"Mahal, anong ginagawa mo dito?"
Nakangiti mong tanong sakin sabay yakap sa aking baywang, ang baba mo sinandal mo sa aking balikat. Binigyan mo rin ako ng isang matamis na halik sa pisngi bilang pagbati.
Napangiti rin ako at napahinga ng malalim. "Wala naman. Alam mo namang paborito kong pinapanood ang paglubog ng araw," mahina kong tugon habang nakatitig pa rin sa ibayo, ang dapit hapon, nagaagaw dilim na. Ang bughaw na langit, unti unting naging kahel habang dahan dahang napapalitan ng pagpula ng takipsilim.
"Hmmm... Hindi ka ba giniginaw dito? Medyo malamig ang simoy ng hangin," dagdag na wika mo habang hinigpitan mo pa lalo ang pagyakap sa akin. Natawa ako. Lalo na dahil ang sa tingin ko - sabi mo lang yan para mas makayakap ka sa akin.
"Mahal talaga," sagot ko sa iyo ng medyo natatawa. "Hindi naman ako giniginaw. Masarap ngang maamoy at maramdaman ang hangin galing sa tubig dagat."
Binigyan mo ako ng marahang halik muli sa pisngi bago mo kinuha ang aking kamay at dahan dahang hinila papunta sa dalampasigan. "Halika," yaya mo. "Lakad tayo sa may buhangin."
"Pero paano ang mga bata?"
Umiling ka lamang habang nakangiti, ang malalim na biloy mo sa pisngi - muling nagpakita na naman sa akin. "Wag kang mag-alala. Nandun naman si Nanay, binabantayan sila."
"Malapit na rin tayong maghapunan. Paano kung--"
Pinutol mo ang aking pagsasalita ng biglaan mo akong bigyan ng marahan ngunit matamis na halik sa aking mga labi. Kahit na nagulat ako nung umpisa, wala na rin naman akong nagawa kung hindi ang halikan ka pabalik. Ano pa nga bang magagawa ko talaga? Eh ang tamis at ang sarap ng mga halik na binibigay mo sa akin?
"Ang mahal ko talaga," bulong mo salungat sa aking mga labi. "Halika na. Sandali lang tayong maglalakad. Hanggang may konti pang liwanag ang araw. Sabi mo nga, paborito mo ang takipsilim."
Napabuntong hininga na lamang ako at hinayaan kang hilahin ako papunta sa dalampasigan, napangiti dahil sa tawa mong parang limang taong gulang habang ang tubig dagat ay dahan dahang bumalot sa ating mga paa habang tayo ay naglalakad.
"Mahal, masaya ka ba?" tahimik na tanong mo sa akin, makalipas ang ilang sandali.
"Oo naman. Dahil nandito ka."
Tiningnan mo ako at malungkot na napangiti. Bumuka ang iyong bibig upang magsalita ngunit pinigilan ko ito bago ka pa makapagsalita.
"Alam ko," mahinang tugon ko. "Pero hayaan mo naman akong namnamin ang presensya mo ngayong araw na ito. Kahit ngayon lang - ibigay mo na sa akin ito."
Hindi na ikaw nagsalita pabalik bagkus ay niyakap mo na lamang ako sa iyong mga bisig. Hindi na napigilan ng mga luha ko ang pumatak sa aking mga pisngi. Pati ang marahan kong pag-hikbi ay hindi na rin nakaligtas sa iyong pandinig.
"Patawarin mo ako, mahal," bulong mo sa akin. "Hindi ko sinasadyang hindi makauwi sa iyo. Pagpasensyahan mo na ako. Pero alam mo naman kasing nagmamadali lang ako ng gabing yun para makauwi na sa inyo, diba? Hindi ko naman aakalain na..."
Hindi mo na tinuloy ang iyong sinasabi. Alam ko na naman kung anong kasunod. At dito na nga rin ako tuluyang naiyak ng maalala ang lahat.
Iyong gabing iyon. Mga ganitong oras din. Umuulan pa nga. Tinawagan mo ako na pauwi ka na at sinabihan kita na magingat dahil basa ang kalsada. Pero hindi ka nakinig. At dahil sa pagmamadali mo - nauwi ito sa...
Hindi mo tuluyang paguwi sa akin.
Sa amin ng kambal.
Dahil naaksidente ka.
At nabangga ng isang lasing na drayber.
Na kumitil sa buhay mo ng agaran.
"Huwag ka ng umiyak mahal," wika mo sa akin habang mataman mo akong tinitingnan at pinupunasan ang patuloy na pagpatak ng aking mga luha. "Hindi pa rin naman ako nawawala sayo."
Alam ko naman yun. Dahil sa araw na ito, sa anibersaryo ng iyong pagkamatay, sa pagpalit ng araw patungo sa gabi, sa pagpapakita ng pulang takipsilim - nagpapakita at nakakasama kita.
"Mahal na mahal kita," bulong ko sa hangin habang nakitingin muli sa ibayo.
Hindi na kita narinig sumagot. Bagkus naramdaman ko na lamang ang malamig na simoy ng hangin na bumalot sa akin na tila niyayakap at hinahalikan ako nito.
At alam ko.
Alam kong ikaw na iyon.
//
A/N: Unbeta'ed as always.
BINABASA MO ANG
MGA PAKIWARI AT PAGMUMUNI-MUNI (An AlDub Collection of Poems and Short Stories)
FanfictionA collection of Poems and one-shots regarding my OTP - MaiChard. :) ALL STORIES WRITTEN HERE ARE FICTION. KATHANG-ISIP. HINDI TUNAY NA BUHAY. OK?? OK.