Alas-kwatro na ng madaling araw ng matapos ang inuman nina Jake. Bagamat sanay sa inuman, aminado syang medyo tinamaan siya ng kaunti sa inuman nilang iyon.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na sya sa mga kaibigan para umuwi. Magmo-motor pa kasi siya kaya mahirap na umagahin dahil mas maraming sasakyan.
Tahimik ang gabi nang magsimula na syang magpatakbo ng motorsiklo niya. Walang kahit isang sasakyan at puro huni lang ng kuliglig ang maririnig.
Mabagal lang ang kanyang pagpapatakbo. Kailangan nyang maging maingat dahil nakainom sya.
Pagkalampas ng mahabang tulay na may konting tubig sa ilalim, nanindig ang mga balahibo ni Jake dahil sa nanunuot na lamig ng hangin sa makapal na jacket niya.
Hindi niya alam kong bakit, pero kinilabutan siya. Lalo pa't bantog ang daanang iyon na may nagpapakita daw na multo.
Medyo binilisan niya ang pagpapatakbo.
Nang papaliko na siya sa kanan. Muntik na siyang masemplang nang makita niya ang isang babaeng nakabigti sa mataas na puno ng Akasya. Mahaba ang puting damit na suot ng babae.
Nang malapit na siya sa Akasya, kinilabutan sya ng husto ng makita niya ang mukha ng babae. Sobrang puti at maiitim ang dalawang mata na parang nakatingin sa kanya.
Pinagpawisan ng malapot si Jake at nawala ang kanyang lasing. At dahil sabi ng iba na hayaan lang daw at huwag itong pansinin, tinuloy niya ang pagpapatakbo na parang walang nakita.
Maya maya, kinilabutan ulit si Jake ng maramdamang bumigat ang kanyang motor. Halos mawala siya sa katinuan habang iniisip na posibleng umangkas sa likod niya ang babaeng nakabigti kanina.
Nakiramdam siya at lalong pinagpawisan dahil nararamdaman niyang parang may humihinga sa batok niya.
Alam niyang namumutla na sya pero tuloy parin ang pagpapatakbo niya. Nang hindi makatiis para alamin kung mayroon ngang nakasakay sa likod nya, dahan-dahan siyang sumilip sa kanang salamin ng motor.
Nasemplang nalang sya at nawalan ng malay ng makita sa salamin ng motor ang maputing mukha at nanlilisik na mga mata ng babaeng nakatitig sa kanya.