Batong Puti

441 3 0
                                    

Bakasyon noon at eksaktong naipasa ko na ang aking thesis project sa Professor ko. Napagpasyahan ng mga magulang namin na dumalaw kina Lolo at Lola sa probinsya.

Ganoon na lamang ang labis na kasiyahan namin ng Kuya Tom ko sa planong iyon. Halos dalawang taon na rin kaming hindi nakaka-bisita, kung kaya't kinasasabikan na naming makita ang aming mga kamag-anak na doo'y naninirahan.

Matapos ang mabilis na byahe sa eroplano, sumakay kami ng van ni Tito Carlo mula airport papunta sa bahay ng Lolo.

Nakakatuwang pagmasdan ang luntiang kapaligiran lalo na ang mga malalawak na palayan at maisan. Napakayabong din ng mga kagubatan lalo na sa pampang ng ilog.

Ilang minuto pa'y narating na namin ang sementado ngunit may kalumaang bahay nina Lolo.

"Maricar!", sigaw ng pinsan kong si Angela sa akin. Halos magkasabay lang kaming nagdiwang ng debut noong nakaraang taon.

Mabilis naman akong bumaba ng van at patakbong sinalubong sya. Nagyakap at nag-beso sa isa't isa. At kagaya ng inaasahan ko, ang sobrang kaputian ko na naman ang unang pinag-aksayahan niya ng panahon.

May lahing Chinese si Papa kung kaya't angat ang pagkaputi ng balat ko. Si Kuya Tom naman ay kayumanggi sa kadahilanang mahilig ito sa scuba diving at pag-akyat ng bundok.

Isang napakasayang hapunan ang sumunod na nangyari. Bidang bida na naman si Lolo sa kanyang mga kwento tungkol sa World War II na talaga namang nakakamanghang pakinggan.

Magkakasama kami sa kwarto nina Angela at nang dalawa ko pang pinsang babae na kaedaran lang din namin. Bago matulog, napagplanuhan naming tunguhin ang sirang simbahan sa tabi ng ilog kinabukasan. Malaki daw ang simbahan at maraming kagamitan sa loob kaya pwedeng pag-aksayahan ng oras.

Tangay ang mga bisekletang pang-bundok, nilisan namin ang bahay nina Lolo kinaumagahan pagkatapos kumain.

Pawisang narating naming apat ang nasirang simbahan sa tabi ng natuyuang ilog. Halos tumalon kami sa pagbaba ng bisekleta dala ng pagkasabik na makita ang looban nito.

Tinatayang kapanahunan pa ito ng mga Kastila dahil sa istruktura ng pagkayari dito. At kung susuriin, may hawig ito sa simbahan ng Paoay.

Hindi mawari kung saan ako magsisimulang mag-usisa ng mga kagamitan sa loob. Naroong kukunan ko ng larawan ang rebulto ng anghel na nasira na sa tingin ko'y pinaglalagyan ng banal tubig sa simbahan noon. Naroon ding susubukan kong umupo sa mga nasirang upuang kahoy.

Matagal din ang inilagi namin sa loob ng simbahan. Hapon na nang magpasya kaming lumabas.

Sa sobrang kapaguran, napasalampak silang tatlo sa lupa samantalang mas pinili ko namang umupo sa malaking batong puti sa gilid ng puno ng Akasya.

"Car, halos magkasing-kulay na kayo ng bato", isang malakas na tawa ang idinugtong ni Angela kasabay ng pagkuha ng litrato nito sa akin at sa bato.

Kinagabihan, hindi na ako nakapaghapunan dahil sa sobrang sakit ng ulo ko. Sakit na waring binibiyak ito. Sinubukan kong tumayo para kumuha ng tubig pero sa hindi malamang dahilan, natumba nalang ako sa labas ng kuwarto.

Nakakatarantang sigawan ng "Saklolo!" ang sunod kong narinig. Kasabay ng pagkawala ng aking malay ay pinatawag nila ang Albularyo sa bayang iyon.

Paggising ko kinabukasan, isang nakakakilabot na kwento ang aking natunghayan.

Ayon sa Albularyo, ang puting bato daw na inupuan ko ay trono ng Prinsipe ng isang grupo ng mga duwende. Naakit daw ito sa kulay ng aking balat kaya't sinubukan nitong kunin ang buhay ko ng sa gayo'y maisama ako nito sa kanyang mundo.

Pinanindigan ako ng balahibo ng aking makita ang larawang nakuha ni Angela sa kanyang camera.

short stories (horror)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon