45. A World-changing View

20 1 0
                                    

Naaalala ko, may nasabi si Lola tungkol sa sumpa sa mga babaeng maganda. Malabo raw silang makahanap ng tunay na magmamahal sa kanila dahil ang lalapit lang sa kanila ay mga insektong maaakit sa kanilang apoy na nagliliwanag at mainit, nang hindi inaalam ang kaluluwa nila ay ang kandilang naglalabas ng apoy—payak at walang arte; hindi napapansin ang kanilang kaluluwa dahil hindi na nga nagliliwanag ay hindi pa mainit, pero siyang pinakaimportante sa katangian nila. Hindi napapansin ng insketo ang kandila dahil nabulag siya sa liwanag ng apoy nito.

Sinabi ni Lola iyon nang makipaghiwalay ako sa nobya ko, si Nicole, na inaamin ko—at walang makatatanggi—na may ibang klaseng ganda. Idinahilan ko ang pakikipaglapit niya sa isang lalaki para hiwalayan siya. Kinumbinsi ko ang sarili ko na minahal ko siya nang tunay, kaso dumating pa rin ang pagkakataong nakayanan ko siyang iwan. At ang tunay na pag-ibig ay hindi nang-iiwan; magkakalayo, oo, pero hindi kailanman mang-iiwan. Kaya ngayon, tanggap ko na ring hindi ko minahal si Nicole. Isa lang akong insektong naakit sa kanyang apoy.

Lumipas ang ilang buwan, nasabi ko sa sarili kong malaya na ako. Bumalik na sa dati ang daloy ng buhay ko noong bago ko makilala si Nicole. Balik sa eskwela ang focus ko. Balik sa barkada at kalokohan. Balik sa mga nakasanayang gawin dati. Isa na akong malayang insekto.

Ang insektong ito, isang gabi pagkatapos ng klase, ay nangating maglaro. DotA ang bumubuo sa pagiging isang gamer ko, at syempre ayon ang hinanap ko nang mangati mga daliri ko. Pumasok ako sa suki kong net café. Halos puno ng customers comp shop, kaya mabilis akong naghanap ng mauupuan. Sa kabutihang palad, nakahanap ako kaagad. Walang inaksayang panahon o kilos ang katawan ko, kaya nayamot ako nang thirty seconds na ay ayaw pa ring magbukas ng computer ko.

Nang may marinig akong magsalita sa bandang kanan ko, "Sira d'yan, kuya." Isang babaeng balot ng grey na jacket at naka-hood ang kumausap sa akin. Nagulat ako, una dahil kinausap niya ako. Pangalawa, dahil naglalaro siya ng DotA. Pangatlo, dahil si Invoker ang hero niya. Pinanood ko ang laro niya, at hindi ko inaasahang maayos siyang nakakapaglaro kahit sobrang hirap ng hero niya. Humanga ako.

Pero, kahit gaano kagaling ang isang player, hindi maiiwasan ang kamatayan. Naramdaman ko ang tensyon sa mga daliri at kamay niya nang pagtulung-tulungan siya ng mga kalaban niya. Ilang saglit lang, namatay na si Invoker. Narinig ko pa siyang magbuntong-hininga.

"Manonood ka lang, kuya?" tanong niya sa akin habang nililibot niya ang mapa.

"Oo ate, ang galing mo e," sagot ko. Napatingin siya sa akin, at nahatak ng paglingon niya ang paningin ko.

Bigla akong napunta sa kalawakan.

Mabilis lang ang pangyayari, pero sa saglit na pagtingin ko sa mga mata niya ay sigurado akong nakita ko ang mga bituwin sa pinakamalinaw nilang anyo. Lumutang ang katawan ko at hindi ako nakahinga.

Hindi ko maiiwas ang tingin ko sa kanya, kahit nakatingin na ulit siya sa monitor. Sobrang ganda niya. O, ewan. Baka insekto lang akong naaakit lumapit sa apoy niya? Kaso, walang insektong mabubuhay sa kalawakan.

"Wag kang manood kuya, minamalas ako," seryoso niyang sabi. Hindi ako nagsalita. Muli siyang tumingin sa akin, at pabirong nagsabi "Joke lang!" Sinundan pa niya iyon ng mahinang pagtawa. At, namatay na nga akong tuluyan.

-end-


Si Emerson at si LeiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon