Tagatak ang pawis ko habang pinagmamasdan ang cellphone na iniwan ng mga taong hiningan ko ng tulong. Ipinadala na nila ang address na pagpu-pwestuhan namin. Isang oras na lamang ay isasagawa na namin ang plano ngunit hindi pa rin buo ang loob ko.
Sumisiksik ang salitang 'HUWAG' sa aking isipan. Ngunit makita ko pa lamang ang kalagayan ng aking kapatid at pagpapa-opera ni Mama ay nawawalan na ako ng katwiran at paninindigan. Nakasalalay ang pag-asa at kinabukasan nila sa aking gagawin.
Nangako ako sa aking sarili na hinding-hindi ako kakapit sa patalim pero ano ang aking magagawa kung mismong pagkakataon na ang humihingi? Para akong pahulog sa isang malalim na bangin, kakapit ako sa kahit anong bagay para lang huwag mahulog ng tuluyan kahit gaano pa kadelikado, basta may makakapitan lang.
"Mahal labas lang ako kasi- Oh, bakit parang namumutla ka?"
"Wala. Hatid na kita."
"Mahal, hindi naman ako magtatagal. Huwag ka nang magpumilit. Magpahinga ka na dahil may trabaho ka pa, may bibilhin lang ako. Bantayan mo na muna ang kapatid mo."
Alam ko namang hindi ako mananalo laban sa kanya kaya tumango na lang ako. Susundan ko rin naman siya. Hindi ko matiis kaya kinuha ko ang jacket sa sampayan saka lalabas na sana upang sundan siya ngunit tumunog ang phone ko. Sumiklab na naman ang pamimigat ng aking kalooban.
"Tuloy ka 'tol?"
Napahawak ako sa aking noo. Bakit ang hirap sumagot ng oo at hindi? Bakit ang hirap maging mahirap?
"Hoy ungas, huwag mo sabihing 'di ka tutuloy?!"
"Hindi ko yata kaya," pag-amin ko habang pinapanood ang girlfriend ko palayo.
Narinig ko siyang nagmura. "Gago, balik mo na lang 'yang cellphone na pinahiram ko sayo. Wala ka palang kwenta. Ang hina ng loob mo, para kang bakla!"
"Kailangan ko ng pera 'tol pero 'di ko kaya ang gagawin niyo. Kayo na lang."
Sila ang mga lalaking nagbebenta ng mga videos. Nananakot ng mga babae at ginagawan ng masama.
"Tanga ka talaga. Iisipin mo pang maging mabuting tao samantalang mamatay na ang nanay mo?! Papatayin ng paniniwala mo ang pamilya mo!"
Sandali akong natigilan at inisip ang kalagayan ng nanay at kapatid ko.
"Kahit anong kayod, hinding-hindi mo kikitain ang ganoong kalaking pera. Hihintayin ka namin, bahala ka na kung hindi ka dadating. Panoorin mong mamatay ang naghihingalo mong ina," litanya niya bago ibinaba ang telepono. Naramdaman ko ang paghulagpos ng luha sa mata ko.
Nakakagago lang talagang mabuhay. Kahit pinipilit ko nang gawin ang lahat, hindi pa rin sapat. Bakit ganu'n? Kung sino ang gumagawa ng mabuti, halos sila pa 'yung sobrang nahihirapan? Kung sino pa ang gumagawa ng tama at naniniwala sa Kanya, sila pa halos ang nakakaranas ng sobrang sakit? Hindi ba pwedeng patas na lang? Kung sinong gumagawa ng masama, sila-sila na lang ang magkakasakitan at mahihirapan?
Naalala ko tuloy ang sinabi ng labing-isang taong gulang kong kapatid bago na-comatose.
"Huwag susuko kuya. Huwag kang gagawa ng bagay para sa akin kung masama at makakasakit ka ng ibang tao. Mas gugustuhin ko pang mamatay kung kapalit nito ay ang mabuti mong prinsipyo at paninindigan."
Huminga ako ng malalim bago kinuha ang phone na pinahiram sa akin ng aking barkada. Nagtipa ako ng address bago ipinadala sa mga pulis.
"Kung sino ang gumagawa ng kademonyohan, sila ang nararapat makulong. Hindi kayo dapat magpakasasa sa marangyang buhay," bulong ko bago itinago ang cellphone.
Nanatili ako sa tabi ng aking kapatid. Ilang oras ko rin hinintay ang girlfriend ko nang makarinig ako ng malalakas na katok sa pintuan.
Natuod ako sa aking kinatatayuan nang makita ko ang mga pulis na papalapit sa harap ng bahay. Bago pa ako magtago, namataan ko ang taong mahal ko na umiiyak at punit ang damit. Umiiyak niya akong sinalubong ng napakahigpit na yakap. Niyakap ko siya pabalik.
"Muntikan na siyang i-video at gahasain ng isang grupo. Buti na lang at may nag-report sa amin ng address kaya nailigtas namin siya," kwento ng pulis.
Nanlaki ang aking mata. Video? Gahasain? Address?
Bumitaw ako sa pagkakayakap sa girlfriend ko. "Pwede pong makuha ang numero ng nagbigay sa inyo ng address? Please. Gusto ko lang magpasalamat."
Tumango ang pulis bago inilahad ang phone. Pagkabasa ko ng mensahe at pagkakita ko ng mga numero, napapikit na ako.
"I just saved her."
BINABASA MO ANG
COMPILATION OF SHORT STORIES AND FLASH FICTIONS
Short StoryThis book is a compilation of my short stories. Formerly a stand-alone one shot, but I compiled it to make it better^_^ ALLRIGHTRESERVED.