walang pamagat

599 10 0
                                    

Ang kwentong ito ay tungkol sa malayong kamag anak ng aking papa. Itago nalang natin sya sa pangalang Tonyo. Si tito Tonyo ay isa rin sa nakararaming sinubukang makipagsapalaran dito sa Maynila. Dahil si papa lang sa magkakapatid at pamilya ang medyo sinwerte sa pamumuhay dito sa siyudad kaya naman tuwing may makikipagsapalaran ay sa amin pansamantalang nanunuluyan ang mga kamag anak namen mula sa Negros. Isa na rito si Tito Tonyo.

Nung early 20's e malakas pa ang mga kainan sa mga foodcourt ng mga mall, isa sa mga yun ay ang Ilonggo grill. Dito unang namasukan si tito, kaso katulad ng pagbago ng panlasa ng tao e ang sunod sunod na pagsara ng bawat branch neto kasama na ang branch na pinagtratrabahuan ni tito. Dahil ayaw umuwing bigo si tito e sinubukan nyang pumasok sa iba pang trabaho, at sinwerte naman syang makahanap malapit lang sa amin. Nung taong ito, malakas pa ang mga night club at beerhouse na tabi tabi sa gilid ng daan papuntang Calamba. Dito sya nakapasok bilang isang cook. Dito nya rin nakilala ang naging asawa nyang si Nikki, isang GRO. Malakas ang kanilang bar dahil marami raw tumatangkilik dito na parokyano nila. Kaya masasabi rin nilang malakas din ang kita ng pera dito. Pero dahil habang tumatagal ay naghihigpit na rin ang mga kapulisan dahil maraming nagrereklamo at nagsusumbong na hindi lang beer ang hain nila rito sa bar nila kundi pati mga naghuhubad habang nagsasayaw na babae. May mga tinetable at may mga sinasabi pa silang tinetake home. Dahil sa mga raid e unti unting naubos ang mga babae nilang binebenta na parang laman lang. Yung iba dinadala sa DSWD, at yung iba tinutulungang makauwi sa probinsya. Pero dahil na rin sa masasabi ganid sa pera dahil malakas ang kitaan rito e sara-bukas lang ang ginagawa ng may-ari. Bubuksan nila ito ulit sa bago na namang pangalan.

Dito nagsimula ang lahat, dahil kelangang kumita at magpatuloy ang business, napagpasyahan ng may ari na magpahanap kay tito ng mga bagong babae sa Negros na sinunod naman ni tito, sa takot na mawalan din ng mapapagkitaan. Kumapit sya sa patalim, umuwi ulit sya ng Negros kasama ang bago nyang asawa na batikan na rin sa mga ganitong gawain. Dito ay nagpakita sila ng karangyaan. Pinakita nya yung mga napundar nya sa Maynila upang maengganyo ang mga taga Uma na makipagsapalaran din.

Hindi naman sya nabigo. Marami siyang narecruit sa mga ibang karatig bayan nila, di bababa sa 10, nasa edad 17 pataaas ang iba. Lahat ng ito ay pinangakuan ng magandang bukas sa Maynila, hahanapan raw ng trabaho bilang kasambahay. Pagkarating dito sa Laguna ay imbes maglinis ng bahay e pagiging GRO pala ang daratnan nila. Dito, kahit labag sa loob nila ay pinagtrabaho sila. Kinulong sila sa isang kwarto at kapag magtatangka silang tumakas ay pinagbabantaan sila sa kanilang buhay, lalo pa't alam ni tito ang kanilang mga bahay. Trabaho. Kain. Tulog. Lock. Iyan lang ang kanilang buhay dito sa siyudad.

Nang mga panahong ito, hindi namen alam ang nangyayari. Ang alam lang namen e cook lang si tito sa bar na yun. Huli nalang nung malaman nila papa ang totoong nangyari. Lumipat na rin sya ng tirahan nung nag asawa sya kaya lalong wala kameng balita. Pero may isang nagtratrabaho rito ang nakapagkwento sa isang kasamahan ni papa sa trabaho sa totoong nangyayari sa loob ng bar. Sya lang ang nag iisang naging matapang magsalita sa nangyayari sa kanila. Dahil may pagkaatribida ang mama ko e talagang inalam nya ang nangyayari upang matulungan ang mga babaeng nakakulong sa bar. Nang makuha nya ang lahat ng ebidensya na kelangan nya ay sinumbong nya to sa noo'y sikat pang palabas na ""Isumbong mo kay tulfo"". Para imbes na magsara-bukas ay tuluyan ng matigil ang bar na to na mailang beses na ring naraid. Nagkaroon ng raid sa may bar na pinagtratrabahuan ni tito pero dahil na rin sa natiktikan na si tito ay nauna itong nakatakas pabalik ng probinsya.

Nang makauwi siya ay di na rin namen alam kung saan siya eksaktong nanirahan basta ayon sa balita, nanirahan sila ulit ng kanyang asawa sa Uma. Dahil sa mga malalayong bayan lang nakatira ang mga narecruit nya kaya naman nakapagtago rin sya sa mga ito. Hindi rin kumalat sa Uma dahil na rin siguro sa hiya ng mga kababaihang narecruit na malaman ng mga kapitbahay na imbes kasambahay ay naging GRO ang trabaho nila sa Maynila.

Pero katulad ng sabi ng mama ko, lahat ng bagay na gawin mo, may kapalit. Kung mabuti ito, times ten ang balik nito at kung masama naman ay ganito rin kadami ang balik nito. Di na nga sila nagulat nang isang araw bumagsak ang katawan ni tito.

Nang isugod sa hospital e sabi nila hepa lang ang sakit dahil sa paninilaw ng balat. Ngunit nagsimula nang magsugat sugat ang katawan nya. Sa bawat sugat ng kanyang balat ay sya namang labas ng uod at pako sa mga ito. Kahit ang mga doktor ay di rin ito mapaliwanag. Kung sa uod ay maaari pa pero pako? Mukhang imposibleng galing pa ito sa komplikasyon nya. Dahil dito kaya napagpasyahan ng lola kong itawas si tito (Katulad dun sa part 1, si lola ay isang albularyo). Dahil sa akalang normal na sakit lang ito katulad ng sabi ng mga doktor kaya pinagwalang bahala lang nila ang sakit ni tito Pero nang may lumabas ng pako, dun na sila nakaramdam. Nang tinawas ni lola si tito ay dito nila nakita ang isang korte ng babae, sabi ni lola, isa raw itong galit na galit na babae kay tito. Kumpara sa mga engkanto o kulam, mas malakas ang kapit ng barang lalo na kung malakas ang kapangyarihan ng nagbarang sa biktima. Sabi nila, para matanggal ang kumapit na sumpa sa biktima ay minsan kinakailangan pang patayin ang nagbabarang sa kanya at inumin ang dugo o kainin ang laman nito kung gusto mong makuha rin ang kapangyarihan nito.

Dahil hindi na ganon kaactive si lola sa pagiging albularyo dahil sa isang pangyayari (Next time ko ng ikwento, masyado na tong mahaba hehe) kaya nagpatulong sya sa isang kaibigan. Dito ay nalaman nilang huli na ang lahat. Kapit na kapit na ang sumpa kay tito. Ang bawat sugat nya ay puno na rin ng ipis, uod at paminsan minsan ay gagamba sa paglabas rito. Namatay si tito di kalaunan. May litrato kame niya nung nasa kabaong siya, 37 lang siya namatay pero ang hitsura niya ay mukha ng 60+. Hanggang ngayon, kapag nakikita ko sa album ang picture na yun ay di pa rin maalis sakin ang kilabot. Tunay ngang mas nakakatakot ang mga tao kesa sa mga multo, dahil itong mga to ay mas may kakayanang saktan tayo. Lalo pa at hanggang ngayon din, hindi pa rin namen kilala kung sino ang gumawa sa kanya nito.

Maaring isa sa mga kababaihang nadala nya sa Maynila, maaring hindi. Kaya isa ring turo lagi sa atin ng ating mga magulang na laging gumawa ng kabutihan sa ating kapwa dahil sa mundong ginagalawan naten na puno pa rin ng misteryo, hindi mo alam na baka ang susunod na taong magagawan mo ng masama, ay sya ring magiging sanhi ng iyong pagkawala.

short stories (horror)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon