Nangyari ito noong minsang nagbakasyon kami sa Baguio City. Ako ay pinag aaral noon ng aking Tita at paminsan minsan, nagbabakasyon kami. Minsan isinama niya akong magbakasyon sa Baguio dahil sa libreng 2 day condo accommodation na iniregalo sa kanya ng isang pasyente. Bakasyon noon sa school, year 1991 kaya libre akong nakasama sa Tita ko. Nakasama namin sa biyahe ang kanyang kaibigang nurse at tatlong mga pamangkin nitong mga halos kasing edad ko. Excited kaming lahat noon sa biyahe lalo na nang makarating sa Baguio at makapasok sa condo. Napaka aliwalas nito, ang sarap sa pakiramdam ng malamig na hangin na nagmumula sa opened sliding windows ng condo na may kurtinang puti. Nagdecide kaming magpahinga whole day sa condo at ipagpabukas na lang ang pamamasyal. Noong gabi ng araw na iyon nangyari ang nakakakilabot kong karanasan. Since malalawak ang rooms, nagsama sama na lang kami sa iisang room at nagkasya sa isang napakalaking kama. Pagkagat ng dilim, kumain kami, kuwentuhan ng konti, nood ng TV at maya maya pa dinalaw na ng antok. Isa isa kaming nakatulog. Mahimbing din ang pagkakatulog ko dahil sa pagod sa biyahe.
Sa kalaliman ng gabi ay bigla akong napabalikwas sa kama dahil sa kakaibang ingay. At first di ko mawari kung anong klaseng ingay iyon. Off ang ilaw namin pero may kaunting liwanag na nagmumula sa buwan. Nang mawari ko kung saan nagmumula ang ingay ay bigla akong kinabahan at nag init ang aking tenga- ang ingay ay nagmumula sa loob ng aparador na nasa paanan namin. At ang naririnig ko ay nakakahilakbot na mga sari-saring iyak na humihingi ng saklolo at tila hirap na hirap, napakalamig na mga tinig, at nagpupumiglas makalabas sa aparador. Dinig na dinig ko ang mga kaluskos at hiyaw na mukhang nanggagaling sa dako paroon. Dali dali kong ginising ang mga kasama ko pero hindi sila nagising. Hindi na ako natulog buong gabi at inantay na magliwanag. Kinaumagahan ay ikinuwento ko sa kanila ang nangyari, kinilabutan sila sabay sabing wala silang narinig. Sinabi ng Tita ko na maaaring iyon ay mga kaluluwang hindi matahimik na naging biktima ng 1990 earthquake na kumitil sa maraming buhay. Hindi nalalayo sa condo na iyon ang isang hotel na maraming nasawi dahil sa pagguho. Thank you Spookify sa chance na mibahagi ko ito sa ating mga ka-katatakutan fanatics.