Pinalayas ako sa bahay dahil napilitan akong magnakaw ng bigas. Ang saya ng buhay. Si Tatay na suki ng sandamakmak na botelya sa bahay, hindi nila kayang palayasin. Samantalang ako na nagpupursiging buhayin ang mga kapatid ko, isang pagkakamali lang, pinalayas agad.
Ang girlfriend ko naman, ayun, may kasama nang iba habang kami pa. Ang sarap magmura. Ang saya-saya talaga ng buhay ko, sobra.
"Lintik lang 'tol, ang drama ng buhay ko. Pwede na sa MMK," hinaing ko bago itinungga ang bote ng alak. Ngayon lang ako iinom dahil hindi ko na kaya ang sobrang kamalasan sa buhay.
Buti pa itong kaibigan ko, laging nasa tabi ko at masaya. "Salamat 'tol. Pagpasensyahan mo na dahil lagi na lang problema ang sinasabi ko sa 'yo."
Natawa siya sabay tapik sa aking likod. "Okay lang 'yan, pasalamat nga ako dahil naalala mo pa ako. Kung wala ka pang problema, 'di mo pa ako maalala."
"Pagpasensyahan mo na ako 'tol, dami ko kasi talagang inaatupag tapos sandamakmak din ang kamalasan ko. Buti ka pa, nakakayanan ang lahat."
Tumawa ulit siya. Buti na lang lagi siyang game kapag nagyayaya ako. Alam niya kasing kailangan ko siya. Bilib din talaga ako sa kanya, kahit na hindi niya ako madalas nakikita at nakakasama, hindi niya pa rin ako makalimutan. Pakiramdam ko pa nga, siya ang pinakamabuting tao na nakilala ko. Ang tibay rin niya pagdating sa mga suliranin sa buhay. Sana katulad ko na lang siya na matibay. Sana mayaman na lang din ako.
Kinabukasan, nahimasmasan na ako. Desidido na akong pagbutihin ang sarili kong buhay. Inayos ko ang pinag-inuman namin ng kaibigan ko.
Hinanap ko siya sa loob ng kanilang bahay. Iniwan pala niya ako rito sa guest room. Habang naghahanap, nahagip ng mata ko ang napakaraming papel sa tabi ng kanyang gitara. Lumapit ako rito at binasa ang isang papel malapit sa aking paanan.
"Bakit ganito? Bakit mag-isa ko na lang? Tinanggap ko noong nakulong ang ama at kapatid ko. Tinanggap ko noong namatay ang aking ina. Tinanggap kong na-expel ako sa sarili kong eskwelahan. Tanggap kong hindi para sa akin ang babaeng mahal ng kaibigan ko. Tanggap kong nasira na ang pangarap kong maging gitarista dahil nabali ang buto ng mga daliri ko. Pero ang hindi ko matanggap, bakit Mo ako binigyan ng sakit?! Hindi pa ba sapat na mag-isa kong kinikimkim ang lahat? Hindi pa ba sapat na ginagawa ko ang tama?!"
Nahulog ang papel na hawak ko dala ng nerbyos at sakit na dala ng kanyang mga isinulat. Tila binagsakan ako ng pagkamuhi sa aking sarili. Wala pa pala ang problema ko kumpara sa kanya. Ang tibay niya. Hindi man lang ako nagtanong kung ano nang nangyayari sa kanya. Wala man lang akong alam.
Naglakad ako papunta sa dati naming tambayan— sa kwarto niya. Napansin kong nakaawang ang pinto.
"'Tol, bakit hindi mo—"
Nawalan ako ng boses pagkakita ko sa kanya. Akala ko siya na ang pinakamatibay.
Akala ko lang pala dahil may mas matibay kaysa sa kanya.
Mas matibay ang lubid na nakatali sa kanyang leeg habang buhat-buhat siya.
BINABASA MO ANG
COMPILATION OF SHORT STORIES AND FLASH FICTIONS
Short StoryThis book is a compilation of my short stories. Formerly a stand-alone one shot, but I compiled it to make it better^_^ ALLRIGHTRESERVED.