Third year high school ako noon. Mahilig sa barkada at napasubok na rin sa bisyo ng alak at sigarilyo.
Hindi ganoon kasikat ang eskwelahan namin. Lalo pa't nasa liblib na lugar ang aming baryo.
Isang araw ng Biyernes, napagkasunduan naming anim na magkakabarkada na umakyat ng bundok na may kalayuan sa amin.
Kilala ang bundok na tirahan ng mga hayop-ilang katulad ng usa at baboy-damo. Kilala rin itong pinaninirahan ng ilang tribo ng mga katutubo. At higit sa lahat, kilala itong pinagpupugaran ng iba't ibang elemento at engkanto na hindi pang-karaniwan.
Sa kadahilanang wala namang nababalitaang masama tungkol sa bundok na iyon, hindi na kami nag-atubiling magdesisyon na akyatin ito. Lalo pa't kakilala ni Pat ang Punong Lider ng mga katutubo (ka-trabaho ito ng Tatay niya bilang opisyal sa baryo).
Tinatayang kalahating araw o labin-dalawang oras ang kakailanganin upang makarating sa tuktok ng bundok. Kaya ala-singko palang ng madaling araw ay abala na kami sa paghahanda at sabay sabay na kumain ng agahan.
Dala ang tig-iisang bag naming malalaki na kinalalagyan ng mga damit, tubig at pagkain (at alak, sigarilyo at marijuana), sumugod na kami sa pag-akyat.
Napakalamig na hangin ang sumalubong sa amin, pagtawid sa unang ilog palabas ng baryo. Kaya naman, dinoble namin ang mga suot naming jacket.
Alas-otso ng umaga, narating namin ang lugar ng unang tribo. Halos walang tao sa mga kakubuan, marahil ay abala sa pagkakaingin. Saglit kaming nagpahinga sa isang bahay kubo, kaharap ng isang patag na lupang may poste ng basketball sa dulong bahagi.
Paubos na ang pangalawang sigarilyo ni Gino ng may gumulong na bola sa kanyang paa. Isang katutubong batang walang damit ang may ari nito sa di kalayuan. Dahil tila nahihiya itong lumapit para kunin ang bola, ako na ang naghagis nito pabalik sa kanya na sobra namang ikinagalak nito.
Alas-dos na ng hapon ng marating ng grupo ang tuktok ng bundok. Halos magpagulong-gulong sina Erica at Joy sa labis na kasiyahan sa ganda ng lugar na napili naming pwestuhan. Mangilan-ngilan lang ang mga punong kahoy pero sapat na sa lilim at lamig ang dulot nito. Sulit ang lahat ng pagod sa pag-akyat dahil tanaw na tanaw mo ang halos kabuuan ng lalawigan.
Pagkatapos ilatag ang mga gamit at dalawang lumang mumurahing tent, nahiga kaming lahat at nagpahinga. Sina Joy at Erica ang nasa kabila, samantalang kaming apat na lalaki naman ang magkakasama sa isa.
Malamig na simoy ng hangin at tunog ng mga pan-hapong kulisap lang ang iyong maririnig sa mga oras na iyon kaya naidlip kaming lahat.
Hatinggabi. Maliwanag ang buwan. Magubat na kapaligiran. Malamig na hangin at nakakabinging katahimikan.
Paubos na ang dalang "damo" ng grupo. Lahat ay tinatangay na ng kanya-kanyang imahinasyon at pantasya. Dito na nagsimula ang kababalaghang nangyari sa amin.
Sa hindi mawaring dahilan, pakiramdam ko'y hindi nalang kaming anim ang nagtatawanan sa mga oras iyon. Parang may mga nakikisabay na matitinis at malulutong na mga halakhak.
Nanindig ang aking mga balahibo ng maramdaman kong may yumakap sa akin mula sa likuran. Dali-dali akong napalingon at laking gulat ko ng makita ang babaeng nakaputi na nakalutang sa ere. Napasigaw ako ng biglang umunat paitaas ang mahabang buhok nito kasabay ng nakakabinging halakhak mula sa maitim na bibig nitong may matutulis na ngipin.
Tinawag ko ang lahat ng aking mga kasama at itinuro ang babaeng lumulutang.
Lalo akong nasindak ng lingunin ko silang lumulutang na rin sa ere habang nagtatawanan.
Halos mawala ako sa aking sarili sa mga oras na iyon. Hindi ako makapaniwala sa aking mga nasasaksihan.
Imahinasyon lang – yan ang ipinaglalaban ng utak ko nang maisip ko na gumamit kami ng marijuana. Marahil ay epekto ito ng ipinagbabawal na halaman. Subalit nabalewala ang lahat ng iyon ng maramdaman kong binubuhat na rin ako ng babaeng nakalutang kanina.
Takot na takot akong nagpupumiglas. Pero dahil sa sobrang lakas nito, nagmistula akong papel sa gaan.
Sa tagal kong lumulutang, nakakapagtakang nawiwili ako sa ere at nagsimulang humalakhak. Halakhak na sobrang ikinatuwa ko na halos makalimutan kong buhat ako ng kung ano mang nilalang.
Naroong kunwari'y ihahagis kami sa bangin habang lumulutang, paupuin sa puno ng akasya at kung ano-ano pa.
Hanggang sa maramdaman ko ang antok at pagkaidlip.
Kinaumagahan. Nagising ng normal ang lahat. Normal na tipong walang nangyaring kababalaghan kagabi. Ang hindi lang mawari ng grupo ay kung papaanong nakasabit sa mga punong kahoy ang jacket ng lahat.