Lumang Elevator

398 5 0
                                    

Nangyari po 'yung kwentong ito , June 2015.

Second year college transferee po ako dito sa Manila that time. Sa kadahilanang natanggap sa bago niyang trabaho si Kuya Roy sa Cubao, agad kaming lumuwas galing Ilo-ilo para makahabol ng enrolment sa isa sa mga University dito sa Maynila.

Isang unit na may dalawang kwarto sa loob ang napagdesisyunang rentahan ni Kuya. Nasa looban ng isang subdibisyon ang nasabing lugar. Bagamat looban, ligtas naman dahil sa mga nagro-rondang guwardiya. At dahil nasa-ikalimang palapag ang unit, kakailanganin mong sumakay ng elevator lalo na kung pagod ka na para umakyat sa hagdanan.

Naging sobrang abala ang unang linggo namin ni Kuya dahil sa enrolment at pagbili ng mga bagong kagamitan para sa loob ng bahay kaya't hindi namin napansin ang may kalumaan ng elevator.

Sabado, dahil parehong pagod, natulog kami maghapon sa unit.

Alas-singko na ng hapon nang ako'y nagising. Agad akong lumabas ng kuwarto para magbukas ng mga ilaw. Sobrang himbing ang tulog ni Kuya sa kabilang kuwarto kaya di ko muna siya ginising. Alam kong pagod na pagod ito.

Nakaramdam ako ng pagkahilab ng aking sikmura dahil sa gutom. Agad kong naisipang bumili ng pagkain sa labas. Sumilip muna ako sa bintana. Noon ko lang napagtanto na isang mataas na sementadong bakod pala sa di kalayuan ang katapat ng bintana namin na kinatatayuan pa ng dalawang malalaki at mayayabong na mga puno ng Akasya. Naisip ko na kung sa Ilo-ilo ito, malamang pinaputol na ang mga ito ni Inang. Pinamamahayan daw kasi ito ng mga maligno na lumalabas tuwing gabi. Nasa ganoong kaisipan ako nang biglang bumagsak ang kaserolang nakasabit sa taas ng lababo. Literal na napalundag ako sa gulat. Pero dahil wala naman akong nararamdamang kakaiba, pinulot ko nalang at binalik na waring walang nangyari.

Kumatok ako sa pintuan ng kuwarto ni Kuya para magpaalam na bibili ako ng pagkain namin. At dahil may pera pa naman akong hawak, 'di na ako humingi nito sa kanya. Isang ungol at "Sige" lang ang kanyang itinugon.

Malamlam ang liwanag na hatid ng mga lumang ilawan sa hallway habang pinipindot ko ang button pa-ground floor. Halos ngitngit lang ng papaakyat na elevator ang aking naririnig at tanging bumabasag ng katahimikan sa mga sandaling iyon. Nakakatakot ang pakiramdam na kapag lumingon ka sa kaliwa at kanan, walang tao. Para kang nasa lumang kapanahunan dahil sa medyo may kadilimang liwanag ng mga ilaw at sa katahimikan. Naisip ko kung biglang may maligno na lumutang sa dulo ng kanang hallway tapos hahabulin ako, tapos tatakbo ako pakaliwa, tapos meron din maligno sa kaliwa.

TONGGG! Tunog ng pagbukas ng elevator sa aking harapan na nagpabalik sa aking katinuan.

Pumasok ako sa loob at bago pa pindutin ang close button at numerong 1, kunot-noo kong iginala ang aking paningin sa kabuuan ng elevator. Napakaluma ng itsura nito. Puro kalawang ang paligid lalo ang mga kanto nito. May kalansahan pa ang amoy.

Dahan-dahan at nanginginig na nagsara ang elevator. Parang may halong impit na sigaw ng tao ang tunog ng pagngi-ngitngit nito. Alintana ang takot na unti-unting bumabalot sa aking katawan, pinindot kong muli ang close button.

Isa sa pinakaayaw kong pakiramdam ay 'yung nag-iisa kang nakakulong sa isang maliit na sulok lalo pa't nakakatakot ito. 'Yung pakiramdam na hihinga ka lang, maglalabasan na ang mga maligno sa tabi mo. 'Yung pakiramdam na pipikit ka lang, tapos pagmulat mo mayroon na nakakatakot na mukha sa mismong harap mo.

Bumukas sa ika-apat na palapag. Lalo akong kinilabutan ng walang taong pumasok.

Pagsara ng elevator, nakaramdam na ako ng hindi maganda, pakiramdam na laging nangyayari sa akin kahit noong nasa Ilo-ilo pa kami kapag nagawi kami sa mga liblib na lugar na kadalasan ay nakaka-engkwentro kami ng mga lamanlupa o maligno.

Lumamig na ang hangin sa buong elevator. Alam ko na sa aking sarili na may iba na akong kasama. Gayunpaman, nilakasan ko ang aking loob. Ayokong gumalaw. Ayokong igala ang aking mga mata. Nakatutok lang ako sa may bukasan.

Maya-maya pa naramdaman kong parang may lumulutang na sa aking likuran. Halos manindig lahat ng aking mga balahibo sa takot. Dagdagan pa ng nakakakilabot na tunog ng elevator. Kalawangin ang dingding na nasa aking harapan kaya hindi ko naaaninag ang repleksyon ng kung anumang nilalang na lumulutang sa aking likuran.

Katahimikan. Nananalangin na ako habang nakikiramdam.

Halos maglaho ang mundo ko ng naramdaman kong may umihip sa aking batok. Napakalamig na hininga na animo'y galing sa malalim na hukay. Nanginginig na ako sa takot ng biglang bumukas ang elevator sa unang palapag.

Halos madapa na ako sa kakatakbo palabas dahil sa sobrang takot nang biglang makabangga ko si Kuya Roy, may dalang hapunan para sa aming dalawa na binili sya sa labas.


short stories (horror)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon