Kalayaang Hangad

362 13 1
                                    

Maulan. Maaraw. Hindi ko mawari ang takbo ng panahon. Panaka-nakang pag-ulan, pagkunwa'y biglang sisikat ang mahapding sinag ng araw. Wala naman akong magawa upang pigilin ang mabilisang pagbabagong ito.

Sa kahabaan ng lansangang-bayan, binabaybay ko pa rin ang daan patungo sa kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Tumatakbo ako ngunit paminsan-minsa'y naglalakad. Paunti-unti. Pasaglit-saglit. Maalinsangan ang usok na nanggagaling sa mga de-gasulinang sasakyan kaya halos mapapikit ako sa amoy. Nakahawak pa ako sa aking sikmura dahil sa sobrang gutom, ngunit kailangan kong magtiis hanggang makaabot sa aking tunay na tahanan.

Habang naglalakad, naaalala ko ang aking mga pinagdaanan bago makalabas sa impyernong lugar na 'yon, lugar kung saan nasira ang lahat ng mga pangarap ko at lugar kung saan natutunan kong maging matatag.

Unti-unting tumulo ang aking luha habang inaaalala ang mga araw na sinayang ko........

Masaya ang buhay marangya dahil naibibigay ang lahat ng luho ko sa para sa aking sarili. Nag-iisa akong anak kaya lahat ng inaasam ko'y, naibibigay nina mama at papa maliban sa tunay na pagkalinga at presensya.Wala silang ibang ginawa kung hindi ang mahalin at alagaan ako sa paraang nabalot ng salapi, sa paraang nababalot ng kalungkutan at sa paraang ako'y nag-iisa. Nagpapasalamat pa rin ako sapagkat sa kalungkutang binuo ng aking mga magulang, pinunan iyon ni yaya Dorine at Heria.

Si Heria ang laging tumutulong sa akin tuwing nadadapa ako. Siya ang lagi kong kasama kapag may grup works at siya ang lagi kong kasama tuwing magmi-miryenda kami sa kantina. Si Heria ang taong kahit may humahabol na aso sa kanya, hindi pa rin bibitiw hangga't hindi kasama ang kaibigan niya, 'yun ay ako.

Pinilit kong hagilapin ang katotohanang hindi ako matalino dahil wala naman akong magulang na sa aki'y magtuturo. Oras at panahon, ibinuhos nina papa't mama sa pag-iipon ng ginto, nakalimutan na tuloy ako.

Akala ko sapat na. Akala ko malinaw na sa aking mata ang lahat. Ngunit nauuhaw pa pala ako sa atensyon ng mga magulang ko. Gusto ko pa rin ang kanilang pagkalinga tulad ng mga normal na magulang. May pagnanasa pa rin akong makamit kahit katiting ng kanilang oras, ngunit lagi akong bigo.

Sa isang iglap, hindi ko alam na magbabago ang lahat lalo nang tumuntong ako sa pangalawang baitang ng hayskul. Iba na kasi ang naging buhay ko dahil nalipat sa ibang section si Heria. Nawalan ako ng makakausap na nagsisilbing inspirasyon ko. Kailangan ko tuloy mag-adjust at makipagkaibigan sa iba.

Marami agad akong naging bagong kaibigan simula palang ng klase, hindi ko alam kung dahil sa sinabi kong ililibre ko ang lahat ng lalapit sa akin o di kaya'y dahil gusto talaga nilang mapalapit sa akin at maging bahagi ng buhay ko. Hindi naman kasi ako matalino at wala pang muwang sa totoong takbo ng buhay. Nasanay naman kasi akong sa bahay lamang nakatira, guro ang pumupunta.

"Subukan mo lang," sabi ng mga bago kong kakilala. Gusto nilang patunayan ko na kaibigan ko talaga sila. Nakakapanibago. Nakakasabik.

Tatlong salita. Labintatlong letra.

Paulit-ulit itong umuugong sa aking tainga. Hindi ako makatulog dahil sa takot. Takot na baka mawala na lamang ang kanilang presensya tulad ng aking mga magulang. Nais kong kausapin si mama ngunit nakahawak ito lagi ng telepono, may kausap magdamag. Kapag magsasalita ako, nakataas ang kanyang kamay sabay sabing, "Teka. Doon ka muna."

Sinubukan kong tawagin si papang nasa ibang lupalop ng daigdig, naglalakabay at nag-iipon ng salapi't ginto. "Mamaya na." Naghintay ako sa dalawang salita niyang 'yon. Umasa akong sa panahong iyon, makakausap ko na rin si papa sa wakas.

Segundo. Minuto. Oras. Naririnig ko ang bawak tiktok ng orasan. Hanggang sa napagod na ako at muling nabigo sa huling pagkakataong ibinigay ko upang sila'y makausap man lang. Tumulo ang aking mga luha, kasabay ng paglalim ng galit na namukadkad sa aking puso. Bigo akong umakyat sa aking kwarto.

COMPILATION OF SHORT STORIES AND FLASH FICTIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon