Silay, Negros Occidental
Sabi ni papa, 16 pa lang sya noong nangyari itong kwentong ito. Dahil 10 silang magkakapatid kaya naman siksikan sila sa papag. Ang bahay nila papa ay isang malaking kubo, kawayan ang sahig at nasa ilalim ang mga pato at manok na alaga nila (Kita ang ilalim). Common house ng mga taga probinsya noon, dahil noong 2005 lang nagkakuryente sa lugar namen sa Negros kaya naman noong kapanahunan nila papa e kandila o gasera lang ang nagsisilbing ilaw nila.
Dahil na rin sa kadiliman at talaga namang sa lugar nila papa e nakakatakot talaga pagtakip ng dilim kaya naman maagang natutulog o nagsasara ng bahay ang mga tao doon. Sila Nanay at Tatay lang ang nakahiga sa may kawayang higaan kasama ang kanilang bunsong anak kaya naman elevated sila kumpara kila papa na sa papag lang kasama ng mga tito ko. Nilatag na nila ang banig at unti-unti ay dinalaw na rin sila ng antok. Madilim na ang paligid at tanging ang ilaw nalang sa buwan ang nagsisilbing liwanag sa buong kapaligiran. Sinubukan na rin ni papa ang matulog ngunit sadyang hindi sya madalaw-dalaw. Nagsimula naring magingay ang mga manok at pato sa ilalim ng bahay kaya naman lalong hindi sya makatulog. Sinubukan ulit nyang ipikit ang kanyang mga mata pero nagsimulang manakit ng kanyang tiyan. Sa bawat sakit ng tiyan nya ay lalong pagingay ng mga pato at manok sa ilalim. Dahil hindi rin siya makatulog dahil sa ingay at sakit ng tiyan nya kaya naman nagpadala siya sa curiosity nya at tinry nyang tingnan ang ilalim ng bahay, unti-unting binuksan ni papa ang banig.
Laking gulat ni papa nang makita ang isang maitim na babaeng tirik tirik ang buhok at nanlilisik ang mata sa pula habang nanghahaba ang dila. Sa takot e napasigaw si papa, nagising na rin sila tito sa tabi niya at nakita rin nila ang babae. Lahat raw sila pansamantalang nawala ang pagkalalaki at agad tumakbo lahat sa kwarto nina nanay at tatay. Parang wala pa raw balak umalis ang babae na sumusulyap sulyap pa sa kanila at nakangiti na tila ba natutuwang kinatatakutan siya. Si nanay ay isang albularyo kaya naman matapang niyang hinarap itong babae dala ang buntot ng pagi niya pero nang lapitan niya ito ay nawala na. Dahil pawid lang ang bintana nila papa kaya pinahawak ni nanay sa kanyang mga anak ang bawat bintana habang nilalagyan ng asin ang bawat sulok neto. Kumuha na rin si tatay ng kanyang bolo.
Sabi ni papa, sinubukan raw kausapin ni nanay ang babae, nagbababalang kapag sinubukan niyang pumasok ay ikamamatay niya lamang ito. Nag ingay pa ang mga manok at pato sa ilalim ngunit mas malakas ang nanay. Sa bawat ingay ng manok ay siyang hataw niya ng buntot ng pagi sa may papag. Sabi nila papa rinig mo raw ang daing ng babae, nagpuyat silang lahat upang bantayan ang isa't isa.
Kinaumagahan ay ilang mga manok ang nawala at dugo nalang nila ang natira, mukhang naramdaman na rin ng babae na hindi niya makukuha ang papa. May pinainom rin si nanay kay papa, sabi ni nanay, kung hindi daw naabutan at nakatulog si papa ng tuluyan ay malamang nakain na ang kanyang atay. May ginawa ring mga bendisyon si nanay sa buong bahay para hindi na raw maulit ang pagbalik ng babae. Hanggang ngayon, 49 yrs. old na si papa pero dala nya pa rin yung takot na naramdaman nya noon. Masasabi nga nyang bilang isang pamilyadong lalaki, wala raw syang kinatatakutan dito sa siyudad pero ibang usapan na raw pag katatakutan sa Uma.