pa'nong 'masarap'?"
Tumingin ka sa akin at inalayan ng simple mong ngiti, "May reaksyon ka kasi sa lahat ng sinasabi ko."
"Talaga?" Hindi ko pansin iyon. Ganoon nga kaya?
"Yup," tango mo, at muli mong pinanood ang mga umaandar na sasakyan. "Tsaka...ewan, feeling ko sincere ka sa mga sinasabi mo? Hindi nakakawala ng respeto." Mas marami kang sinasabi kaysa sa inaasahan. Dahil—
"Alam mong hindi ako palasalita; ayoko kasing nasasayang sinasabi ko. Madalang lang tuloy akong seryosohin ng mga nakakausap ko," at tumingin ka muli sa akin, "bukod sa'yo. Kaya gusto kitang kausap tsaka kasama."
"Okay," lang ang tugon ko. Bihira ko lang kasing masaksihan ang mahaba-haba mong pagsasalita (yup, mahaba na iyon para sa iyo) kaya wala akong ibang nasabi. Mainam mo iyong tinanggap. Sa susunod mong pagpapasama sa akin, hindi na ako tatanggi masyado.
-end-
.
BINABASA MO ANG
Si Emerson at si Leia
RomanceSame characters sa iba't ibang setting? Why not? Entry ko sa #Wattys2016 Last month pa dapat 'to pero anong sabi ng psychologists? Planning fallacy! Vote wisely. Comments are appreciated.