Nagsisigaw sa galit si Tristan sa loob ng sasakyan ng malamang mali ang inilagay na destinasyon ni Venus sa kinontrata nilang GrabCar. Todo pakiusap naman ang babae sa driver na ihatid sila sa Terminal 4 sa halip na sa Terminal 3.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Tristan ng pumayag ang driver. Samantalang nag-asal bata naman si Venus sa paghingi ng paumanhin sa kaibigan na nauwi din sa halakhakan ng dalawa.
Patungong Cebu ang magkaibigan kasama si Cha na kikitain nila sa Airport. Halos hindi na natulog ang lahat dala ng excitement para sa Canyoneering na isa sa pinakasikat na activity sa probinsya.
Lulan ng eroplano, abala si Venus sa pag-aayos ng GoPro na gagamitin nila samantalang wala namang tigil sa pagpapatawa si Tristan. Si Cha naman ang nag-asikaso ng mga lokal na kontak para sa Canyoneering.
Bentang-benta sa tatlo ang mga kwentong nakakatawa ng driver na si Kuya Luis mula sa nakontak nilang sasakyan na maghahatid sa kanila sa destinasyon mula sa Airport.
Nasiyahan din ang driver sa mga bagong kilalang bisita kung kaya't inilibot niya muna ang mga ito sa sentro ng siyudad bago inihatid sa Canyoneering site.
Sa gitna ng tawanan habang nagbi-byahe, buong pagmamalaking binibida ni Kuya Luis kung gaano kaganda ang Canyoneering para sa mga turista lalo na sa mga dayuhang taga ibang bansa.
Naisingit nya rin ang isang trahedya dito na sa kasawiang palad, kumitil ng buhay ng isang dalaga.
Ayon sa kwento, malakas daw ang panunukso ng mga barkada nitong lundagin nya ang isang parte ng falls na halos mahigit dalawampung talampakan ang taas. Dala ng group pressure, sumunod syang lumundag sa mga barkada nya kahit alam nyang takot sya sa taas at hindi marunong lumangoy.
Bagamat may seguridad sa suot na life vest, sa hindi malamang dahilan, patay na ito nang umangat sa tubig mula sa ilalim. Ang teorya, nabangga ito sa bato at nagkaroon ng internal bleeding sa ulo. At bago daw ito lumundag, paulit ulit itong nag-sign of cross.
Napipi silang tatlo sa natunghayang kwento. Subalit binawi ito ni Kuya Luis bilang birong kwento lang daw. Napatawa ng bahagya si Cha, pabirong sinuntok naman ni Tristan ang driver na katabi sa unahang upuan samantalang nasa mukha naman ni Venus ang pagdududa.
Alas-dos ng hapon ng magsimula ang Canyoneering ng tatlo. May ilang grupo na rin silang nakakasabay. Pero sa kabila ng konting bilang, silang tatlo ang pinakamaingay.
Abot hanggang sa kabilang bundok ang sigawan nila sa sobrang saya. Naroong lumundag sila sa falls ng nakaupo o mataas na talon bitbit ang GoPro. Hindi rin nila pinalampas ang pagpapadausdos sa mga bato at pagpapatangay sa agos ng ilog. Pinakanakakatuwa sa lahat ang pagpapadausdos ng nakabaliktad diretso bagsak sa tubig.
Hinihingal na narating ng grupo ang dulong bahagi ng Canyoneering. Isang talon na dalawampu't limang talampakan ang taas ang syang magsasara sa buong adventures nilang tatlo.
Kaya naman makalipas ang ilang minutong pahinga at pag-inom ng tubig, nagtutuksuhan na sila kung sino ang mauunang lulundag.
Matapos ang katakot takot na pilitan, si Cha ang pinakamatapang na nagboluntaryo para maunang lumundag. Kitang kita ng dalawa na ligtas naman itong naka-angat sa tubig. Sumunod si Tristan. Samantalang atubili naman si Venus kung lulundag ba sya o hindi.
Halos himatayin si Venus sa kalagitnaan ng paglundag. May kalakasan ang pagbagsak nito kaya ilang segundo din ang inilagi nito sa kailaliman ng tubig bago lumutang.
Sa sasakyan, waring balisa si Venus at kapansin-pansin ang pagiging tahimik nito habang nagbi-byahe na sila pabalik. Sadyang pagod lang siguro ang lahat kaya't walang kentuhan at tawanang nagaganap.
Sa kasamaang palad, bumuhos ang malakas na ulan na lalong nagpabalisa kay Venus. Niyayakap nito ang kanyang sarili, baka marahil sa sobrang ginaw.
Habang tinitingnan sya ni Tristan sa salamin, nanghilakbot ang lalaki sa kanyang nakita. Kasabay ng nakakagulat na pagkidlat, panandaliang nagbago ang hitsura ni Venus, na para bang naaagnas na bangkay na nakuha sa ilog.
Nang muli syang sulyapan ni Tristan sa salamin, nakangiti na ito sa lalaki habang nagsa-sign of cross ng paulit-ulit.