Napapitlag ako sa biglang pag-iyak ng aming bunsong kapatid na nasa kabilang kwarto. Tumingin ako sa orasan, alas-tres ng madaling-araw. Nakauwi na pala sila galing kila lola.
Shit lang. Kung kailan kasarapan ng tulog ko, saka naman ngumawa si bunso. Sigurado akong kawawa na naman si mama sa pagpapatulog sa kanya. Kung bakit ba naman kasi wala pa rin si papa hanggang ngayong oras. Nagtratrabaho na naman siguro.
Nakakayamot. Puyat na puyat pa naman ako kaka-review para sa bar exam kagabi tapos binulabog pa ang kakapiranggot kong pamamahinga. Nakakainis na bata. Kung bakit ba naman kasi nag-anak pa ang mga magulang ko.
Dahil sa kabwisitan, tinakpan ko na lang ng unan ang aking tainga. Nakakarindi.
Baka mahuli na naman ako sa review bukas kung hindi pa titigil si bunso. Sobrang istrikto pa naman ni papa. Kapag nahuli akong papasok, bubulyawan at bubugbugin ako. Kahit pag-uwi ko, kailangan may curfew. Kahit barkada, ayaw niyang magkaroon ako.
Nakakasakal. Lalo siyang naging mahigpit noong naging girlfriend ko si Helga, halos sakalin niya ako. Hindi niya alam na sa sobrang higpit ng pagkakahawak niya sa kalayaan ko ay nakagawa ako ng bagay na lalo niyang ikakamuhi.
Pipilitin ko na sanang matulog nang marinig ko ang napakalakas na pagtunog ng aking cellphone.
"Ano?!" nairita kong sagot nang makita sa screen ang pangalan ni Helga. Narinig ko ang paghikbi niya.
"Wow! Salamat sa pagbati hah? Gusto ko lang naman ipaalam sayo na patay na ang anak natin. Ito naman 'yung gusto mo 'di ba? Ang ipalaglag ang nabuo sa tiyan ko?" Puno ng hinanakit ang boses niya. Dahil sa iritasyon, ibinaba ko agad ang phone. Kasalanan niya rin kung bakit siya nabuntis. Hindi siya nag-iingat. Pinapayuhan ko siya ngunit sigurado raw siyang lagi itong safe. 'Yun pala'y hindi. Wala akong pakialam kung patay na ang anak namin, ilang linggo pa lang naman. Hindi pa isang ganap na tao.
Muli kong tinakpan ang tenga ko nang magsimula na namang umiyak ang aming bunso. Isa pa 'tong dahilan kung bakit ayoko pang panindigan ang pinagbubuntis ni Helga. Masyadong maiksi ang pasensya ko sa nga bata.
Ilang minuto kong pinilit matulog hanggang sa may tumawag na naman. Nakakayamot. Pagtingin ko sa screen, tumatawag si mama. Kinabahan ako dahil nasa kabilang kwarto lang naman sila, baka may nangyari kay bunso.
"Ma?"
"Pasensya ka na anak kung 'di kami makakauwi ni bunso d'yan sa bahay. Kasama ko na ang papa mo. Pakisara ng mabuti ang pinto."
Naibagsak ko ang cellphone na aking hawak. Pinagsakluban ako ng nerbyos at takot. Nanlamig ang aking mga kamay at paa habang iniisip kung ano ang narinig ko kaninang ingay.
Lalo akong nanginig nang muli kong marinig ang sunud-sunod na pag-iyak ng bata sa kabilang kwarto. At sa kauna-unahang pagkakataon, may tumulong luha mula sa aking mga mata.
(Kapag ginawa ang isang bagay, panindigan o itama mo. Harapin ito nang buong-buo.)
BINABASA MO ANG
COMPILATION OF SHORT STORIES AND FLASH FICTIONS
Short StoryThis book is a compilation of my short stories. Formerly a stand-alone one shot, but I compiled it to make it better^_^ ALLRIGHTRESERVED.