Alaala (A4Day15)

1.5K 122 33
                                    

"Naaalala ko pa noon. Dito kita unang dinala para mag-date tayo," nakangiting bulas ni RJ habang nakatingin sa kawalan. "Pagkatapos yun ng finals natin nun sa law, tandang tanda ko pa."

"And then?"

Binaling nito ang tingin sa kausap na dalaga at lalo pang ngumiti, ang biloy nito sa kaliwang pisngi - lalo pang lumalim.

"Hindi mo na ba maalala? Nagmamadali ka pa nga nun. Tumatakbo ka pababa ng college mo. Muntikan ka pa ngang madulas kasi excited na excited kang mag-date tayo..."

//

"RJ! Ooops! Jusko... Muntikan na 'ko dun, ah."

"Uy, Meng! Dahan dahan naman kasi at baka madulas ka!" nakatawang bati nito sa dalaga na nagmamadaling bumaba ng hagdan para makarating sa kanya. "Ano? Ready ka na? Tapos na ba Law finals?"

"Yes! Sana maipasa ko yun. Grabe, ang sakit nya sa bangs! Paano na lang pag sa bar na. Shet - sana kayanin ko yun! Nga pala - san ba kasi tayo pupunta?"

"Naku, Meng. Ikaw pa ba," sagot ng binata habang nagsimula na silang maglakad papunta sa kotse nito. "Kayang kaya mo yang bar! Easy lang sayo yun."

"Nagsalita ang palaging uno sa mga subjects," tugon ni Meng. Sumakay na ito sa kotse ni RJ matapos itong pagbuksan ng binata ng pinto at inakay papasok.  "So - san nga tayo pupunta?"

"Secret."

Natawa ang binata ng pagkalakas-lakas ng biglaan syang hinampas sa braso ng dalaga pagkasakay na pagkasakay nito sa kanyang kotse. "Dali na, RJ! 'To naman, eh. Saan ba kasi? May pa-suspense ka pang nalalaman. You know I'm not much into surprises!"

"Secret nga!" tawang-tawang sagot ni RJ sa biglang nakasimangot at nakahalukipkip na Meng. "Basta, sigurado akong magugustuhan mo. Mahilig ka sa isaw, sisig at sinigang diba?"

Kuminang ang mga mata ng dalaga ng mapagtanto nito kung saan sila pupunta. "Oh my gosh! Kina Mang Larry ba tayo pupunta?! RJ - hindi nga? Uy! Grabe! Ang galing mo naman. Paborito ko dun!"

"Kita mo 'to," kunwa'y pagtatampo naman ni RJ habang nagmamaneho ito patungo kina Mang Larry. "Hindi na tuloy surprise."

"Ieeeehh... Wag ng magtampo," baling ni Meng sabay biglaang mabilis na halik sa pisngi ni RJ na syang ikinagulat ng binata bago ito bumalik sa pagkakaupo. "Tara na! Bilisan mong mag-drive! Gutom na ako!"

//

"Tuwang-tuwa ka nun pagdating natin kina Mang Larry. Lahat na lang ata inorder mo," sambit ni RJ habang marahang natatawa at umiiling. Mas kuminang ang mga mata ng binata habang inaalala ang nakaraan nila ng kanyang kasintahan. "Pero syempre, hindi mawawala ang paborito nating sisig at sinigang. Parang ngayon. Ganito rin yun, eh. Sisig din at sinigang. Every time pupunta tayo dito - hindi mawawala itong mga ito. Buti na lang talaga, unlimited rice dito."

//

"Meng, susmaryosep! Hinay-hinay naman sa kanin! Baka mabulunan-- oh, ayan na nga ba sinasabi ko, eh. Eto tubig! Dali!"

Dali-daling uminom ang dalaga mula sa baso ng tubig na inalok sa kanya ni RJ. "Wag ka ngang magulo, RJ. Gutom ako ok?" sagot nito sa kanya habang sumusubo ulit ng kanin at sisig. "Bakit ikaw? Ayaw mong kumain?" dagdag pansin nito ng makitang hindi kumakain ang binata sa harap nito.

Nakangiti lamang si RJ kay Meng habang pinagmamasdan ang kumakaing dalaga. "Tingnan lang kita, busog na 'ko. Sarap mong panooring kumain, eh."

"Grabe sya!" wika ni Meng habang ngumunguya. Ibinaba nito ang kanyang sariling kutsara at tinidor bago kinuha ang plato ng kanin at nilagyan ang plato ni RJ. Sumandok din ito ng sabaw mula sa mangko ng sinigang at sinabawan ang kanin nito. "Kumain ka kaya, RJ. Ang dami nito, oh!"

"Ayos nga lang ako."

Tiningnan siya ni Meng at nagbanta, "Sige ka. Pag di ka kumain - di kita sasagutin."

Natigilan si RJ ng marinig ang biglaang sinambit ng dalaga. "Anong sabi mo?"

"Walaaaaaa... Kumain ka na nga lang!"

"Meng - hindi nga? Tama ba yung narinig ko?"

"Ano bang narinig mo?"

Tumabi bigla si RJ kay Meng at ngumiti ng pagkalaki-laki. "Na kailangan ko lang kumain para sagutin mo 'ko?"

"Tingnan mo 'to. Eh narinig mo naman pala, eh," mahinang tugon ni Meng habang patuloy sa pagkuha ng sisig upang ilagay sa kanyang plato. "Magtatanong pa-- uh, RJ?"

"Grabe! Oo nga, ang sarap nitong sinigang! Oh, Meng - kumakain na ako ha?" bulas ni RJ sabay subo ng malaki habang tinataas-baba ang kilay.

Natawa na lamang ang dalaga sa makulit na inaarte ng binata.

//

"Pagkatapos nun - nung hinatid na kita sa inyo, saka ko na narinig ang matamis mong oo," mahinang sambit ni RJ. Kinuha nito ang kamay ng dalaga na nasa harapan niya at hinaplos ito. "Isa sa pinakamasayang araw yun ng buhay ko, Meng... Hinding hindi ko yun makakalimutan..."

//

"So..."

"Uhm..."

"Pasok na ako, ha? Salamat ulit sa kanina," mahinang wika ni Meng habang nakatungko ito at tila hindi matingnan ng diretso ang binatang nakatayo sa harapan nya. Nasa harapan na sila ng gate ng bahay ni Meng at nagpapakiramdaman kung ano ang kanilang mga sasabihin.

"May nakakalimutan ka, ata," unang pagsasalita naman ni RJ habang dahan-dahang hinawakan nito ang baba ng dalaga para matingnan ang mga mata nito ng diretso. "Sabi mo kanina, sasa--"

"Oo."

"Ha?"

"Oo na nga."

"Ano ulit?"

"Eto naman! Ipapaulit pa, eh! Narinig mo naman," pagrereklamo ni Meng. "Baka gusto mong bawiin ko!"

"Uy, wag!" natatawang sagot ni RJ bago nito kinuha ang kamay ng dalaga at hinalikan ang likod nito. "So... Girlfriend na kita?"

"Oo nga! Kulit mo!"

"YES!!"

"Grabe sya! Parang akala mo nanalo sa lotto!"

Biglaang niyakap ni RJ si Meng at hindi inaasahang napaigik ang dalaga sa inasta ng binata. "Nanalo naman talaga ako, eh. Ikaw yung napanalo ko..."

//

"At simula noon, palagi na tayong nagcecelebrate ng anniversary natin dito kina Mang Larry. May ilang taon na rin na palagi tayong pumupunta dito, Meng..."

"Dad..."

Biglang natigilan si RJ sa kanyang pag-aalala ng nakaraan at ibinaling muli ang kanyang paningin sa dalagang nasa harapan nya. Hinaplos nito ang kanyang kamay na hindi nya maalala na hinawakan nya pala habang nagkukwento sya.

"I miss mom, too..."

Dahan-dahan namang napangiti si RJ at di inaasahang tumulo ang luha nito sa sinambit ng dalaga.

"Haaay... Athena..." napabuntong-hininga na lamang si RJ. "Kamukhang-kamukha ka talaga ng mommy mo."

"I know dad... I know..."

Happy 40th anniversary, Meng...

Mahal... Miss na miss na kita. Sobrang miss na kita...

Dibale, malapit na ulit kitang makita. At muli tayong babalik dito. Magkasama na...

MGA PAKIWARI AT PAGMUMUNI-MUNI (An AlDub Collection of Poems and Short Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon