Mama (A4Day19)

1.2K 117 29
                                    

"Sshhhh... Tahan na, tahan na. Nandito na si mama. Sshhh..."

Naalimpungatan ako ng marinig ko ang malamya at mahinahon mong tinig. Paglingon ko sa kaliwa ko ay napansin kong wala ka na sa aking tabi. Dahan dahan akong umupo sa ating kama at pupungas-pungas pang pinunasan ang aking mga mata habang hinahanap kung saan nanggagaling ang boses mo.

"Mahal?" mahina at aantok-antok kong tanong.

Namataan kita sa kabilang dako ng ating kwarto. Kung nasaan naroon ang tulugan ng ating bagong anghel. Nilingon mo ako at nginitian, kahit na bakas na sa iyong pagmumukha ang pagod at puyat. Hindi ko pa rin naiwasan ang ngumiti pabalik. Dahil sa kabila ng pagkapagod mo bilang isang bagong ina, mas nangingibabaw pa rin ang taglay mong kagandahan.

"I'm sorry, love. Nagising ka ba namin?"

Umiling ako at akmang tatayo na upang puntahan ka ngunit pinigilan mo ako.

"Tulog ka na ulit. Ito kasing si Siegfried biglang nagising. Gusto lang ata ng hele ni mama," dagdag mong sabi bago mo tiningnan ang ating anak na yakap yakap mo sa iyong mga bisig. "Diba, baby? Gusto mo lang si mama, ano? Sshhh... Oo, tahan na. Tahan na. I'm already here. Dito lang si mama..."

Maya maya lamang ay inugoy mo na si Siegfried at kasabay nito ang pagkanta mo sa isang tonong akala ko hindi ko na maririnig pa simula ng mawala...

Siya...

"🎶 Sana'y di magmaliw ang dati kong araw,
Nang munti pang bata, sa piling ni nanay..."

Natigilan ako at di inaasahang napakapit sa unang nasa tabi ko. Hindi ko inaasahang maririnig ko pa muli ang kantang iyan. Napapikit tuloy ako at marahan kang pinakinggan, habang patuloy ka naman sa paghele at paghumingig sa unti unti ng inaantok na Siegfried. Hindi ko naiwasang mapabuntong hininga ng bigla bigla akong sinalubong ng iba't ibang alaala...

//

"Tisoy, bakit? Anong problema?" tanong ni Rio ng marinig nya na dahan dahang bumubukas ang pinto ng kwarto nilang mag-asawa. Biglang tumambad sa kanya ang imahe ng isang batang lalaki na naka-sando at short na pantulog at humihikbi.

"Hindi po ako makatulog, Mama," hikbing sagot naman ni RJ, ang anak nila na nakatayo sa may pintuan habang pinupunasan nito ang mga lumuluhang mata.

"Sino ba yan?" antok na tanong naman ni Richard, asawa ni Rio at siyang tatay ni RJ. "Gabing-gabi na, ah..."

"Wala, si RJ lang. Matulog ka na ulit."

"Hay naku. Ang gusto lang ng anak mong iyan eh - ang kantahan mo siya bago siya matulog."

Natawa na lamang si Rio sa aantok antok na sambit ng asawa. "Si Mr. Sungit ka talaga kapag naalimpungatan." Tumayo ito at nilapitan ang anak na humihikbi pa rin sa may pintuan. "Tara na, Tisoy. Balik tayo sa kwarto mo. Ano bang nangyari at hindi ka makatulog?"

"Nanaginip po ako ng masama, eh," pabulong na sagot ni RJ habang inaalalayan sya ng ina sa paghiga sa kanyang kama.

"Ay ganon ba?" marahang tugon naman ni Rio. "Nakapagdasal ka ba bago matulog?"

Pinamulahan ng mukha naman si RJ at dahan dahang umiling.

Napangiti ang ina nito habang umiiling din. "Ayan na nga ba ang sinasabi ko, eh. Ano bang sabi ko sa'yo diba? Na palagi ka dapat na--?"

"Magdasal at magpasalamat sa Diyos sa araw na binigay Niya sa atin bago matulog."

"Tama, anak. O sige nga - tara na't magdasal para makatulog ka na rin ng mahimbing," yaya nito kay RJ bago sila nagsabay na yumukod at nagpasalamat sa Maykapal sa mga biyayang natamasa nila ng araw na iyon.

Matapos ang kanilang pagdarasal ay hinaplos haplos ni Rio ang ulo ni RJ. Isa ito sa mga bagay na nagpapakalma sa bata at nakakatulong rin na magpatulog sa kanya.

"Mama?"

"Ano iyon, Tisoy ko?"

"Pwede mo po ba ako ulit kantahan?" nahihiya pang hiling ni RJ sa ina.

Marahang natawa naman si Rio bago ito nagsimulang humingid. Isinara naman ni RJ ang kanyang mga mata at ninamnam ang malamig at malamyang boses at tinig ng kanyang nanay na noon ay nagsimula ng kumanta.

"🎶 Sana'y di magmaliw, ang dati kong araw
Nang munti pang bata, sa piling ni nanay
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal -
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan,

"Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin
Sa piling ni nanay, langit ay buhay
Puso kong may dusa, sabik sa ugoy ng duyan. 🎶"

//

"Mahal?"

Napadilat muli ako at aking napagtanto na nasa tabi na pala kita at dahan dahang hinahaplos ang aking ulo at leeg.

"O, si Sieg? Tulog na?"

Tumango ka naman at ngumiti. "Akala ko nga pati ikaw nakatulog na ng nakaupo. Masan ka pa naman."

Marahan akong natawa. "Hindi naman. Nagulat lang kasi ako at alam mo yung..."

"Alin?"

"Yung kinakanta mo kanina kay Sieg."

"Ahhh... Yung Sa Ugoy Ng Duyan?" nakangiti mong tanong sabay hagod ng marahan sa aking likod. "Kinakanta rin kasi sa amin iyon ni Nanay nung mga bata kami."

"Talaga?"

"Yep. Lalo na kami ni Dean. Pampatulog namin iyon. Alam mo na, mga bunso kasi."

Napangiti muli ako at natawa sa sinagot mo. "Huli ko pa kasing narinig yun nung..."

Hindi ko na natapos bigla ang aking sasabihin. Tila napigilan ako ng mga alaalang nakakabit sa kanta na iyon. Napabuntong hininga na lamang ako at napahimlay sa iyong kandungan. Patuloy pa rin ang paghagod at paghaplos mo sa aking ulo at buhok, bagay na lalong nagpaalala sa akin tungkol sa kanya. Pumikit ako at napahalinghing.

"Namimiss ko pa rin siya," bulong ko.

"Alam ko," marahan mo namang sagot. "Sana nga eh - maging tulad ko siya. Para mapalaki ko rin si Siegfried na gaya mo."

Idinilat ko ang mga mata ko at tinitigan ka. Kinuha ko rin ang kamay mo at mataman kong hinalikan ito. "Ipinagdasal kita, alam mo ba 'yon - Menggay ko? At alam kong ikaw rin ang ibinigay Niya talaga para sa akin. Pero malakas din ang kutob ko na si Mama eh - humingi rin ng pabor sa Kanya para ikaw ang maging katuwang ko sa buhay."

Napatawa naman kita sa huli kong sinabi. Yumukod ka tuloy at binigyan ako ng isang matamis na halik sa aking mga labi. "I love you, Tisoy ko."

Lumaki lalo ang ngiti ko ng marinig ko iyon mula sa iyo. Tama nga talaga ako. Talagang bigay ka nga rin sa akin ni Mama.

"Mahal din kita, Menggay ko. Mahal na mahal."

//

A/N: Unbeta'ed as always. Please be kind to me. Windangers ang aking Tagalog dito at feeling ko may pagkasabaw ito. Jusko 😓

MGA PAKIWARI AT PAGMUMUNI-MUNI (An AlDub Collection of Poems and Short Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon