Ilang araw kong pinaghandaan ang araw na ito, ang "ngayon". Ilang beses akong hindi kumain para lang makaipon, at ilang beses akong nagpuntang mall para makahanap ng tamang regalo. Kaarawan mo kasi ngayon. Hindi naman ako papayag na wala man lang akong maibigay sa iyo. At marami akong naisip na pwede kong gawin:
Una kong naisip iregalo ay pagkain. Tapos biglang kumambyo ang ideyang iyon papunta sa isang pangarap na hindi ko maaabot (o maaatim man lang na abutin): isang date. Oo, naisip ko na i-date ka, at huwag mo nang tanungin kung gaano ako katagal nanaginip nang gising sa mga pwedeng mangyari sa date natin. Well, hindi mo naman kasi pinagdiriwang ang birthday mo sa pagkakatanda ko, kaya alam kong wala kang plano ngayon. Pero, nang mapagtanto ko ang ilang mga bagay sa realidad, nagdalawang isip ako. Kung ide-date kita, kailangan ko nang malaki-laking lakas ng loob. Symepre, dahil wala ako niyon, umatras ako sa una kong ideya.
Pangalawa kong naisip ay damit. Madali lang namang makahanap ng damit para sa'yo, dahil hindi ka naman katangkaran—maraming babagay sa iyo. Pero, naisip kong masyado namang personal ang damit; regalong dapat 'yung malapit lang talaga sa iyo ang magbibigay. Tsaka baka isipin mo ay lagi kong tinitignan ang iyong hubog. Hindi ko naman gusto iyon. Kaya ang pangalawang ideya ay isinama ko na sa kinalalagyan ng una kong naisip.
Pangatlo, stuffed toy. "Hmm, mukhang ayos 'yon," naisip ko. Iaabot ko lang naman, at hindi masyadong personal na gamit. Kaya doon na pumayapa ang isip ko. "Bibigyan kita ng stuffed toy." Kaya kahapon, Manila Day at walang pasok, bumili ako n'ong Sunflower na character sa Plants VS. Zombies, dahil alam kong gusto mo iyon. Siniksik ko na lang sa bag ko iyon para hindi ko malimutang dalhin ngayon. At para wala nang atrasan.
At, heto na, vacant natin at himalang wala kang kasama. Mukhang papunta ka sa CR kaya sumunod lang ako sa iyo. Pero lumagpas ka at lumiko pakanan, papunta sa covered court. Umupo ka sa pinakamalapit na pwestong nakita mo; ako naman, umupo malapit sa iyo. Heto na, may pagkakataon na akong ibigay sa iyo ang regalo. Naglakad na ako papunta sa iyo. Lalapitan ka na lang. Kakausapin ka na lang. Iaabot ko na lang ang Sunflower. At matatapos na ang paghihirap ko. Magkakaroon na nang maayos na espasyo sa bag ko dahil matatanggal na ang siniksik kong stuffed toy. At ayon, dahil doon, bigla kong naisip na mawawalan din ng espasyo ang bag mo, at mas malala ay maiistorbo ka lang sa pagdadala ng walang kwentang laruan.
Pero, nakalapit na ako sa iyo, at nakatingin ka na sa akin. Nilakasan ko na lang ang loob ko. "Happy birthday!" sabi ko—wala nang regalo. Ngumiti ka lang sa akin nang tipikal na maganda mong ngiti, at tumugon, "Salamat." Hindi ko kinaya. Umalis ako kaagad, at habang naglalakad palayo ay hindi ko mapigilang ngumiti, kahit pa dama ko ang pagkadismaya at ang lakas ang tibok ng loob ko.
-end-
BINABASA MO ANG
Si Emerson at si Leia
RomanceSame characters sa iba't ibang setting? Why not? Entry ko sa #Wattys2016 Last month pa dapat 'to pero anong sabi ng psychologists? Planning fallacy! Vote wisely. Comments are appreciated.