Pitong taong gulang ako noon. Unang buwan palang naming nakatira sa bukid nina Lolo na nagdiriwang ng kanyang ika-70 na kaarawan nang araw na iyon. Maraming niluto sina Lola at Mama kasama pa ng iba kong Tiya.
Mag-a-alas otso na ng tinawag ako ni Lolo. Inutusan akong bumili ng dalawang bote ng Tanduay kina Aleng Dolores.
Unang beses ko itong bumili kina Aleng Dolores na bantog bilang Aswang sa lugar namin. Pero kwento lang naman at wala pang pruweba na aswang nga ito. Saka mukhang mabait naman ang hitsura ng Ale. Malapit lang ang tindahan niya, kaya hindi na ako nagpasama pa.
Sabi ni Lolo, huwag daw akong matakot. Magbulsa lang daw ako ng asin, bawang at maraming barya. Mabisang pangontra daw ito sa mga aswang.
Dahil walang kuryente sa lugar namin, nagdala ako ng flashlight. At nakarating naman ako kina Aleng Dolores ng walang nangyari.
Limang beses na akong nag-tao po pero walang sumasagot sa tindahan. Pero nakabukas naman ang gasera. Nagtao po ako ulit pero wala talagang sumagot.
Naisipan kong puntahan ang bahay nila sa likod ng tindahan. Baka naghahapunan at hindi ako naririnig.
Bukas ang ilawang de-gaas sa loob kaya nagtao po ako ulit. Puro ingay lang ng nanganganak na pusa ang aking naririnig.
Dahil may butas sa pintuan, naisipan kong silipin ang loob ng bahay.
Muntik na akong mamatay sa gulat ng may mapupulang matang sumilip din sa akin. Sa takot ko, kumaripas ako ng takbo palabas ng bakuran. Hindi na ako lumingon.
Nanindig pa lalo ang mga balahibo ko ng narinig kong bumukas ang pinto at may pumagaspas na pagkalapad-lapad na pakpak paitaas.
Naisip ko na dadagitin na ako ng Aswang at kakainin ako kaya todo takbo ako ng mabilis.
Ilang segundo lang, ramdam kong nasa bandang ulunan ko na ang lumilipad na Aswang. Halos mawalan ako ng ulirat ng naramdaman kong may mga kamay na humawak sa dalawang paa ko at inilipad ako ng nakabaliktad.
Naalala kong may asin at bawang pala sa bulsa ko. Kinuha ko ito at isinaboy sa mukha nyang hindi ko nakikita. Nawalan ito ng kontrol kaya sumabit kami sa isang puno.
Lumundag agad ako mula sa punong yun kahit di ko alam kung gaano kataas. Awa ng Diyos di naman ako nabalian.
Tumakbo ako ng mabilis at naghanap ng bahay na pinakamalapit at humingi ng saklolo. Sobrang natuwa ako ng pinapasok ako ng isang dalaga sa bahay nila at ikinandado ang pintuan.
Habang kumukuha ang dalaga ng tubig sa kusina, napatingin ako sa malaking picture frame na nasa dingding. Larawan ng dalaga kasama si Aleng Dolores.