43. Don't Worry

19 1 0
                                    

Naglalakad kami ni Leia palabas sa premise ng campus. Ilang buwan na rin ang lumipas simula nang gawin namin ito, at noon ay may mahalaga kaming pinag-usapan.

Nagkaaminan kami noon ng damdamin sa isa't isa sa parehong lugar sa parehong paraan, naglalakad nang sabay at mabagal. Pero, na-assess namin noon na hindi pa kami parehong handa sa pagpasok sa isang relasyon at ang pagmamahalan namin ay nasa maling pagkakataon. Kaya, napagkasunduan naming hindi muna mag-usap. Noong una tinanggihan ko ang proposal niyang huwag muna kaming mag-usap, pero sa bandang huli e tinanggap ko na rin ang dahilan niya: "Kung totoo 'tong nararamdaman natin sa isa't isa, hindi 'to mawawala kahit pa hindi tayo mag-usap." Mahalagang usapan noon. Kaya alam kong mahalaga rin ang pag-uusapan namin ngayon.

"Emerson," pukaw niya sa atensyon ko, "nawala na 'yung nararamdaman ko sa'yo."

Hindi na ako nagtaka. "Talaga? That's good," tango ko.

Napansin kong umukit sa mukha niya ang pagtataka, "Okay ka lang ba?"

Tiningnan ko siyang maigi, "Nag-aalala ka ba sa'kin?" Hindi siya sumagot. Ngumiti ako, "Wag kang mag-alala sa'kin."

"Sigurado ka?" pag-aalala pa rin niya. "Sabihin mo muna sa'king okay ka lang." Nasa tapat na kami ng campus kung saan siya naghihintay ng masasakyang jeep.

"Maniniwala ka ba 'pag sinabi kong okay lang ako?"

"Oo." Nakatingin siya sa paparating na jeep.

Nagbuntong-hininga ako. "Okay lang ako. Don't worry."

Inalayan niya muna ako ng kaunting ngiti bago sumakay sa jeep. Pumihit naman ako pabalik sa campus dahil may kailangan pa akong gawin. Pero, hindi pa man ako nakakalayo sa gate, nagawa ko na ang kailangan ko.

Hindi nga mawawala ang isang tunay na pag-ibig, naisip ko. Pinalis ko na ang nangingilid kong luha.

-end-

Si Emerson at si LeiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon