Malaking Aso sa Kalye

339 6 0
                                    

Dahil dumami na ang Clients namin mula UK, inilipat ako ng Boss namin sa UK shift na nagsisimula ng alas-kuwatro ng hapon hanggang ala-una ng hatinggabi.

Delikado na umuwi pagkatapos ng shift namin. Kaya naisipan ng kompanya na magkaroon ng service na maghahatid sa mga empleyado.

Unang araw ng shift ko, medyo inaantok ako kasi bagong schedule at bagong adjustments.

Paglog-out ko ng ala-una, sobrang gusto ko ng matulog.

Una akong inihatid ng company driver dahil sinabi kong inaantok na talaga ako. Bumaba ako sa kanto ng Ubas Street. Lalakarin ko nalang papasok sa apartment namin. Saka medyo masikip ang daanan kaya hindi na makakapasok ang company van.

Pagkaalis ng van, naglakad na ako. Nasa dulo ng street ang apartment namin kaya medyo may kalayuan ang lalakarin ko. Kahit walang tao sa paligid, ligtas naman ang lugar dahil may mga nagrorondang tanod kada tatlong oras.

Sa dulo, bago ang apartment namin, may nakita akong aso. Pero kasinlaki ng maliit na kabayo. Nakakapagtaka ang galaw nito dahil parang naglalakad ito ng paatras.

Biglang pumasok sa isip ko yung kwento ng kaibigan ko tungkol sa sigbin. Malaking hayop daw ito. Katawan ay aso at ang ulo ay tao. Paatras kung maglakad at nakasilip sa gitna ng mga paa ang ulo.

Napalundag ako ng biglang namatay ang ilaw sa poste na malapit sa akin.

Dahil sa kaba at takot, tiningnan ko ulit ang malaking aso sa dulo. Sa hindi malamang dahilan, wala na ito doon.

Bumalot ang takot sa buo kong katawan. Bigla akong umikot ikot para hanapin kung nasaan na yung aso. Pero dahil madilim, wala akong maaninag.

Pagbukas ng ilaw, taena, nasa harap ko na ang aso. At tama ang hinala kong sigbin nga ito dahil ang ulo nito ay sa tao. Nakasilip ang nakakatakot na itsura nito sa akin. Pulang pula ang mata at naglalaway na parang gutom na gutom. May balbas ito at mahaba ang buhok.

Ngumisi ito ng nakakatakot at nakakapanindig-balahibo. Dagdagan pa ng mga ngipin nitong matutulis. Halos himatayin ako ng makita kong dahan dahan itong umaatras papunta sa akin.

Dahil sa takot na baka lapain ako ng buhay, kumaripas ako ng takbo pabalik sa kanto at tumakbo pa ng walang lingon-lingon hanggang sa makarating ako ng 7-11. Hindi ko alam kung sumunod ba ang sigbin o hindi. Pero wala ako pakialam. Kailangan kong makaligtas.

Pumasok ako ng 7-11. Pagsilip ko sa labas, sa waiting shed na nasa kabilang kalye, nandoon ang sigbin, nakatalikod at nakangisi sa akin.

short stories (horror)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon