Naalala ko pa ang araw na 'yon— kung gaano ako kasaya dahil muli kong naipanalo ang aking hinahawakan na kaso. Walang depensa ang suspek, napakadaling natapos dahil lahat ng maaring ebidensya ay nailatag.
Namimili ako ng ipapasalubong sa aking anak nang mamataan ko ang isang batang lalaki na nakatingin sa mga laruang nakahilera. Tantya ko, nasa labing-isang taong gulang pa lang. Nakasuot ng maruming kamiseta at short. Bilang ina, nakaramdam ako ng awa.
Naramdaman niya marahil ang aking pagtitig, nagtaas ito ng mukha. Nginitian ko siya ngunit napansin ko kaagad kanyang mga mata— matang tinakasan na ng kawalang-malay. Ang sulok ng kanyang mga labi ay naglalarawan ng isang lihim na kasuklaman sa mundong kanyang ginagalawan. Nahabag ako sa kalagayan niya, tila ba pasan na nito ang bigat ng daigdig.
Lalapitan ko na sana siya nang bigla itong naglakad palayo mula sa aking kinaroroonan. May kung anong pwersa ang nag-udyok sa akin na siya ay sundan. Paglabas ko ng mall, nakita ko siyang nakisiksik sa napakaraming tao sa labas. Nagulat ako nang biglang nagkagulo ang mga tao, kasabay nito ang pagtama ng aming paningin ng bata.
Naririnig ko ang mga sigaw ng tao na may nadukutan. Hindi nila napansin ang batang palayo. Sinundan ko ito habang pasimpleng naglalakad sa makitid na bangketang patungo sa ilalim ng isang tulay.
"Teka lang bata!" sigaw ko nang binilisan nito ang paglalakad. Napansin ko ang pitaka sa kanyang kaliwang kamay. "Tumigil ka!"
Hindi siya sumagot. Maya-maya pa, naabutan ko na siya, magkapanabay na kaming naglalakad. Ilang sandaling namuo ang katahimikan hanggang sa ako'y nagsalitang muli. "Bakit mo ginawa 'yon?"
Nanatili itong walang kibo. Gusto ko na sanang tumawag ng pulis ngunit makita ko pa lang ang gutay-gutay niyang tsinelas at damit, hindi ko na magawa.
"Ipapahuli niyo ba ako?" bigla nitong tanong sabay hinto at bumaling sa akin.
"Makakabuti ba sayo? Hindi mo na ba uulitin kung ipapahuli kita?"
Nanuot sa aking mga buto ang poot na nanggagaling sa kanyang mga mata. Tumatagos sa aking katauhan ang kanyang masusing titig. "Kung ipapahuli niyo ako, ngayon na."
"May pag-asa ka pa. Halika, sumama ka sa akin."
Umiling siya. "Matagal nang kinuha sa akin ang nag-iisa kong pag-asa." Nanungaw sa kanyang mata ang isang mahiwagang galit.
"Ano ba ang nangyari sayo at sa lansangan ka nakatira bata? Bakit ka nagnanakaw? Hindi ba tinuro ng magulang mo sa iyo na—"
Natigilan ako nang lalong sumiklab ang galit sa mga mata niya. Ang kanyang mga tingin ay nagpahayag na sumaling ako sa isang bagay na hindi dapat panghimasukan.
Ang pananaw ko kasi, lahat ng batang napariwara sa lansangan ay iniwan ng walang kwentang magulang.
"Patay na ang tatay ko," bigla niyang tugon. Ang kanyang mata ay nagsimula nang mamula. "Itinali. Pinahawak ng plastik na may parang pulbo. Pinatay sa harap namin ni Inay."
Nais kong magsalita. Nais kong magtanong ng napakaraming bagay tungkol sa kanya. Ngunit tila napuno ang aking dibdib. Walang salitang gustong kumawala sa aking bibig.
"Lumaban ako, ngunit pinaghiwalay kami ni Nanay. At itong pera na 'to?" Itinaas niya ang pitakang, kanina'y dinukot niya. "Ang perang ito ay gagamitin ko para ho maitakas si Nanay. Wala siyang kasalanan."
Lumandas na ang kanyang mga luha na kanina pa niya pinipigilan. "Siya na lamang ang natitira sa akin. Mabait ang nanay ko. Sa sobrang bait niya.... sa sobrang bait niya ho, pumayag siyang akuin ang pagpatay sa tatay ko para mabuhay ako."
Unti-unting nadurog ang puso ko sa kanyang mga sinasabi. Waring sinasaksak ng paulit-ulit ang aking puso. Parang pamilyar ang kanyang kwento.
Tumingin siya sa akin sabay kuha sa aking palad na aking ikinagulat. Ang luha niya'y hindi na magkamayaw. Inilagay nito ang perang laman ng pitakang kanyang ninakaw saka ito binitawan.
"Maaari na po ba 'yan?"
"Hah?" Tila nablangko ang aking utak. Hindi ko agad nakuha ang nais niyang ipahiwatig.
Ngumiti siya ng mapait. "Ikaw po ang nakita kong tagapagtanggol sa lalaking nagdiin kay nanay. May ibinigay siya sa iyo na pera. Naisip ko, baka ho gusto niyo rin itong pera na ibibigay ko, maaari bang nanay ko naman ang ipagtanggol niyo?"
Natuod ako sa aking kinatatayuan. Nanginig ang aking buong pagkatao. Ito ang anak ng babaeng idiniin ko sa hukuman?
"Nagmamakaawa po ako.... Kahit araw-araw akong magbibigay ng pera, gagawin ko. Ayoko na pong mabuhay sa lansangan na mag-isa... Si Inay, kailangan ako ni Inay. Gusto ko na siyang mayakap...," paulit-ulit nitong hikbi na nagpalambot sa puso ko. Bumuhos ang masaganang luha sa aking mga mata.
Hanggang ngayon, naaalala ko pa. Mali pala ang larong pinasukan ko noon. Isang laro ng tadhana na ang hirap tanggapin. Isang laro na pinagsisisihan kong ipanalo. Hindi pala lahat ng pagkapanalo ay masaya, mayroon din palang dudurugin ka. At hindi pala lahat ng ebidensyang nakikita ng mata ay 'yun na. Sa labas nito, may kwento pa pala.
BINABASA MO ANG
COMPILATION OF SHORT STORIES AND FLASH FICTIONS
Short StoryThis book is a compilation of my short stories. Formerly a stand-alone one shot, but I compiled it to make it better^_^ ALLRIGHTRESERVED.