Iskolar Ng Bayan (A4Day17)

1.4K 119 39
                                    

"Iskolar ng bayan! Ngayon ay lumalaban!"

Matagal na kitang nakikita. Simula pa nung mga freshies pa lang tayo. Lalong lalo na kapag mga ganitong may rally na biglaan. Isa ka sa mga nangunguna na makasama sa mga ganitong protesta. Narinig ko nga na sinabi mo dati - "Anupa't naging iskolar ako ng Pilipinas kung hindi ko naman ibabalik ang pinang-aral ko para sa bansa?"

Nung marinig ko yun sayo, lalo kitang hinangaan.

"Ngayon ay lumalaban! ISKOLAR! NG BAYAN!" sigaw mo habang nakataas ang iyong kanang kamao.  Pinagmamasdan lang kita mula sa aking pwesto habang hindi ko mapigilan ang mangiti habang tinitingnan ka.

Dapat nakikisigaw din ako. Dapat nakikisama din ako sa mga ginagawa ng mga kasama natin sa rally na ito. Dapat nakikibaka rin ako tulad ng ginagawa mo.

Pero hindi naman kasi talaga yun ang pinunta ko dito, eh...

Oo na. Sige na. Aaminin ko na.

Ikaw kasi ang rason kung bakit ako nandito.

Gusto lang kasi talaga kitang makita.

Magka-course tayo. Pero di tayo magka-block. Pero nung mga second day pa lang nung freshmen tayo - nahumaling na agad ako sayo. Tanda ko pa nun, nagmamadali ka papasok sa Kas I classroom na katabi ng Hum I room ko noon. Parang mahuhuli ka na nun sa klase kaya hindi ka na tumitingin talaga sa kung saan ka dumadaan. Kahit na may oras pa naman bago magsimula ang klase - tumatakbo ka na.

Nabangga mo ako nun. Sabi mo pa nga sakin gamit yung malambing mong boses, "Ay sorry! Excuse me pero male-late na kasi ako eh. Sorry talaga! Di ko sinasadya!"

Nahulog kasi yung dala kong mga ilang photocopied readings nun tapos tinulungan mo akong pulutin silang lahat.

"H-hindi, ayos lang," sagot ko naman sayo na medyo nauutal-utal pa ako nga konti. Hindi ka na sumagot pero matapos mong ibigay sakin yung mga nahulog kong papel, nginitian mo ako.

Nanlaki ng konti ang mga mata ko dahil bigla akong nabighani sa kung gaano kaganda ang aliwalas ng mukha mo kapag nakangiti ka.

"Uy, sorry talaga ha? Sige - una na ako. Bye!"

Tapos pumasok ka na sa klase mo.

Panandalian akong natulala noon sa corridor ng 4th floor AS Building dahil hindi maalis sa isip ko yung ningning ng mga mata mo habang iginayak mo sa akin ang matamis mong ngiti. Kung hindi pa pumasok sa likod ko yung prof - malamang buong umaga akong mukhang timang sa corridor na yun na nakatanga lang at nakatunganga.

Mula noon - lagi ko ng inaabangan ang Martes at Huwebes na pangumaga kong klase para lang masilayan ka. Hindi tayo nagkakilala ng semestre na yun kasi nga magkaiba tayo ng block. Pero sapat na sakin noon ang makita ka ng ilang minuto o kahit nga segundo lang - dalawang beses sa isang linggo.

Noong tumuntong na tayo ng ikalawang semestre - doon tayo nagkaroon na ng klase ng magkasama. Sa wakas - nang dahil sa isang major subject na kung saan dalawa lang ang nagbukas na klase kaya mas lumiit ang tsansa na maging magkaklase tayo. Buti na lang at iisang kurso ang kinuha natin pareho. Naging magka-partner pa nga tayo, eh.

"Nicomaine. Pero pwede mo akong tawaging Maine na lang. Ikaw? Anong pangalan mo?"

"Uh, ano. R-Richard. Pero RJ na lang din."

Natawa ka ng mapansin mong bigla akong kinamulahan ng tenga at mukha. Paano naman kasi - ang ganda ganda mo talaga. Hindi ko maiwasan ang mabulol o mautal pag kausap kita.

"Ang cute mo, RJ! O sige, ganito. Ako na lang ang magreresearch tungkol sa Feminist Film Theory tapos ikaw sa Marxist? Tapos kita tayo sa makalawa sa lib para pagsamahin yung mga nakuha na natin. Game?"

"Ah, sige. Oo. Uhm... Game."

At ngumiti ka na naman sa akin tulad nung pagngiti mo nung pangalawang araw ng klase. Nawala na naman ako sa huwisyo at pinagtawanan mo na naman ako dahil hindi ko nasagot agad yung sunod na tanong mo.

Sumunod na taon - napansin kitang nilapitan ng isang kinatawan ng AnakBayan. Nung una hindi mo sila pinansin bagkus nginitian mo lang at tuluyang umalis patungo sa klase. Pero alam mo naman sila - madalas kukulitin ka nila lalo na pag nakitaan ka nila ng potensyal. Sunod na nilapitan ka nila - ayun, nakinig ka na. At mukhang nakumbinsi ka nila na sumali sa kanila.

Matapos noon, madalas na kitang nakikita na pumupunta sa mga klase para mangumbinsi ng mga kapwa estudyante na sumali sa mga pakikibaka at rally. Nakita ko kung gaano ka karagasa sa pagpapaliwanag mo kung bakit kailangan tayo ng ating bansa at bayan. Nakita ko ang pasyon at galit mo lalo na nung malaman natin na yung kasalukuyang presidente ng ating bansa eh nangungurakot.

Kaya heto. Nandito na rin ako ngayon. Nang dahil sayo.

Nakikirally at nakikiprotesta.

Kasama ng ilang libong mamamayan at estudyante na nakikibaka at nakikisigaw para patalsikin ang ating corrupt na mambabatas at lider ng bansa.

"Uy, RJ. Nandito ka pala. Salamat ha?"

Nagulat ako ng bigla kang tumabi sakin. Hindi ko naman inaakala na maaalala mo pa ako at mapapansin sa dinami-dami ng tao dito sa EDSA.

"Ah... Oo. Syempre. Para sa bayan naman lahat ng ito, diba? Galing na mismo sayo. Iskolar tayo ng bayan. Dapat lang naman na ibalik natin itong ganito diba?"

"Nakita kita kanina sa F105 class nung pumasok kami para ipaalam itong rally. Winish ko talaga na sana makasama ka, eh."

"Uh... Talaga? Uhm..."

"Oo naman. Tingin mo ba makakalimutan ko na lang ng basta basta yung pinakamagaling kong partner sa F101 class noon?"

"Wow. Talaga?"

Tiningnan mo ako at ngumiti muli. Ayan na naman yung nakakabighani mong ngiti na hindi na naman tuloy ako nakasagot sa kung ano yung sinabi mo. Nakakawala ka talaga palagi ng huwisyo.

"Uhm... A-ano ulit yung... ah, sinabi mo?"

Natawa ka at napangiti na rin ako. "Sabi ko - kung wala kang lakad mamaya pagkatapos nito, kain tayo. Kahit dyan lang sa Galle or sa Mega."

Nagulat ako sa sinabi mo kaya hindi ko napigilan ang mapasinghap. Napansin ko rin na biglang ikaw naman ang kinamulahan ng mukha.

"Pero ayos lang din kung hindi," mahinang dagdag mo sakin. "Baka nga naman may lakad ka na. Or baka may iba ka nang kasama at assuming lang ako dito na wala kang kasama. Tsaka baka ano--"

"Maine," pagputol ko sayo. "Walang problema sakin na kumain tayo mamaya pagkatapos ng lahat ng ito."

Tiningnan mo muli ako at isang napakaliwanag na ngiti ang ibinaling mo sa akin. Hinawakan mo ang kamay ko panandalian bago ito pinisil pagkatapos ay humarap ka na ulit para makinig sa sinasabi ng ating pinakalider sa rally.

"ISKOLAR! NG BAYAN!"

Malakas na sigaw ko na kasabay ang pagtaas ng aking kanang kamao habang ang kaliwa kong kamay ay dahan dahan kong ipinalupot sa baywang mo. Tiningnan mo muli ako at ngitian. Hindi ko na rin napigilan ang ngitian ka pabalik.

"NGAYON AY LUMALABAN!"

//

A/N: nakakamiss maging estudyante. 😅

Unbeta'ed as always.

Tweet me at @wuthie16 😘

MGA PAKIWARI AT PAGMUMUNI-MUNI (An AlDub Collection of Poems and Short Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon