May kahabaan ang kwentong ito kaya kumuha na kayo ng makakain o maiinom habang binabasa nyo 'to. Yan ay kung gusto nyo lang naman basahin at tapusin hahaha. Okay.
Nung high school ako, meron kaming kasambahay na walang ibang kinwento sakin kundi puro katatakutan. Pero gustong gusto ko din naman haha. At dun kami naging close ni ate joyce. 40+ na sya nun. Sobrang daming naikwento sa akin ni ate joyce, pero may isang kwento sya na sobrang kinilabutan ako at natakot. Siguro dahil gabi at patay na ang mga ilaw nang kinwento nya yun sakin. Kaming dalawa lang noon sa bahay, natulog ako sa tabi nya.
Anyway, ganito yung kwento. Mga 14-16 daw nun si ate joyce nang mangyari ito. Sa probinsya nila, meron silang kapitbahay na kilalang mga aswang (or 'A') sa buong town nila. Hindi daw sya naniniwala noon dahil baka chismis lang, at ayon sa observations nya, okay lang naman daw at normal makitungo ang pamilyang yon. Although alam ni ate joyce na wala daw tumatagal na kasambahay sa kanila. Inisip nya baka masungit lang yung matandang amo, or baka nahirapan sa trabaho yung kasambahay dahil tumutulong din mag alaga ng matandang may sakit. Lalaki daw yung pinakamatanda sa pamilyang yun at nakawheelchair na. Kasama nito sa bahay ang anak nyang babae, asawa ni ate girl, yung iba nakalimutan ko na. Sabi pa ni ate joyce, never nya nakitang inilabas or lumabas ng bahay yung matandang nakawheelchair. Simula daw nung tumira sila ate joyce sa bahay nilang yon, nakawheelchair na daw yung matanda. Lagi daw itong nasa veranda sa unang palapag ng bahay at laging nakatingin sa labas. Parang rehas daw yung gate at fences nila kaya kita yung loob. Isa pang rason kung bakit hindi sya makapaniwalang A ang pamilyang iyon ay dahil bukod sa may kaya sila, maganda rin daw ang lahi nila. Malayo daw maging A, sabi nya. Mga tisoy at tisay at mga artistahin. Ganun yung description ni ate joyce sa kanila. Sanay daw kasi sya na kapag aswang, hindi maganda at hindi rin mayaman, at sa malalayo nakatira, walang kapitbahay. Parang mga napapanood sa tv/movies.
Isang araw, nabalitaan ni ate joyce na umalis (na naman) daw yung kasambahay ng pamilyang A kahit ilang araw pa lang ito sa bahay na iyon. Yung sumunod nilang kasambahay ay naging kaibigan ni ate joyce. Itago natin sya sa pangalang maxine. Nagkakilala daw sila habang nagdidilig si maxine sa may harap ng bahay ng mga A. Hindi na nakapag aral si ate joyce noon kaya sya laging nasa bahay lang.
Kagaya ng ibang naging kasambahay ng A family, galing din sa malayong bayan o ibang probinsya si maxine kaya hindi nito alam ang chismis tungkol sa mga amo nya. Pero never naman daw iyon binanggit sa kanya ni ate joyce. Sa katunayan, nag aantay lang daw nun si ate joyce na may ikwento sa kanya si maxine tungkol sa kakaibang eksena sa loob ng bahay. Pero wala naman daw maliban sa lagi daw masungit tumingin yung matanda kay maxine at parang ayaw syang kasama sa bahay. Pero dinededma lang daw ni maxine dahil matanda na nga at may sakit at naaawa sya. Kay maxine lang din nalaman ni ate joyce na hindi na daw pala nakakapagsalita yung matanda, at halos hindi nya na maigalaw buong katawan nya. Ganun na daw sya kahina.
Kapag inuutusang bumili si maxine sa labas, isinasama nya si ate joyce kaya nakakapag chikahan sila. Magdadalawang linggo na si maxine sa bahay ng mga A. Isang umaga, nagpasama si maxine kay ate joyce sa palengke. Kakaiba daw ang aura ni maxine nung araw na yun. Parang puyat na puyat, maputla, nanginginig. Parang may sakit ganun. Inaya ni ate joyce si maxine na umupo muna sa harap ng isang tindahan, at tinanong sya kung may sakit ba sya o ano. Nag umpisang magkwento si maxine ng mahina lang kay ate joyce. Nanginig si ate joyce sa takot at kilabot matapos magkwento ni maxine. Kagabi lang daw, nagising ng mga bandang ala una si maxine dahil naiihi sya. Paglabas nya ng kwarto nya ay napansin nyang may maliwanag sa bahay. Nakita nyang bukas ang pinto sa may veranda at nandoon ang matandang amo nya, nakaupo sa kanyang wheelchair. Nakaharap ito sa labas. Nakapatay lahat ng ilaw pero maliwanag ang buwan galing sa labas. Nagtaka si maxine dahil tumulong pa daw sya sa pagpapahiga sa amo nya sa kama nito mga alas 8 ng gabing iyon. Halos magkatabi lang ang kwarto nila sa baba. Naisip ni maxine na umihi muna at pagkatapos ay babalikan sana ang amo pagkatapos nya sa banyo para tulungan itong bumalik sa pagtulog. Isang minuto lang natapos na sya agad sa banyo. Pagbalik nya, gulat na gulat sya na wheelchair na lang ang nakita nya sa veranda. Wala na doon ang kanyang amo. Hindi na nya hinanap pa ang matanda.
Biglang may naalala si maxine. Takot at kilabot agad ang naramdaman nya kaya bumalik sya agad sa kanyang kwarto at ini-lock ang pinto. Meron syang kinuhang bote sa ilalim ng kanyang kama at nagsimula syang magdasal. Ang bote na yun ay parang bote daw ng tanduay na may laman na oil or langis (Hindi ko maalala at nakalimutan ko din yung pangalan). Ang bote na yun ay mahigit isang taon na daw kay maxine nung panahong yon. Bigay daw yun ng kaibigan ng lolo nya na isang albularyo. Ang langis daw na yun ay dinasalan or nilagyan ng orasyon. Pangontra daw yun sa mga aswang. Hindi lang yun. Kapag daw may aswang na papalapit, medyo uusok daw yung takip ng bote. So parang nag-eevaporate ganun. Simula daw nang dumating si maxine sa bahay na yun, nung gabing yon lang daw nya naisip icheck yung bote at nagulat sya na medyo paubos na daw yung langis samantalang puno pa daw iyon nung dumating sya sa bahay ng mga A. At hindi naman daw nakatumba ang bote. Ganun pa din ang pwesto kung saan nya nilagay. Pero nung gabi daw na yun na hawak nya yung bote, hindi naman daw umuusok. Hindi nakatulog agad si maxine nun sa sobrang takot. Nagdasal lang daw sya nang nagdasal at dun sya nakatulog ng very light. Nagising daw sya nang may narinig syang ingay sa labas ng kwarto. Pagcheck nya ng oras 4:30ish pa lang. Nagulat sya paglabas nya ng kwarto, nakita nya yung anak ng amo nya naglilinis ng sahig at parang nagmamadali. Sa sobrang busy daw hindi na sya napansin. Nakita ni maxine na may mga bakas ng putik simula sa pinto ng bahay papuntang kwarto ng matanda. Parang may naglakad daw na maputik ang paa. Bumalik agad si maxine sa kwarto nya. Nung araw din daw na yun, nagpaalam si maxine na umuwi na sa kanila. Hindi na daw sya tinanong ng mga amo kung bakit. Doon na naniwala si ate joyce na mga A yung kapitbahay nila. At yung araw din daw na yun huling nagkita at nagkausap sila ng kaibigan nya.
Sabi sakin ni ate joyce, nalaman daw nya sa iba pa nyang chismosang friends, na yung matanda lang daw yung aswang sa bahay na yun nung time na yun. Biniro ko pa si ate joyce na baka kaya hindi umuusok yung bote nung hawak yun ni maxine dahil nga wala na dun yung matanda, lumipad galing sa wheelchair. Sabi nya baka nga daw haha. Ang bilis magtransform ano po? Sabi din nya, sa generation daw nung matanda, sya na lang ang natitirang aswang sa family nila nun. Pero bago daw sya namatay, ipinamana nya ang lahi na yun sa mga kasunod nyang generation gamit ang isang ritwal. Hindi daw nya alam kung ano. Wala din daw nakakaalam ng totoo nilang apelyido dahil lagi daw sila nagpapapalit ng apelyido. Hanggang ngayon yata nandun pa din sila sa bahay na yon.
-End-